Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
1 Mga Hari 18:20-21

20 Sa gayo'y nagsugo si Achab sa lahat ng mga anak ni Israel, at pinisan ang mga propeta sa bundok ng Carmelo.

21 At si Elias ay lumapit sa buong bayan, at nagsabi, Hanggang kaylan kayo mangagaalinlangan sa dalawang isipan? kung ang Panginoon ay Dios, sumunod kayo sa kaniya: nguni't kung si Baal, sumunod nga kayo sa kaniya. At ang bayan ay hindi sumagot sa kaniya kahit isang salita.

1 Mga Hari 18:22-29

22 Nang magkagayo'y sinabi ni Elias sa bayan, Ako, ako lamang, ang naiwang propeta ng Panginoon; nguni't ang mga propeta ni Baal ay apat na raan at limang pung lalake.

23 Bigyan nga nila tayo ng dalawang baka; at pumili sila sa ganang kanila ng isang baka, at katayin, at ilagay sa ibabaw ng kahoy, at huwag lagyan ng apoy sa ilalim: at ihahanda ko ang isang baka at ilalagay ko sa kahoy, at hindi ko lalagyan ng apoy sa ilalim.

24 At tawagan ninyo ang pangalan ng inyong dios, at tatawagan ko ang pangalan ng Panginoon: at ang Dios na sumagot sa pamamagitan ng apoy, ay siyang maging Dios. At ang buong bayan ay sumagot, at nagsabi, Mabuti ang pagkasabi.

25 At sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, Magsipili kayo ng isang baka sa ganang inyo, at inyong ihandang una, sapagka't kayo'y marami; at tawagan ninyo ang pangalan ng inyong dios, nguni't huwag ninyong lagyan ng apoy sa ilalim.

26 At kanilang kinuha ang baka na ibinigay sa kanila, at kanilang inihanda, at tinawagan ang pangalan ni Baal mula sa kinaumagahan hanggang sa kinatanghaliang tapat, na nagsisipagsabi, Oh Baal dinggin mo kami. Nguni't walang tinig, o sinomang sumagot. At sila'y nagsisilukso sa siping ng dambana na ginawa.

27 At nangyari, nang kinatanghaliang tapat, na biniro sila ni Elias, at sinabi, Sumigaw kayo ng malakas: sapagka't siya'y dios; siya nga'y nagmumunimuni, o nasa tabi, o nasa paglalakbay, o marahil siya'y natutulog, at marapat gisingin.

28 At sila'y nagsisigaw ng malakas, at sila'y nagsipagkudlit ayon sa kanilang kaugalian ng sundang at mga sibat, hanggang sa bumuluwak ang dugo sa kanila.

29 At nangyari nang makaraan ang kinatanghaliang tapat, na sila'y nanghula hanggang sa oras ng paghahandog ng alay na ukol sa hapon: nguni't wala kahit tinig, ni sinomang sumagot, ni sinomang makinig.

1 Mga Hari 18:30-39

30 At sinabi ni Elias sa buong bayan, Lumapit kayo sa akin; at ang buong bayan ay lumapit sa kaniya. At kaniyang inayos ang dambana ng Panginoon na nabagsak.

31 At kumuha si Elias ng labing dalawang bato, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Jacob, na sa kaniya ang salita ng Panginoon ay dumating, na sinasabi, Israel ang magiging iyong pangalan.

32 At sa pamamagitan ng mga bato ay kaniyang itinayo ang dambana sa pangalan ng Panginoon; at kaniyang nilagyan ng hukay sa palibot ng dambana, na ang laki ay kasisidlan ng dalawang takal na binhi.

33 At kaniyang inilagay ang kahoy na maayos, at kinatay ang baka at ipinatong sa kahoy. At kaniyang sinabi, Punuin ninyo ang apat na tapayan ng tubig, at ibuhos ninyo sa handog na susunugin, at sa kahoy.

34 At kaniyang sinabi, Gawin ninyong ikalawa; at kanilang ginawang ikalawa. At kaniyang sinabi, Gawin ninyong ikaitlo; at kanilang ginawang ikaitlo.

35 At ang tubig ay umagos sa palibot ng dambana; at kaniyang pinuno naman ng tubig ang hukay.

36 At nangyari, sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, na si Elias, na propeta ay lumapit, at nagsabi, Oh Panginoon, na Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel, pakilala ka sa araw na ito, na ikaw ay Dios sa Israel, at ako ang iyong lingkod, at aking ginawa ang lahat na bagay na ito sa iyong salita.

37 Dinggin mo ako, Oh Panginoon, dinggin mo ako, upang matalastas ng bayang ito, na ikaw, na Panginoon, ay Dios, at iyong pinapanumbalik ang kanilang puso.

38 Nang magkagayo'y ang apoy ng Panginoon ay nalaglag, at sinupok ang handog na susunugin at ang kahoy, at ang mga bato, at ang alabok, at hinimuran ang tubig na nasa hukay.

39 At nang makita ng buong bayan, sila'y nagpatirapa: at kanilang sinabi, Ang Panginoon ay siyang Dios; ang Panginoon ay siyang Dios.

Awit 96

96 Oh magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit: magsiawit kayo sa Panginoon, buong lupa.

Magsiawit kayo sa Panginoon, purihin ninyo ang pangalan niya; ihayag ninyo ang kaniyang pagliligtas sa araw-araw.

