Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 142

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang(A) Maskil[a] ni David, nang siya'y nasa kuweba. Ito'y isa ring panalangin.

142 O Yahweh, ako ay humingi ng tulong,
    ako'y maghihintay sa iyong pagtugon;
ang aking dinala'y lahat kong hinaing,
    at ang sinabi ko'y pawang suliranin.
Nang ako ay halos wala nang pag-asa,
    ang dapat kong gawi'y nalalaman niya.
Sa landas na aking pinagdaraanan,
    may handang patibong ang aking kaaway.
Sa aking paligid, nang ako'y lumingon,
    wala ni isa man akong makatulong;
    wala kahit isa na magsasanggalang,
ni magmalasakit na kahit sinuman.

Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing,
    sa Tagapagligtas, ako'y dumalangin;
    tunay na ikaw lang mahalaga sa akin.
Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan,
    pagkat halos ako'y di makagulapay;
iligtas mo ako sa mga kaaway,
    na mas malalakas ang mga katawan.
Sa suliranin ko, ako ay hanguin,
    at ang pangalan mo'y aking pupurihin, sa gitna ng madlang mga lingkod mo rin
    sa kabutihan mong ginawa sa akin!

Habakuk 3:1-16

Ang Panalangin ni Habakuk

Ito ay panalangin ni Propeta Habakuk:[a]

O Yahweh, narinig ko ang tungkol sa inyong ginawa,
    at ako'y lubos na humanga.
Ulitin ninyo ngayon sa aming panahon
    ang mga dakilang bagay na ginawa ninyo noon.
Maging mahabagin kayo, kahit kapag kayo'y nagagalit.
Ang Diyos ay muling nanggaling sa Teman,
    ang Banal na Diyos ay nagmula sa kaparangan ng Paran.
Laganap sa kalangitan ang kanyang kaluwalhatian,
    at puno ang lupa ng papuri sa kanya.
Darating siyang sinliwanag ng kidlat,
    na gumuguhit mula sa kanyang kamay;
    at doon natatago ang kanyang kapangyarihan.
Nagpapadala siya ng karamdaman
    at inuutusan ang kamatayan upang sumunod sa kanya.
Huminto siya at nayanig ang lupa;
    sa kanyang sulyap ay nanginginig ang mga bansa.
Ang mga walang hanggang bundok ay sumasambulat;
    ang walang hanggang kaburulan ay lumulubog—
    mga daang nilakaran niya noong unang panahon.

Nakita kong natakot ang mga tao sa Cusan,
    at nanginig ang lahat sa lupain ng Midian.
Nagagalit ba kayo dahil sa mga ilog, O Yahweh?
    Ang mga dagat ba ang sanhi ng inyong poot?
Nakasakay kayo sa inyong mga kabayo,
    at magtatagumpay na lulan ng iyong karwahe,
    habang pinagtatagumpay ninyo ang inyong bayan.
Binunot ninyo sa suksukan ang inyong pana,
    at inihanda ang inyong mga palaso.
Biniyak ng inyong kidlat ang lupa.
10 Nakita kayo ng mga bundok at sila'y nanginig;
    bumuhos ang malakas na ulan.
Umapaw ang tubig mula sa kalaliman,
    at tumaas ang along naglalakihan.
11 Ang araw at ang buwan ay huminto
    dahil sa bilis ng inyong pana at sibat.
12 Galit na galit kayong naglakad sa buong daigdig,
    at sa tindi ng poot ninyo, ang mga bansa ay niyurakan.
13 Lumabas kayo para iligtas ang inyong bayan,
    at ang haring pinili ninyo.
Dinurog ninyo ang pinuno ng masasama,
    at nilipol na lahat ang kanyang tagasunod.
14 Sinibat ninyo ang pinuno ng mga mandirigma,
    nang dumating sila na parang ipu-ipo upang kami'y pangalatin.
    Kagalakan nilang sakmalin nang palihim ang mga dukha.
15 Niyurakan ninyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong mga kabayo,
    at bumula ang malawak na karagatan.

16 Narinig kong lahat ito at ako'y nanginig;
    nangatal ang aking mga labi dahil sa takot.
Nanghina ang aking katawan,
    at ako'y nalugmok.

