Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 135

135 Purihin ninyo ang Panginoon. Purihin ninyo ang pangalan ng Panginoon; purihin ninyo siya, Oh ninyong mga lingkod ng Panginoon:

Ninyong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon. Sa mga looban ng bahay ng ating Dios.

Purihin ninyo ang Panginoon; sapagka't ang Panginoon ay mabuti: magsiawit kayo ng mga pagpuri sa kaniyang pangalan; sapagka't maligaya.

Sapagka't pinili ng Panginoon para sa kaniya si Jacob, at ang Israel na kaniyang pinakatanging kayamanan.

Sapagka't nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila, at ang ating Panginoon ay higit sa lahat na dios.

Anomang kinalugdan ng Panginoon, ay kaniyang ginawa, sa langit at sa lupa, sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman.

Kaniyang pinailanglang ang mga singaw na mula sa mga wakas ng lupa; kaniyang ginagawa ang mga kidlat na ukol sa ulan; kaniyang inilalabas ang hangin mula sa kaniyang mga ingatang-yaman.

Na siyang sumakit sa mga panganay sa Egipto, sa tao at gayon din sa hayop.

Siya'y nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan sa gitna mo, Oh Egipto, kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod.

10 Na siyang sumakit sa maraming bansa, at pumatay sa mga makapangyarihang hari;

11 Kay Sehon na hari ng mga Amorrheo, at kay Og na hari sa Basan, at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan:

12 At ibinigay ang kanilang lupain na pinakamana, isang pinakamana sa Israel sa kaniyang bayan.

13 Ang iyong pangalan, Oh Panginoon, ay magpakailan man; ang alaala sa iyo, Oh Panginoon, ay sa lahat ng sali't saling lahi.

14 Sapagka't hahatulan ng Panginoon ang kaniyang bayan, at magsisisi tungkol sa kaniyang mga lingkod.

15 Ang mga diosdiosan ng mga bansa ay pilak at ginto, na gawa ng mga kamay ng mga tao.

16 Sila'y may mga bibig, nguni't hindi sila nangagsasalita; mga mata ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakakita;

17 Sila'y may mga tainga, nguni't hindi sila nangakakarinig; at wala mang anomang hinga sa kanilang mga bibig.

18 Silang nagsisigawa sa kanila ay magiging gaya nila; Oo, bawa't tumitiwala sa kanila.

19 Oh sangbahayan ni Israel, purihin ninyo ang Panginoon: Oh sangbahayan ni Aaron, purihin ninyo ang Panginoon:

20 Oh sangbahayan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon: ninyong nangatatakot sa Panginoon, purihin ninyo ang Panginoon.

21 Purihin ang Panginoon mula sa Sion, na siyang tumatahan sa Jerusalem. Purihin ninyo ang Panginoon.

Ezekiel 8

At nangyari nang ikaanim na taon, nang ikaanim na buwan, nang ikalima ng buwan, ako'y nakaupo sa aking bahay, at ang mga matanda sa Juda ay nangakaupo sa harap ko, na ang kamay ng Panginoong Dios ay dumating sa akin doon.

Nang magkagayo'y tumingin ako, at, narito, may isang anyo na parang apoy; mula sa anyo ng kaniyang mga balakang at paibaba, ay apoy; at mula sa kaniyang mga balakang at paitaas, parang anyo ng kinang, na parang metal na nagbabaga.

At kaniyang inilabas ang anyo ng isang kamay, at hinawakan ako sa buhok ng aking ulo; at itinaas ako ng Espiritu sa pagitan ng lupa at ng langit, at dinala ako sa pangitain na mula sa Dios sa Jerusalem, sa pintuan ng pintuang-daan ng pinakaloob na looban na nakaharap sa dakong hilagaan; na kinaroroonan ng upuan ng larawan ng panibugho, na namumungkahi sa paninibugho.

At, narito, ang kaluwalhatian ng Dios ng Israel ay nandoon, gaya ng anyo na aking nakita sa kapatagan.

Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, itingin mo ang iyong mga mata ngayon sa daan na dakong hilagaan. Sa gayo'y itiningin ko ang aking mga mata sa daan na dakong hilagaan, at narito, nasa dakong hilagaan ng pintuang-daan ng dambana ang larawang ito ng panibugho sa pasukan.

At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, nakikita mo baga ang kanilang ginagawa? ang malaking kasuklamsuklam na ginagawa ng sangbahayan ni Israel dito, upang ako'y lumayo sa aking santuario? Nguni't iyo muling makikita pa ang ibang mga malalaking kasuklamsuklam.

At dinala niya ako sa pintuan ng looban; at nang ako'y tumingin, narito, ang isang butas sa pader.

Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, humukay ka ngayon sa pader: at nang ako'y humukay sa pader, narito, ang isang pintuan.

At sinabi niya sa akin, Ikaw ay pumasok, at tingnan mo ang mga masamang kasuklamsuklam na kanilang ginagawa rito.

10 Sa gayo'y pumasok ako at nakita ko; at narito, ang bawa't anyo ng nagsisiusad na mga bagay, at kasuklamsuklam na mga hayop, at lahat ng mga diosdiosan ng sangbahayan ni Israel, na nakaguhit sa pader sa palibot.

11 At nagsitayo sa harap nila ang pitong pung lalake sa mga matanda ng sangbahayan ni Israel; at sa gitna nila ay tumayo si Jaazanias na anak ni Saphan, bawa't lalake ay may kaniyang pangsuub sa kaniyang kamay; at ang amoy ng usok ng kamangyan ay napailanglang.

12 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, nakikita mo baga kung anong ginagawa ng mga matanda ng sangbahayan ni Israel sa kadiliman, bawa't isa'y sa kaniyang mga silid na nilarawanan? sapagka't kanilang sinasabi, Hindi tayo nakikita ng Panginoon; pinabayaan ng Panginoon ang lupa.

13 Sinabi rin niya sa akin, Iyong muling makikita pa ang mga ibang malaking kasuklamsuklam na kanilang ginagawa.

14 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa pintuan ng pintuang-daan ng bahay ng Panginoon na nasa dakong hilagaan; at, narito, doo'y nangaupo ang mga babae na iniiyakan si Tammuz.

15 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Nakita mo baga ito, Oh anak ng tao? iyo pa muling makikita ang lalong malaking mga kasuklamsuklam kay sa mga ito.

16 At dinala niya ako sa pinakaloob na looban ng bahay ng Panginoon, at, narito, sa pintuan ng templo ng Panginoon sa pagitan ng malaking pintuan at ng dambana, ay may dalawang pu't limang lalake, na sila'y nakatalikod sa dako ng templo ng Panginoon, at nakaharap sa dakong silanganan; at kanilang sinasamba ang araw sa dakong silanganan.

17 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Nakita mo baga ito, Oh anak ng tao? Magaan bagang bagay sa sangbahayan ni Juda, na sila'y nagsisigawa ng mga kasuklamsuklam na kanilang ginagawa dito? sapagka't kanilang pinuno ng karahasan ang lupa, at sila'y nangagbalik uli upang mungkahiin ako sa galit: at, narito, kanilang inilalagay ang sanga sa kanilang ilong.

18 Kaya't akin namang gagawin sa kapusukan; ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako: at bagaman sila'y nagsisidaing sa aking pakinig ng malakas na tinig, gayon ma'y hindi ko sila didinggin.

Mga Gawa 8:26-40

26 Datapuwa't nagsalita kay Felipe ang isang anghel ng Panginoon, na nagsasabi, Magtindig ka, at ikaw ay pumaroon sa dakong timugan, sa daang palusong mula sa Jerusalem hanggang sa Gaza: na ito'y ilang.

27 At siya'y nagtindig at yumaon: at narito, ang isang lalaking taga Etiopia, isang bating na may dakilang kapamahalaan na sakop ni Candace, reina ng mga Etiope, na siyang namamahala ng lahat niyang kayamanan, at siya'y naparoon sa Jerusalem upang sumamba;

28 At siya'y pabalik at nakaupo sa kaniyang karo, at binabasa ang propeta Isaias.

29 At sinabi kay Felipe ng Espiritu, Lumapit ka, at makisama sa karong ito.

30 At tumakbo si Felipeng patungo sa kaniya, at napakinggan niyang binabasa si Isaias na propeta, at sinabi, Nauunawa mo baga ang binabasa mo?

31 At sinabi niya, Paanong magagawa ko, maliban nang may pumatnubay sa aking sinoman? At pinakiusapan niya si Felipe na pumanhik at maupong kasama niya.

32 Ang dako nga ng kasulatan na binabasa niya ay ito, Siya'y gaya ng tupa na dinala sa patayan; At kung paanong hindi umimik ang kordero sa harap ng manggugupit sa kaniya, Gayon din hindi niya binubuka ang kaniyang bibig:

33 Sa kaniyang pagpapakababa'y inalis ang kaniyang paghuhukom. Sino ang maghahayag ng kaniyang lahi? Sapagka't inalis sa lupa ang kaniyang buhay.

34 At sumagot ang bating kay Felipe, at sinabi, Ipinamamanhik ko sa iyo, kanino sinasabi ng propeta ito? sa kaniya bagang sarili, o sa alin mang iba?

35 At binuka ni Felipe ang kaniyang bibig, at pagpapasimula sa kasulatang ito, ay ipinangaral sa kaniya si Jesus.

36 At sa pagpapatuloy sa daan, ay nagsidating sila sa dakong may tubig; at sinabi ng bating, Narito, ang tubig; ano ang nakahahadlang upang ako'y mabautismuhan?

37 At sinabi ni Felipe Kung nanampalataya ka ng buong puso ay mangyayari. At sumagot siya at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ay Anak ng Dios.

38 At ipinagutos niyang itigil ang karo: at sila'y kapuwa lumusong sa tubig, si Felipe at ang bating; at kaniyang binautismuhan siya.

39 At nang magsiahon sila sa tubig, ay inagaw si Felipe ng Espiritu ng Panginoon; at hindi na siya nakita ng bating, sapagka't ipinagpatuloy niya ang kaniyang lakad na natutuwa.

40 Nguni't nasumpungan si Felipe sa Azoto: at sa pagdadaan ay ipinangaral niya ang evangelio sa lahat ng mga bayan, hanggang sa dumating siya sa Cesarea.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain