Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
30 Dadakilain kita, Oh Panginoon; sapagka't itinindig mo ako, at hindi mo pinagalak sa akin ang aking mga kaaway.
2 Oh Panginoon kong Dios, dumaing ako sa iyo, at ako'y pinagaling mo.
3 Oh Panginoon, iyong isinampa ang aking kaluluwa mula sa Sheol: iyong iningatan akong buhay, upang huwag akong bumaba sa hukay.
4 Magsiawit kayo ng pagpuri sa Panginoon, Oh kayong mga banal niya, at mangagpasalamat kayo sa kaniyang banal na pangalan.
5 Sapagka't ang kaniyang galit ay sangdali lamang; ang kaniyang paglingap ay habang buhay: pagiyak ay magtatagal ng magdamag, nguni't kagalakan ay dumarating sa kinaumagahan.
6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa aking kaginhawahan: hindi ako makikilos kailan man.
7 Ikaw, Panginoon, sa iyong paglingap ay pinatayo mong matibay ang aking bundok: iyong ikinubli ang iyong mukha; ako'y nabagabag.
8 Ako'y dumaing sa iyo, Oh Panginoon; at sa Panginoon ay gumawa ako ng pamanhik:
9 Anong pakinabang magkakaroon sa aking dugo, pagka ako'y mababa sa hukay? Pupuri ba sa iyo ang alabok? magsasaysay ba ito ng iyong katotohanan?
10 Iyong dinggin, Oh Panginoon, at maawa ka sa akin: Panginoon, maging saklolo nawa kita.
11 Iyong pinapaging sayaw sa akin ang aking tangis; iyong kinalag ang aking kayong magaspang, at binigkisan mo ako ng kasayahan:
12 Upang ang pagluwalhati ko ay umawit na pagpupuri sa iyo at huwag maging tahimik: Oh Panginoon kong Dios, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailan man.
13 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
2 Pagka ang sinomang tao ay nagkaroon sa balat ng kaniyang laman, ng pamamaga, o langib, o pantal na makintab at naging salot na ketong sa balat ng kaniyang laman, ay dadalhin nga siya kay Aaron na saserdote, o sa isa sa kaniyang mga anak na saserdote:
3 At titingnan ng saserdote ang tila salot na nasa balat ng kaniyang laman: at kung ang balahibo sa tila salot ay pumuti, at makitang ang sugat ay malalim kay sa balat ng kaniyang laman, ay salot na ketong nga: at siya'y mamasdan ng saserdote at ipakikilala siyang karumaldumal.
4 At kung ang pantal na makintab ay maputi sa balat ng kaniyang laman, at makitang hindi malalim kaysa balat, at ang balahibo niyaon ay hindi pumuti, ay kukulungin ng saserdote ang may tila salot na pitong araw.
5 At titingnan siya ng saserdote sa ikapitong araw: at, narito, kung makitang ang tila salot ay tumigil, at hindi kumalat ang tila salot sa balat, ay kukulungin uli siya ng saserdote na pitong araw:
6 At titingnan siya uli ng saserdote sa ikapitong araw: at, narito, kung makitang ang tila salot ay namutla, at ang tila salot ay hindi kumalat sa balat, ay ipakikilalang malinis siya ng saserdote: langib yaon; at kaniyang lalabhan ang kaniyang suot, at magiging malinis.
7 Datapuwa't kung ang langib ay kumakalat sa balat, pagkatapos na siya'y makapakita sa saserdote upang siya'y linisin, ay pakikita siya uli sa saserdote:
8 At titingnan siya ng saserdote; at, narito, kung ang langib ay kumakalat sa balat, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: ketong nga yaon.
9 Pagka nagkaroon ng tila salot na ketong ang sinomang tao, ay dadalhin siya sa saserdote;
10 At titingnan siya ng saserdote; at, narito, kung makitang may pamamaga na maputi sa balat, na pumuti ang balahibo, at may matigas na lamang buhay sa pamamaga,
11 Ay malaong ketong nga sa balat ng kaniyang laman, at ipakikilala ng saserdote na siya'y karumaldumal; hindi siya kukulungin; sapagka't siya'y karumaldumal.
12 At kung kumalat ang ketong sa balat, at matakpan ng ketong ang buong balat ng may tila salot, mula sa ulo hanggang sa kaniyang mga paa, sa buong maaabot ng paningin ng saserdote;
13 At titingnan nga siya ng saserdote; at, narito, kung makitang ang ketong ay kumalat sa buong laman niya, ay ipakikilalang malinis ang may tila salot: pumuting lahat: siya'y malinis.
14 Datapuwa't sa alin mang araw na makitaan siya ng lamang buhay, ay magiging karumaldumal siya.
15 At titingnan ng saserdote ang lamang buhay, at ipakikilala siyang karumaldumal: ang lamang buhay ay karumaldumal: ketong nga.
16 O kung magbago uli ang lamang buhay at pumuti, ay lalapit nga siya sa saserdote;
17 At titingnan siya ng saserdote: at, narito, kung pumuti ang tila salot ay ipakikilalang malinis ng saserdote ang may tila salot: siya'y malinis.
7 Na dahil sa ito'y parusa kayo'y nagtitiis; inaari kayo ng Dios na tulad sa mga anak; sapagka't alin ngang anak ang hindi pinarurusahan ng kaniyang ama?
8 Datapuwa't kung kayo'y hindi pinarurusahan, na pawang naranasan ng lahat, kung gayo'y mga anak sa ligaw kayo, at hindi tunay na anak.
9 Bukod dito, tayo'y nangagkaroon ng mga ama ng ating laman upang tayo'y parusahan, at sila'y ating iginagalang: hindi baga lalong tayo'y pasasakop sa Ama ng mga espiritu, at tayo'y mabubuhay?
10 Sapagka't katotohanang tayo'y pinarusahan nilang ilang araw ayon sa kanilang minagaling; nguni't siya'y sa kapakinabangan natin, upang tayo'y makabahagi ng kaniyang kabanalan.
11 Lahat ng parusa sa ngayon ay tila man din hindi ikaliligaya kundi ikalulungkot; gayon ma'y pagkatapos ay namumunga ng bungang mapayapa ng katuwiran sa mga nagsipagsanay sa pamamagitan nito.
12 Kaya't itaas ninyo ang mga kamay na nakababa, ang mga tuhod namang nanginginig;
13 At magsigawa kayo ng matuwid na landas sa inyong mga paa, upang huwag maligaw ang pilay, kundi bagkus gumaling.
Public Domain