Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
135 Purihin ninyo ang Panginoon. Purihin ninyo ang pangalan ng Panginoon; purihin ninyo siya, Oh ninyong mga lingkod ng Panginoon:
2 Ninyong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon. Sa mga looban ng bahay ng ating Dios.
3 Purihin ninyo ang Panginoon; sapagka't ang Panginoon ay mabuti: magsiawit kayo ng mga pagpuri sa kaniyang pangalan; sapagka't maligaya.
4 Sapagka't pinili ng Panginoon para sa kaniya si Jacob, at ang Israel na kaniyang pinakatanging kayamanan.
5 Sapagka't nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila, at ang ating Panginoon ay higit sa lahat na dios.
6 Anomang kinalugdan ng Panginoon, ay kaniyang ginawa, sa langit at sa lupa, sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman.
7 Kaniyang pinailanglang ang mga singaw na mula sa mga wakas ng lupa; kaniyang ginagawa ang mga kidlat na ukol sa ulan; kaniyang inilalabas ang hangin mula sa kaniyang mga ingatang-yaman.
8 Na siyang sumakit sa mga panganay sa Egipto, sa tao at gayon din sa hayop.
9 Siya'y nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan sa gitna mo, Oh Egipto, kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod.
10 Na siyang sumakit sa maraming bansa, at pumatay sa mga makapangyarihang hari;
11 Kay Sehon na hari ng mga Amorrheo, at kay Og na hari sa Basan, at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan:
12 At ibinigay ang kanilang lupain na pinakamana, isang pinakamana sa Israel sa kaniyang bayan.
13 Ang iyong pangalan, Oh Panginoon, ay magpakailan man; ang alaala sa iyo, Oh Panginoon, ay sa lahat ng sali't saling lahi.
14 Sapagka't hahatulan ng Panginoon ang kaniyang bayan, at magsisisi tungkol sa kaniyang mga lingkod.
15 Ang mga diosdiosan ng mga bansa ay pilak at ginto, na gawa ng mga kamay ng mga tao.
16 Sila'y may mga bibig, nguni't hindi sila nangagsasalita; mga mata ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakakita;
17 Sila'y may mga tainga, nguni't hindi sila nangakakarinig; at wala mang anomang hinga sa kanilang mga bibig.
18 Silang nagsisigawa sa kanila ay magiging gaya nila; Oo, bawa't tumitiwala sa kanila.
19 Oh sangbahayan ni Israel, purihin ninyo ang Panginoon: Oh sangbahayan ni Aaron, purihin ninyo ang Panginoon:
20 Oh sangbahayan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon: ninyong nangatatakot sa Panginoon, purihin ninyo ang Panginoon.
21 Purihin ang Panginoon mula sa Sion, na siyang tumatahan sa Jerusalem. Purihin ninyo ang Panginoon.
12 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
13 Anak ng tao, pagka ang isang lupain ay nagkasala laban sa akin ng pagsalangsang, at aking iniunat ang aking kamay roon, at aking binali ang tungkod ng tinapay niyaon, at nagsugo ako ng kagutom doon, at aking inihiwalay roon ang tao at hayop;
14 Bagaman ang tatlong lalaking ito, na si Noe, si Daniel at si Job, ay nangandoon, ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling mga kaluluwa, sa pamamagitan ng kanilang katuwiran, sabi ng Panginoong Dios.
15 Kung aking paraanin ang mga mabangis na hayop sa lupain, at kanilang sirain, at ito'y magiba na anopa't walang taong makadaan dahil sa mga hayop;
16 Bagaman ang tatlong lalaking ito ay nangandoon, buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi sila mangagliligtas ng mga anak na lalake o babae man; sila lamang ang maliligtas, nguni't ang lupain ay masisira.
17 O kung ako'y magpasapit ng tabak sa lupaing yaon, at aking sabihin, Tabak, dumaan ka sa lupain; na anopa't aking ihiwalay roon ang tao at hayop;
18 Bagaman ang tatlong lalaking ito ay nangandoon, buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, sila'y hindi mangagliligtas ng mga anak na lalake o babae man, kundi sila lamang ang maliligtas.
19 O kung ako'y magsugo ng salot sa lupaing yaon, at aking ibugso ang aking kapusukan sa kaniya na may kabagsikan, upang ihiwalay ang tao't hayop;
20 Bagaman si Noe, si Daniel, at si Job, ay nangandoon, buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi sila mangagliligtas ng mga anak na lalake o babae man; ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling kaluluwa sa pamamagitan ng kanilang katuwiran.
21 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Gaano pa nga kaya kung aking pasapitin ang aking apat na mahigpit na kahatulan sa Jerusalem, ang tabak, at ang kagutom, at ang mabangis na hayop, at ang salot, upang ihiwalay roon ang tao at hayop?
22 Gayon ma'y, narito, doo'y maiiwan ang isang nalabi na ilalabas, mga anak na lalake at sangpu ng babae: narito, kanilang lalabasin kayo, at inyong makikita ang kanilang mga lakad at ang kanilang mga gawa; at kayo'y mangaaaliw tungkol sa kasamaan na aking pinasapit sa Jerusalem, tungkol sa lahat na aking pinasapit doon.
23 At kanilang aaliwin kayo pagka nakikita ninyo ang kanilang lakad at ang kanilang mga gawa at inyong makikilala na hindi ko ginawang walang kadahilanan ang lahat na aking ginawa roon, sabi ng Panginoong Dios.
24 At nagtindig siya doon, at napasa mga hangganan ng Tiro at ng Sidon. At pumasok siya sa isang bahay, at ibig niya na sinomang tao'y huwag sanang makaalam; at hindi siya nakapagtago.
25 Nguni't ang isang babae na ang kaniyang munting anak na babae ay may isang karumaldumal na espiritu, pagdaka'y nang mabalitaan siya, ay lumapit at nagpatirapa sa kaniyang paanan.
26 Ang babae nga ay isang Griega, isang Sirofenisa, ayon sa lahi. At ipinamamanhik niya sa kaniya na palabasin sa kaniyang anak ang demonio.
27 At sinabi niya sa kaniya, Pabayaan mo munang mangabusog ang mga anak: sapagka't hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon sa mga aso.
28 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kaniya, Oo, Panginoon; kahit ang mga aso sa ilalim ng dulang ay nagsisikain ng mga mumo ng mga anak.
29 At sinabi niya sa kaniya, Dahil sa sabing ito humayo ka; nakaalis na ang demonio sa iyong anak.
30 At umuwi siya sa kaniyang bahay, at naratnan ang anak na nakahiga sa higaan, at nakaalis na ang demonio.
Public Domain