Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
1 Corinto 1:10-18

Ang Pagkakabaha-bahagi sa Iglesiya

10 Mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo na kayong lahat ay magkaisa sa mga sasabihin ninyo, at huwag magkaroon ng pagkakabahagi sa inyo. Sa halip, lubos kayong magkaisa sa iisang isipan at iisang pagpapasiya.

11 Nasabi nga sa akin ng ilan sa samba­hayan ni Cloe na mayroong mga paglalaban-laban sa inyo. 12 Ito ang sasabihin ko: Ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi: Ako ay kay Pablo, ako ay kay Apollos, ako ay kay Cefas, ako ay kay Cristo.

13 Pinagbaha-bahagi ba si Cristo? Si Pablo ba ay ipinako sa krus ng dahil sa inyo? Binawtismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo? 14 Ako ay nagpapasalamat na wala akong binawtis­muhan sa inyo maliban kina Crispo at Gayo. 15 Ito ay upang walang sinumang magsabi na ako ay nagbabawtismo sa aking pangalan. 16 Binawtismuhan ko rin ang sambahayan ni Este­fanas. Patungkol sa iba, wala na akong alam na binawtismuhan ko. 17 Ito ay sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbawtismo kundi upang ipangaral ang ebanghelyo. Ito ay hindi sa pamamagitan ng karunungan ng salita upang hindi mawalan ng halaga ang krus ni Cristo.

Si Cristo ang Karunungan at Kapangyarihan ng Diyos

18 Sapagkat ang salita patungkol sa krus ay kamangmangan sa mga napapahamak ngunit sa atin na naligtas ito ay kapangyarihan ng Diyos.

Mateo 4:12-23

Nagpasimulang Mangaral si Jesus

12 Nang marinig ni Jesus na si Juan ay naibilanggo, pumunta siya sa Galilea.

13 Mula sa Nazaret ay pumunta siya sa Capernaum at doon nanirahan. Ito ay nasa tabi ng dagat, sa may hangganan ng Zebulon at Neftali. 14 Ginawa niya ito upang matupad ang inihula ni propeta Isaias na nagsabi:

15 Ang lupain ng Zebulon at ang lupain ng Neftali, daanan sa gawing dagat sa ibayong Jordan, Galilea ng mga Gentil. 16 Ang mga taong nanahan sa kadiliman ay nakakita ng dakilang liwanag. Sumikat ang ilaw sa kanila na nanahan sa pook at lilim ng kamatayan.

17 Mula noon, nagsimulang mangaral si Jesus. Sinabi niya: Magsisi kayo sapagkat malapit na ang paghahari ng langit.

Tinawag ni Jesus ang Unang mga Alagad

18 Habang si Jesus ay naglalakad sa tabi ng lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid. Sila ay sina Simon na tinatawag na Pedro at ang nakakabata niyang kapatid na si Andres. Naghahagis sila ng lambat sa lawa sapagkat sila ay mga mangingisda.

19 Sinabi niya sa kanila: Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao. 20 Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.

21 Sa pagpapatuloy niya sa paglalakad, nakita niya ang magkapatid na Santiago at Juan. Sila ay nasa bangka at nag-aayos ng lambat kasama ang kanilang amang si Zebedeo. At tinawag sila ni Jesus. 22 Agad-agad nilang iniwan ang kanilang bangka at ang kanilang ama at sumunod sa kaniya.

May mga Pinagaling si Jesus sa Sinagoga

23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea na nagtuturo sa mga sinagoga. Ipinangangaral niya ang ebanghelyo ng paghahari ng Diyos. Nagpagaling siya ng lahat ng uri ng sakit at panghihina ng katawan ng mga tao.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International