Tahimik kong hihintayin ang takdang panahon
    ng pagpaparusa ng Diyos sa mga umapi sa amin.

Judas 5-21

Kahit(A) na alam na ninyo ang lahat ng ito, nais ko pa ring ipaalala sa inyo na matapos iligtas ng Panginoon[a] ang bansang Israel sa lupain ng Egipto, pinuksa niya ang mga taong hindi nanalig sa kanya. Alalahanin din ninyo ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating kalagayan at kapangyarihan, sa halip ay iniwan ang kanilang tahanan. Kaya't sila'y ginapos ng Diyos ng di mapapatid na tanikala at ibinilanggo sa malalim na kadiliman, hanggang sa sila'y hatulan sa dakilang Araw ng Paghuhukom. Alalahanin(B) din ninyo na ang Sodoma at Gomorra at mga karatig-lungsod ay nalulong sa kahalayan at di-likas na pagnanasa ng laman, kaya't sila'y pinarusahan sa apoy na hindi namamatay bilang babala sa lahat.

Ganyan din ang mga taong ito, dahil sa kanilang mga pangitain ay dinudungisan nila ang[b] kanilang sariling katawan, hinahamak nila ang maykapangyarihan at nilalait ang mariringal na anghel. Kahit(C) si Miguel na pinuno ng mga anghel, nang makipagtalo siya sa diyablo tungkol sa bangkay ni Moises, ay hindi nangahas gumamit ng paglapastangan. Ang tanging sinabi niya ay, “Parusahan ka nawa ng Panginoon!” 10 Ngunit nilalapastangan ng mga taong ito ang anumang hindi nila nauunawaan. Sila ay tulad ng mga hayop na ang sinusunod lamang ay ang kanilang damdamin, na siya namang magpapahamak sa kanila. 11 Kakila-kilabot ang sasapitin nila sapagkat sumunod sila sa halimbawa ni Cain. Tulad ni Balaam, hindi sila nag-atubiling gumawa ng kamalian dahil lamang sa salapi. Naghimagsik silang tulad ni Korah, kaya't sila'y namatay ding katulad niya.

12 Napakalaking kahihiyan at kasiraang-puri ang sila'y makasama ninyo sa mga salu-salong pangmagkakapatid. Wala silang iniintindi kundi ang kanilang sarili. Para silang mga ulap na tinatangay ng hangin ngunit hindi nagdadala ng ulan; mga punongkahoy na binunot na pati ugat at talagang patay na dahil hindi namumunga kahit sa kapanahunan. 13 Sila'y mga alon sa dagat na ang bula ay ang kanilang mga gawang kahiya-hiya; mga ligaw na bituin na nakalaan sa kadiliman magpakailanman.

14 Tungkol(D) din sa kanila ang pahayag ni Enoc, na kabilang sa ikapitong salinlahi mula kay Adan. Sinabi niya, “Tingnan ninyo! Dumarating ang Panginoon kasama ang kanyang libu-libong mga banal na anghel 15 upang hatulan ang lahat. Paparusahan niya ang lahat ng ayaw kumilala sa Diyos dahil sa kanilang mga kasamaan at paglapastangan sa Diyos!” 16 Ang mga taong ito'y walang kasiyahan, mapamintas, sumusunod sa kanilang mga pagnanasa, mayayabang, at sanay mambola para makuha ang gusto nila.

Mga Babala at mga Payo

17 Mga minamahal, alalahanin ninyo ang sinabi ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 18 Noon(E) pa'y sinabi na nila sa inyo, “Sa huling panahon, may lilitaw na mga taong mapanlait at sumusunod sa masasamang pagnanasa ng laman.” 19 Ito ang mga taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga makamundo at wala sa kanila ang Espiritu.

20 Ngunit magpakatatag kayo, mga minamahal, sa inyong kabanal-banalang pananampalataya. Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos habang naghihintay kayo sa ating Panginoong Jesu-Cristo na magkakaloob sa inyo ng buhay na walang hanggan dahil sa kanyang habag sa atin.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.