Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
1 Akong si Pablo, sa kalooban ng Diyos, ay tinawag na maging apostol ni Jesucristo. Ang ating kapatid na si Sostenes ay kasama ko.
2 Sumusulat ako sa iglesiya ng Diyos na nasa Corinto, na mga itinalaga kay Cristo Jesus. Sa kanila na tinawag na mga banal kasama ang lahat ng nasa bawat dako, na tumatawag sa pangalan ni Jesucristo na kanilang Panginoon at ating Panginoon.
3 Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesucristo.
Pasasalamat
4 Nagpapasalamat akong lagi sa aking Diyos para sa inyo dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa inyo sa pamamagitan ni Jesucristo.
5 Nagpapasalamat ako na sa bawat bagay ay pinasasagana niya kayo sa kaniya, sa lahat ng inyong pagsasalita at sa lahat ng kaalaman. 6 Ito ay kung papaanong napagtibay sa inyo ang patotoo ni Cristo. 7 Kaya nga, hindi kayo nagkulang sa isa mang kaloob, na kayo ay naghihintay ng kapahayagan ng ating Panginoong Jesucristo. 8 Siya ang magpapatibay sa inyo hanggang wakas, hindi mapaparatangan sa araw ng ating Panginoong Jesucristo. 9 Ang Diyos ay matapat. Sa pamamagitan niya kayo ay tinawag sa pakikipag-isa sa kaniyang Anak na si Jesucristo na ating Panginoon.
Si Jesus ang Kordero ng Diyos
29 Kinabukasan nang makita ni Juan si Jesus na papalapit sa kaniya, sinabi niya: Narito, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sangkatauhan.
30 Siya ang aking tinutukoy nang sabihin kong may paparitong kasunod ko, na isang lalaking higit kaysa sa akin sapagkat siya ay una sa akin. 31 Hindi ko siya kilala ngunit upang maihayag siya sa Israel, ako nga ay naparitong nagbabawtismo sa tubig.
32 Nagpatotoo si Juan na nagsasabi: Nakita ko ang Espiritu na bumabang buhat sa langit tulad ng isang kalapati. Ito ay nanahan sa kaniya. 33 Hindi ko siya kilala ngunit ang nagsugo sa akin upang magbawtismo sa pamamagitan ng tubig ay siya ring nagsabi sa akin: Kung kanino mo makikitang bababa at mananahan ang Espiritu, siya ang magbabawtismo ng Banal na Espiritu. 34 Aking nakita at pinatotohanan na siya ang Anak ng Diyos.
Ang mga Unang Alagad ni Jesus
35 Kinabukasan, si Juan ay muling nakatayo roon kasama ang dalawa sa kaniyang mga alagad.
36 Pagtingin niya kay Jesus na naglalakad, sinabi niya: Narito, ang Kordero ng Diyos.
37 Narinig ng dalawang alagad nang siya ay magsalita. Sumunod sila kay Jesus. 38 Paglingon ni Jesus at nakita silang sumusunod. Sinabi niya sa kanila: Ano ang inyong hinahanap?
Sinabi nila sa kaniya:Rabbi, na kung liliwanagin ay Guro, saan ka nakatira?
39 Sinabi niya sa kanila: Halikayo at inyong tingnan.
Sila ay pumaroon at nakita nila ang kaniyang tinitirahan. Nanatili silang kasama niya nang araw na iyon, noon ay mag-iikasampu na ang oras.
40 Ang isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres. Siya ay kapatid ni Simon Pedro. 41 Una niyang hinanap ang kaniyang sariling kapatid na si Simon at sinabi sa kaniya: Natagpuan namin ang Mesiyas. Ang kahulugan ng Mesiyas ay Cristo.[a] 42 Isinama ni Andres si Simon kay Jesus.
Tiningnan siya ni Jesus at sinabi: Ikaw ay si Simon na anak ni Jonas, tatawagin kang Cefas. Kung isasalin ang Cefas ay bato.[b]
Copyright © 1998 by Bibles International