Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 38

38 Oh Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong pag-iinit: ni parusahan mo man ako sa iyong mahigpit na sama ng loob.

Sapagka't ang iyong mga pana ay nagsitimo sa akin, at pinipisil akong mainam ng iyong kamay.

Walang kagalingan sa aking laman dahil sa iyong pagkagalit; ni may kaginhawahan man sa aking mga buto dahil sa aking kasalanan.

Sapagka't ang aking mga kasamaan ay nagsidaan sa ibabaw ng aking ulo: gaya ng isang pasang mabigat ay napakabigat sa akin.

Ang aking mga sugat ay mabaho, at putokputok, dahil sa aking kamangmangan.

Ako'y nahirapan at ako'y nahukot; ako'y tumatangis buong araw.

Sapagka't ang aking mga balakang ay lipos ng hirap; at walang kagalingan sa aking laman.

Ako'y nanglalata, at bugbog na mainam: ako'y umangal dahil sa kaba ng aking loob.

Panginoon, lahat ng aking nais ay nasa harap mo; at ang aking hibik ay hindi lingid sa iyo.

10 Ang aking loob ay kakabakaba, ang aking kalakasan ay nanglalata: tungkol sa liwanag ng aking mga mata, ay napawi rin ito sa akin.

11 Ang mga mangliligaw at mga kaibigan ko ay nangatayong malayo sa aking paghihirap; at ang aking mga kamaganak ay nakalayo.

12 Sila namang nangaguusig ng aking buhay ay nangaglagay ng mga silo na ukol sa akin; at silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nangagsasalita ng mga masasamang bagay, at nangagiisip ng pagdaraya buong araw.

13 Nguni't ako'y gaya ng binging tao, na hindi nakakarinig; at ako'y gaya ng piping tao, na hindi ibinubuka ang kaniyang bibig.

14 Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig, at sa kaniyang bibig ay walang mga kasawayan.

15 Sapagka't sa iyo, Oh Panginoon ay umaasa ako: ikaw ay sasagot, Oh Panginoon kong Dios.

16 Sapagka't aking sinabi: Baka ako'y kagalakan nila: pagka ang aking paa ay nadudulas, ay nagsisipagmataas sila laban sa akin.

17 Sapagka't ako'y madali ng mahulog, at ang aking kapanglawan ay laging nasa harap ko.

18 Sapagka't aking ipahahayag ang aking kasamaan; aking ikamamanglaw ang aking kasalanan.

19 Nguni't ang aking mga kaaway ay buhay at malalakas: at silang nangagtatanim sa akin na may kamalian ay dumami.

20 Sila namang nangagbabayad ng kasamaan sa mabuti ay mga kaaway ko, sapagka't aking sinunod ang bagay na mabuti.

21 Huwag mo akong pabayaan, Oh Panginoon: Oh Dios ko, huwag kang lumayo sa akin.

22 Magmadali kang tulungan mo ako, Oh Panginoon na aking kaligtasan.

Isaias 30:18-26

18 At dahil dito maghihintay ang Panginoon, upang siya'y maging mapagbiyaya sa inyo, at kaya't mabubunyi siya, na siya'y magdadalang habag sa inyo: sapagka't ang Panginoon ay Dios ng kahatulan; mapapalad yaong lahat na nangaghihintay sa kaniya.

19 Sapagka't ang bayan ay tatahan sa Sion sa Jerusalem: ikaw ay hindi na iiyak pa; siya'y tunay na magiging mapagbiyaya sa iyo sa tinig ng iyong daing; pagka kaniyang maririnig, sasagutin ka niya.

20 At bagaman bigyan kayo ng Panginoon ng tinapay ng kasakunaan at ng tubig ng kadalamhatian, gayon may hindi na makukubli pa ang iyong mga tagapagturo, kundi makikita ng iyong mga mata ang iyong mga tagapagturo:

21 At ang iyong mga pakinig ay makakarinig ng salita sa likuran mo, na nagsasabi, Ito ang daan, lakaran ninyo; pagka kayo'y pumipihit sa kanan, at pagka kayo'y pumipihit sa kaliwa.

22 At inyong lalapastanganin ang mga panakip ng inyong mga larawang pilak na inanyuan at ang pangbalot sa inyong mga larawang ginto na binubo: iyong ipaghahagis na gaya ng maruming bagay: iyong sasabihin, Humayo ka.

23 At Siya ay magbibigay ng ulan sa iyong binhi, na iyong hahasikan ang lupa; at ng pagkaing bunga ng lupa, at magiging mataba at sagana. Sa araw na yaon ay manginginain ang iyong mga hayop sa mga malaking pastulan.

24 Ang mga baka at gayon din ang mga guyang asno na bumubukid ng lupa ay magsisikain ng may lasang pagkain, na pinahanginan ng pala at hunkoy.

25 At magkakaroon ng mga ilog at mga balon ng tubig sa lahat na mataas na bundok, at sa lahat na matayog na burol, sa araw ng malaking patayan, pagka ang mga moog ay nabubuwal.

26 Bukod dito'y ang liwanag ng buwan ay magiging gaya ng liwanag ng araw, at ang liwanag ng araw ay magpipito, na gaya ng liwanag ng pitong araw, sa araw na talian ng Panginoon ang sugat ng kaniyang bayan, at pagalingin ang bugbog na kanilang sugat.

Mga Gawa 14:8-18

At sa Listra ay may isang lalaking nakaupo, na sa mga paa'y walang lakas, pilay mula pa sa tiyan ng kaniyang ina, na kailan ma'y hindi nakalakad.

Narinig nitong nagsasalita si Pablo: na, nang titigan siya ni Pablo, at makitang may pananampalataya upang mapagaling,

10 Ay nagsabi ng malakas na tinig, Magtindig kang matuwid sa iyong mga paa. At siya'y lumukso at lumakad.

11 At nang makita ng karamihan ang ginawa ni Pablo, ay nagsigawan sila, na sinasabi sa wikang Licaonia, Ang mga dios ay nagsibaba sa atin sa anyo ng mga tao.

12 At tinawag nilang Jupiter, si Bernabe; at Mercurio, si Pablo, sapagka't siya ang pangulong tagapagsalita.

13 At ang saserdote ni Jupiter na ang kaniyang templo ay nasa harap ng bayan, ay nagdala ng mga baka't mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan, at ibig maghaing kasama ng mga karamihan.

14 Datapuwa't nang marinig ito ng mga apostol, na si Bernabe at si Pablo, ay hinapak nila ang kanilang mga damit, at nagsipanakbo sa gitna ng karamihan, na nagsisigaw,

15 At nagsisipagsabi, Mga ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami'y mga tao ring may mga karamdamang gaya ninyo, at nangagdadala ng mabubuting balita sa inyo, upang mula sa mga bagay na itong walang kabuluhan ay magsibalik kayo sa Dios na buhay, na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat, at ng lahat ng nasa mga yaon:

16 Na nang mga panahong nakaraan ay pinabayaan niya ang lahat ng mga bansa ay magsilakad sa kanilang mga sariling daan.

17 At gayon man ay hindi nagpabayang di nagbigay patotoo, tungkol sa kaniyang sarili, na gumawa ng mabuti at nagbigay sa inyo ng ulang galing sa langit at ng mga panahong sagana, na pinupuno ang inyong mga puso ng pagkain at ng katuwaan.

18 At sa mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang karamihan sa paghahain sa kanila.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain