Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
41 Mapalad siya na nagpapakundangan sa dukha: ililigtas siya ng Panginoon sa panahon ng kaligaligan.
2 Pananatilihin siya, at iingatan siyang buhay ng Panginoon, at siya'y pagpapalain sa ibabaw ng lupa; at huwag mong ibigay siya sa kalooban ng kaniyang mga kaaway.
3 Aalalayan siya ng Panginoon sa hiligan ng panghihina: iyong inaayos ang buo niyang higaan sa kaniyang pagkakasakit.
4 Aking sinabi, Oh Panginoon, maawa ka sa akin: pagalingin mo ang aking kaluluwa; sapagka't ako'y nagkasala laban sa iyo.
5 Ang aking mga kaaway ay nangagsasalita ng kasamaan laban sa akin, na nangagsasabi, kailan siya mamamatay, at mapapawi ang kaniyang pangalan?
6 At kung siya'y pumaritong tingnang ako siya'y nagsasalita ng walang kabuluhan; ang kaniyang puso ay nagpipisan ng kasamaan sa kaniyang sarili; pagka siya'y lumabas, isinasaysay niya.
7 Yaong lahat na nangagtatanim sa akin ay nangagbubulong-bulungan laban sa akin: laban sa akin ay nagsisikatha ng panghamak.
8 Isang masamang sakit, wika nila, ay kumapit na madali sa kaniya; at ngayon siyang nahihiga ay hindi na babangon pa.
9 Oo, ang aking kasamasamang kaibigan, na aking tiniwalaan, na kumain ng aking tinapay, nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.
10 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, maawa ka sa akin, at ibangon mo ako, upang aking magantihan sila.
11 Sa pamamagitan nito ay natatalastas ko na nalulugod ka sa akin, sapagka't ang aking kaaway ay hindi nagtatagumpay sa akin.
12 At tungkol sa akin, iyong inaalalayan ako sa aking pagtatapat, at inilalagay mo ako sa harap ng iyong mukha magpakailan man.
13 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan. Siya nawa, at Siya nawa.
38 Nang mga araw na yaon ay may sakit na ikamamatay si Ezechias. At si Isaias na propeta na anak ni Amoz ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayusin mo ang iyong sangbahayan; sapagka't ikaw ay mamamatay, at hindi mabubuhay.
2 Nang magkagayo'y ipinihit ni Ezechias ang kaniyang mukha sa panig, at nanalangin sa Panginoon,
3 At nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo; Oh Panginoon, na iyong alalahanin, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo sa katotohanan, at may dalisay na puso, at gumawa ng mabuti sa iyong paningin. At si Ezechias ay umiyak ng di kawasa.
4 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Isaias, na nagsasabi,
5 Ikaw ay yumaon, at sabihin mo kay Ezechias, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ni David na iyong magulang, Aking dininig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha: narito, aking idaragdag sa iyong mga kaarawan ang labing limang taon.
6 At aking ililigtas ikaw at ang bayang ito sa kamay ng hari sa Asiria: at aking ipagsasanggalang ang bayang ito.
7 At ito ang magiging pinaka tanda sa iyo na mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na ito na kaniyang sinalita,
8 Narito, aking ipauurong ang anino sa mga baytang, ng sangpung baytang, na aninong pinababa sa mga baytang ni Ahaz sa pamamagitan ng araw, Sa gayo'y umurong ang araw ng sangpung baytang sa mga baytang na binabaan.
7 Na dahil sa ito'y parusa kayo'y nagtitiis; inaari kayo ng Dios na tulad sa mga anak; sapagka't alin ngang anak ang hindi pinarurusahan ng kaniyang ama?
8 Datapuwa't kung kayo'y hindi pinarurusahan, na pawang naranasan ng lahat, kung gayo'y mga anak sa ligaw kayo, at hindi tunay na anak.
9 Bukod dito, tayo'y nangagkaroon ng mga ama ng ating laman upang tayo'y parusahan, at sila'y ating iginagalang: hindi baga lalong tayo'y pasasakop sa Ama ng mga espiritu, at tayo'y mabubuhay?
10 Sapagka't katotohanang tayo'y pinarusahan nilang ilang araw ayon sa kanilang minagaling; nguni't siya'y sa kapakinabangan natin, upang tayo'y makabahagi ng kaniyang kabanalan.
11 Lahat ng parusa sa ngayon ay tila man din hindi ikaliligaya kundi ikalulungkot; gayon ma'y pagkatapos ay namumunga ng bungang mapayapa ng katuwiran sa mga nagsipagsanay sa pamamagitan nito.
12 Kaya't itaas ninyo ang mga kamay na nakababa, ang mga tuhod namang nanginginig;
13 At magsigawa kayo ng matuwid na landas sa inyong mga paa, upang huwag maligaw ang pilay, kundi bagkus gumaling.
Public Domain