Ipahayag ninyo ang kaniyang kaluwalhatian sa mga bansa ang kagilagilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan.

Sapagka't dakila ang Panginoon, at marapat na purihin: siya'y kinatatakutang higit kay sa lahat na dios.

Sapagka't lahat ng mga dios sa mga bayan ay mga diosdiosan. Nguni't nilikha ng Panginoon ang langit.

Karangalan at kamahalan ay nasa harap niya: kalakasan at kagandahan ay nasa kaniyang santuario.

Magbigay kayo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan, magbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.

Magbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatiang ukol sa kaniyang pangalan; kayo'y mangagdala ng handog, at magsipasok kayo sa kaniyang mga looban.

Oh sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan: manginig kayo sa harap niya, buong lupa.

10 Sabihin ninyo sa gitna ng mga bansa, ang Panginoon ay naghahari: ang sanglibutan naman ay natatatag na hindi makikilos: kaniyang hahatulan ng karapatan ang mga bayan.

11 Matuwa ang langit at magalak ang lupa; humugong ang dagat, at ang buong naroon;

12 Sumaya ang bukiran at lahat na nasa kaniya; kung magkagayo'y aawit dahil sa kagalakan, ang lahat na punong kahoy sa gubat;

13 Sa harap ng Panginoon; sapagka't siya'y dumarating: sapagka't siya'y dumarating upang hatulan ang lupa: kaniyang hahatulan ng katuwiran ang sanglibutan, at ng kaniyang katotohanan ang mga bayan.

Galacia 1:1-12

Si Pablo, na Apostol (hindi mula sa mga tao, ni sa pamamagitan man ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesucristo, at ng Dios Ama, na siyang sa kaniya'y muling bumuhay;)

At ang lahat ng mga kapatid na mga kasama ko, sa mga iglesia ng Galacia:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na Ama, at sa ating Panginoong Jesucristo,

Na siyang nagbigay sa kaniyang sarili dahil sa ating mga kasalanan, upang tayo'y mailigtas dito sa kasalukuyang masamang sanglibutan, ayon sa kalooban ng ating Dios at Ama:

Na sumakaniya ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.

Ako'y namamangha na kay dali ninyong nagsilipat sa ibang evangelio buhat sa tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo;

Na ito'y hindi ibang evangelio: kundi mayroong ilan na sa inyo'y nagsisiligalig, at nangagiibig na pasamain ang evangelio ni Cristo.

Datapuwa't kahima't kami, o isang anghel na mula sa langit, ang mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba sa aming ipinangangaral sa inyo, ay matakuwil.

Ayon sa aming sinabi nang una, ay muling gayon ang aking sinasabi ngayon, Kung ang sinoman ay mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba kay sa inyong tinanggap na, ay matakuwil.

10 Sapagka't ako baga'y nanghihikayat ngayon sa mga tao o sa Dios? o ako baga'y nagsisikap na magbigay-lugod sa mga tao? kung ako'y magbibigay-lugod pa sa mga tao, ay hindi ako magiging alipin ni Cristo.

11 Sapagka't aking ipinatatalastas sa inyo, mga kapatid, tungkol sa evangelio na aking ipinangaral, na ito'y hindi ayon sa tao.

12 Sapagka't hindi ko tinanggap ito sa tao, ni itinuro man sa akin, kundi aking tinanggap sa pamamagitan ng pahayag ni Jesucristo.

Lucas 7:1-10

Nang matapos na niya ang lahat ng kaniyang mga pananalita sa mga pakinig ng bayan, ay pumasok siya sa Capernaum.

At ang alipin ng isang senturion, na minamahal nito, ay may sakit at malapit nang mamatay.

At nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, ay pinaparoon niya sa kaniya ang matatanda sa mga Judio, na ipamanhik sa kaniya, na pumaroon at iligtas ang kaniyang alipin.

At nang magsidating sila kay Jesus, ay ipinamanhik nilang mapilit sa kaniya, na sinasabi, Karapatdapat siya na gawin mo sa kaniya ito;

Sapagka't iniibig niya ang ating bansa, at ipinagtayo niya tayo ng ating sinagoga.

At si Jesus ay sumama sa kanila. At nang siya'y di na lubhang malayo sa bahay, ay nagsugo sa kaniya ang senturion ng mga kaibigan, na nagsisipagsabi sa kaniya, Panginoon, huwag ka nang maligalig, sapagka't di ako karapatdapat na ikaw ay pumasok sa silong ng aking bubungan:

Dahil dito'y hindi ko inakalang ako'y karapatdapat man lamang pumariyan sa iyo: datapuwa't sabihin mo ang salita, at gagaling ang aking alipin.

Sapagka't ako rin naman ay taong nasa ilalim ng kapamahalaan, may nasasakupan akong mga kawal: at sinasabi ko rito, Yumaon ka, at siya'y yumayaon; at sa isa, Halika, at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, Gawin mo ito, at kaniyang ginagawa.

At nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito, ay nagtaka siya sa kaniya, at lumingon at sinabi sa karamihang nagsisisunod sa kaniya, Sinasabi ko sa inyo, Hindi ako nakasumpong ng ganitong kalaking pananampalataya, hindi, kahit sa Israel man.

10 At pagbalik sa bahay ng mga sinugo, ay kanilang naratnang magaling na ang alipin.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain