Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
68 Sinabi niya: Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel sapagkat dumating siya at tinubos ang kaniyang mga tao. 69 Siya ay nagbangon ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin sa bahay ni David na kaniyang lingkod. 70 Ito ay ayon sa kaniyang sinabi sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang pasimula. 71 Kaniyang sinabi na tayo ay ililigtas mula sa ating mga kaaway. Gayundin, mula sa kamay ng lahat ng mga napopoot sa atin. 72 Ito ay upang tuparin ang kaniyang kahabagan sa ating mga magulang at alalahanin ang kaniyang banal na tipan. 73 Ito ang panunumpa na kaniyang sinumpaan sa ating amang si Abraham na ibibigay sa atin. 74 Ginawa niya ito upang tayo ay maglingkod sa kaniya nang walang takot, pagkatapos niya tayong iligtas mula sa kamay ng ating mga kaaway. 75 Tayo ay maglilingkod sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya habang tayo ay nabubuhay. 76 Ikaw, maliit na bata, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan sapagkat yayaon ka sa harapan ng Panginoon upang ihanda ang kaniyang mga daan. 77 Ikaw ay yayaon upang magbigay ng kaalaman ng kaligtasan sa kaniyang mga tao, para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 78 Ito ay sa pamamagitan ng taos-pusong kahabagan ng ating Diyos, kung saan ang bukang-liwayway mula sa kataasan ay dumating sa atin. 79 Ito ay upang magliwanag sa mga nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan at upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.
Papuri sa Diyos para sa Isang Buhay na Pag-asa
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesucristo sapagkat sa kaniyang dakilang kahabagan ay ipinanganak niya tayong muli patungo sa isang buhay na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesucristo mula sa mga patay.
4 Ginawa niya ito para sa isang manang hindi nabubulok, hindi narurumihan at hindi kumukupas na inilaan sa langit para sa atin. 5 Ang kapangyarihan ng Diyos ang nag-iingat sa atinsa pamamagitan ng pananampalataya, para sa kaligtasang nakahandang ihayag sa huling panahon. 6 Ito ang inyong ikinagagalak bagamat, ngayon sa sandaling panahon kung kinakailangan, ay pinalulumbay kayo sa iba’t ibang pagsubok. 7 Ito ay upang ang pagsubok sa inyong pananampalataya, na lalong higit na mahalaga kaysa ginto na nasisira, bagaman sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay masumpungan sa ikapupuri, ikararangal at ikaluluwalhati ni Jesucristo sa kaniyang kapahayagan. 8 Kahit na hindi ninyo siya nakita, inibig ninyo siya. Kahit hindi ninyo siya nakikita ngayon ay nananampalataya kayo sa kaniya. Dahil dito, nagagalak kayo ng kagalakang hindi kayang ipaliwanag sa salita at puspos ng kaluwalhatian. 9 Nagagalak kayo sapagkat tinatanggap ninyo ang layunin ng inyong pananampalataya na walang iba kundi ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa.
Copyright © 1998 by Bibles International