Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 96

96 Oh magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit: magsiawit kayo sa Panginoon, buong lupa.

Magsiawit kayo sa Panginoon, purihin ninyo ang pangalan niya; ihayag ninyo ang kaniyang pagliligtas sa araw-araw.

Ipahayag ninyo ang kaniyang kaluwalhatian sa mga bansa ang kagilagilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan.

Sapagka't dakila ang Panginoon, at marapat na purihin: siya'y kinatatakutang higit kay sa lahat na dios.

Sapagka't lahat ng mga dios sa mga bayan ay mga diosdiosan. Nguni't nilikha ng Panginoon ang langit.

Karangalan at kamahalan ay nasa harap niya: kalakasan at kagandahan ay nasa kaniyang santuario.

Magbigay kayo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan, magbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.

Magbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatiang ukol sa kaniyang pangalan; kayo'y mangagdala ng handog, at magsipasok kayo sa kaniyang mga looban.

Oh sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan: manginig kayo sa harap niya, buong lupa.

10 Sabihin ninyo sa gitna ng mga bansa, ang Panginoon ay naghahari: ang sanglibutan naman ay natatatag na hindi makikilos: kaniyang hahatulan ng karapatan ang mga bayan.

11 Matuwa ang langit at magalak ang lupa; humugong ang dagat, at ang buong naroon;

12 Sumaya ang bukiran at lahat na nasa kaniya; kung magkagayo'y aawit dahil sa kagalakan, ang lahat na punong kahoy sa gubat;

13 Sa harap ng Panginoon; sapagka't siya'y dumarating: sapagka't siya'y dumarating upang hatulan ang lupa: kaniyang hahatulan ng katuwiran ang sanglibutan, at ng kaniyang katotohanan ang mga bayan.

1 Mga Hari 12:20-33

20 At nangyari, nang mabalitaan ng buong Israel na si Jeroboam ay bumalik, na sila'y nagsugo at ipinatawag siya sa kapisanan, at ginawa siyang hari sa buong Israel: walang sumunod sa sangbahayan ni David, kundi ang lipi ni Juda lamang.

21 At nang dumating si Roboam sa Jerusalem, kaniyang pinisan ang buong sangbahayan ng Juda, at ang lipi ni Benjamin, na isang daan at walong pung libo na piling lalake, na mga mangdidigma, upang magsilaban sa sangbahayan ng Israel, upang ibalik ang kaharian kay Roboam na anak ni Salomon.

22 Nguni't ang salita ng Dios ay dumating kay Semeias na lalake ng Dios, na nagsasabi,

23 Salitain mo kay Roboam na anak ni Salomon, na hari sa Juda, at sa buong sangbahayan ng Juda, at ng Benjamin, at sa nalabi sa bayan, na sabihin,

24 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y huwag magsisiahon o magsisilaban sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel: bumalik ang bawa't isa sa kaniyang bahay; sapagka't ang bagay na ito ay mula sa akin. Sa gayo'y kanilang dininig ang salita ng Panginoon, at sila'y nagsibalik at nagsiyaon, ayon sa salita ng Panginoon.

25 Nang magkagayo'y itinayo ni Jeroboam ang Sichem sa lupaing maburol ng Ephraim, at tumahan doon; at siya'y umalis mula roon, at itinayo ang Penuel.

26 At sinabi ni Jeroboam sa kaniyang sarili, Ngayo'y mababalik ang kaharian sa sangbahayan ni David:

27 Kung ang bayang ito ay umahon upang maghandog ng mga hain sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, ang puso nga ng bayang ito'y mababalik sa kanilang panginoon, sa makatuwid baga'y kay Roboam na hari sa Juda; at ako'y papatayin nila, at mababalik kay Roboam na hari sa Juda.

28 Kaya't ang hari ay kumuhang payo, at gumawa ng dalawang guyang ginto; at sinabi niya sa kanila, Mahirap sa inyo na magsiahon sa Jerusalem; tingnan mo ang iyong mga dios, Oh Israel, na iniahon ka mula sa lupain ng Egipto.

29 At inilagay niya ang isa sa Bethel, at ang isa'y inilagay sa Dan.

30 At ang bagay na ito ay naging kasalanan: sapagka't ang bayan ay umahon upang sumamba sa harap ng isa, hanggang sa Dan.

31 At siya'y gumawa ng mga bahay sa mga mataas na dako, at naghalal ng mga saserdote sa buong bayan, na hindi sa mga anak ni Levi.

32 At si Jeroboam ay nagpadaos ng isang kapistahan nang ikawalong buwan, sa ikalabing limang araw ng buwan, gaya ng kapistahan sa Juda, at siya'y sumampa sa dambana; gayon ang ginawa niya sa Beth-el, na kaniyang hinahainan ang mga guya na kaniyang ginawa: at kaniyang inilagay sa Beth-el ang mga saserdote sa mataas na dako, na kaniyang mga inihalal.

33 At siya'y sumampa sa dambana na kaniyang ginawa sa Beth-el nang ikalabing limang araw ng ikawalong buwan, sa makatuwid baga'y sa buwan na kaniyang inakala sa kaniyang puso: at kaniyang ipinadaos ang isang kapistahan sa mga anak ni Israel, at sumampa sa dambana upang magsunog ng kamangyan.

2 Corinto 5:11-17

11 Yamang nalalaman nga ang pagkatakot sa Panginoon, ay aming hinihikayat ang mga tao, nguni't kami ay nangahahayag sa Dios; at inaasahan ko na kami ay nangahayag din naman sa inyong mga budhi.

12 Hindi namin ipinagkakapuring muli ang aming sarili sa inyo, kundi binibigyan namin kayo ng dahilan na ikaluluwalhati ninyo dahil sa amin, upang kayo'y mangagkaroon ng maisasagot sa mga nagpapaluwalhati sa anyo, at hindi sa puso.

13 Sapagka't kung kami ay maging mga ulol, ay para sa Dios; o maging kami ay mahinahon ang pagiisip, ay para sa inyo.

14 Sapagka't ang pagibig ni Cristo ay pumipilit sa amin; sapagka't ipinasisiya namin ang ganito, na kung ang isa ay namatay dahil sa lahat, kung gayo'y lahat ay nangamatay;

15 At siya'y namatay dahil sa lahat, upang ang nangabubuhay ay huwag nang mabuhay pa sa kanilang sarili, kundi doon sa namatay dahil sa kanila at muling nabuhay.

16 Kaya nga mula ngayon ay hindi namin nakikilala ang sinoman ayon sa laman: bagama't nakilala namin si Cristo ayon sa laman, nguni't sa ngayo'y hindi na namin nakikilala siyang gayon.

17 Kaya't kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila'y pawang naging mga bago.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain