Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
38 Oh Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong pag-iinit: ni parusahan mo man ako sa iyong mahigpit na sama ng loob.
2 Sapagka't ang iyong mga pana ay nagsitimo sa akin, at pinipisil akong mainam ng iyong kamay.
3 Walang kagalingan sa aking laman dahil sa iyong pagkagalit; ni may kaginhawahan man sa aking mga buto dahil sa aking kasalanan.
4 Sapagka't ang aking mga kasamaan ay nagsidaan sa ibabaw ng aking ulo: gaya ng isang pasang mabigat ay napakabigat sa akin.
5 Ang aking mga sugat ay mabaho, at putokputok, dahil sa aking kamangmangan.
6 Ako'y nahirapan at ako'y nahukot; ako'y tumatangis buong araw.
7 Sapagka't ang aking mga balakang ay lipos ng hirap; at walang kagalingan sa aking laman.
8 Ako'y nanglalata, at bugbog na mainam: ako'y umangal dahil sa kaba ng aking loob.
9 Panginoon, lahat ng aking nais ay nasa harap mo; at ang aking hibik ay hindi lingid sa iyo.
10 Ang aking loob ay kakabakaba, ang aking kalakasan ay nanglalata: tungkol sa liwanag ng aking mga mata, ay napawi rin ito sa akin.
11 Ang mga mangliligaw at mga kaibigan ko ay nangatayong malayo sa aking paghihirap; at ang aking mga kamaganak ay nakalayo.
12 Sila namang nangaguusig ng aking buhay ay nangaglagay ng mga silo na ukol sa akin; at silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nangagsasalita ng mga masasamang bagay, at nangagiisip ng pagdaraya buong araw.
13 Nguni't ako'y gaya ng binging tao, na hindi nakakarinig; at ako'y gaya ng piping tao, na hindi ibinubuka ang kaniyang bibig.
14 Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig, at sa kaniyang bibig ay walang mga kasawayan.
15 Sapagka't sa iyo, Oh Panginoon ay umaasa ako: ikaw ay sasagot, Oh Panginoon kong Dios.
16 Sapagka't aking sinabi: Baka ako'y kagalakan nila: pagka ang aking paa ay nadudulas, ay nagsisipagmataas sila laban sa akin.
17 Sapagka't ako'y madali ng mahulog, at ang aking kapanglawan ay laging nasa harap ko.
18 Sapagka't aking ipahahayag ang aking kasamaan; aking ikamamanglaw ang aking kasalanan.
19 Nguni't ang aking mga kaaway ay buhay at malalakas: at silang nangagtatanim sa akin na may kamalian ay dumami.
20 Sila namang nangagbabayad ng kasamaan sa mabuti ay mga kaaway ko, sapagka't aking sinunod ang bagay na mabuti.
21 Huwag mo akong pabayaan, Oh Panginoon: Oh Dios ko, huwag kang lumayo sa akin.
22 Magmadali kang tulungan mo ako, Oh Panginoon na aking kaligtasan.
4 Nguni't sa mga huling araw ay mangyayari, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at matataas sa mga burol; at mga tao'y paroroon sa kaniya.
2 At maraming bansa'y magsisiparoo't mangagsasabi, Magsiparito kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, at sa bahay ng Dios ni Jacob; at siya'y magtuturo sa atin ng kaniyang mga daan, at tayo'y magsisilakad sa kaniyang mga landas. Sapagka't sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem;
3 At siya'y hahatol sa gitna ng maraming bayan, at sasaway sa mga matibay na bansa sa malayo: at kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging sudsud, at ang kanilang mga sibat upang maging karit; ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni magaaral pa man ng pakikipagdigma.
4 Kundi sila'y uupo bawa't isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos; at walang tatakot sa kanila: sapagka't sinalita ng bibig ng Panginoon ng mga hukbo.
5 Sapagka't ang lahat na bayan ay magsisilakad bawa't isa sa pangalan ng kanikaniyang dios: at tayo'y magsisilakad sa pangalan ng Panginoon nating Dios magpakailan kailan man.
6 Sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, aking pipisanin siya na napipilay, at aking titipunin siya na natapon, at siya na aking pinagdalamhati;
7 At aking gagawin ang pilay na isang nalabi, at ang natapon sa malayo na isang matibay na bansa: at ang Panginoon ay maghahari sa kanila sa bundok ng Sion mula ngayon hanggang sa walang hanggan.
1 Si Pablo, na Apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Timoteo, na ating kapatid sa Iglesia ng Dios na nasa Corinto, kalakip ng lahat ng mga banal na nasa buong Acaya.
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.
3 Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, ang Ama ng mga kaawaan at Dios ng buong kaaliwan;
4 Na siyang umaaliw sa atin sa lahat ng kapighatian, upang ating maaliw ang nangasa anomang kapighatian, sa pamamagitan ng pagaliw na inialiw din sa atin ng Dios.
5 Sapagka't kung paanong sumasagana sa atin ang mga sakit ni Cristo, ay gayon din naman ang aming kaaliwan ay sumasagana sa pamamagitan ni Cristo.
6 Datapuwa't maging kami man ay mapighati, ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan; o maging kami man ay maaliw ay para sa inyong kaaliwan, na siyang gumagawa sa pagdadalitang may pagtitiis ng mga gayon ding pagbabata na amin namang binabata:
7 At ang aming pagasa tungkol sa inyo ay matibay; yamang nalalaman na kung paanong kayo'y mga karamay sa mga sakit, ay gayon din naman kayo sa kaaliwan.
8 Hindi namin ibig na kayo'y di makaalam, mga kapatid, ng tungkol sa mga kapighatian namin na nangyari sa Asia, na kami ay totoong nabigatan, ng higit sa aming kaya, ano pa't kami ay nawalan na ng pagasa sa buhay:
9 Oo, kami'y nagkaroon sa aming sarili ng hatol sa kamatayan, upang huwag kaming magkatiwala sa amin ding sarili, kundi sa Dios na bumubuhay na maguli ng mga patay:
10 Na siyang sa amin ay nagligtas sa gayong lubhang malaking kamatayan, at nagliligtas: na siya naming inaasahan na siya namang magliligtas pa sa amin;
11 Kayo naman na nagsisitulong ng inyong panalangin na patungkol sa amin; upang dahil sa kaloob na ipinagkaloob sa amin sa pamamagitan ng marami, ay makapagpasalamat ang maraming tao dahil sa amin.
Public Domain