Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
17 Si Jesus ay bumabang kasama nila at tumayo sa isang patag na dako. Pumunta roon ang karamihan ng kaniyang mga alagad at mga tao na lubhang marami. Ang mga tao ay nanggaling sa buong Judea at Jerusalem at sa baybaying dagat ng Tiro at Sidon. Sila ay pumunta roon upang makinig sa kaniya at mapagaling ang kanilang mga sakit. 18 Ang mga ginugulo ng mga karumal-dumal na espiritu ay dumating din at sila rin ay pinagaling. 19 Hinangad ng lahat ng mga tao na mahipo siya sapagkat may kapangyarihang lumalabas sa kaniya na nagpapagaling sa kanilang lahat.
Ang Pahayag ng Pagpapala at Pagkaaba
20 Tumingin si Jesus sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Pinagpala kayong mga mapagpakumbaba sapagkat sa inyo ang paghahari ng Diyos.
21 Pinagpala kayong mga nagugutom ngayon sapagkat kayo ay bubusugin. Pinagpala kayong umiiyak ngayon sapagkat kayo ay tatawa na may galak. 22 Pinagpala kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at kapag itinatakwil nila kayo. Pinagpala kayo kung pinapahiya kayo ng mga tao at itinuturing nila ang inyong pangalan na tulad sa masama. Pinagpala kayo kapag ang mga ito ay ginawa sa inyo dahil sa akin na Anak ng Tao.
23 Magalak kayo sa araw na iyon at lumukso sa kagalakan. Narito, malaki ang gantimpala ninyo sa langit. Ganito rin ang ginawa ng mga ninuno nila sa mga propeta.
24 Sa aba ninyo na mayayaman sapagkat tinatanggap ninyo anginyong kaaliwan. 25 Sa aba ninyo na mga busog sapagkat kayo ay magugutom.Sa aba ninyo na tumatawa ngayon sapagkat kayo ay magluluksa at tatangis. 26 Sa aba ninyo kung ang lahat ng tao ay nagsasabi ng mabuti patungkol sa inyo. Ganito rin ang ginawa ng mga ninuno nila sa mga bulaang propeta.
Copyright © 1998 by Bibles International