Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
41 Panginoon, ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig at pagliligtas sa akin, ayon sa inyong pangako.
42 Pagkatapos sasagutin ko ang mga kumukutya sa akin,
dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong mga salita.
43 Tulungan nʼyo akong masabi ang katotohanan sa lahat ng pagkakataon,
dahil ang pag-asa ko ay nakasalalay sa inyong mga kautusan.
44 Lagi kong susundin ang inyong kautusan habang akoʼy nabubuhay.
45 Mamumuhay akong may kalayaan,
dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.
46 Hindi ko ikakahiyang sabihin ang inyong mga turo sa harapan ng mga hari.
47 Nagagalak akong sundin ang inyong mga utos na aking minamahal.
48 Iginagalang ko ang inyong mga utos na aking minamahal,
at pinagbubulay-bulayan ko ang inyong mga tuntunin.
Si Hagar at si Ishmael
16 Si Sarai na asawa ni Abram ay hindi magkaanak. May alipin siyang babae na taga-Egipto na ang pangalan ay Hagar. 2 Sinabi ni Sarai kay Abram, “Dahil hindi pinahintulutan ng Panginoon na magkaanak ako, mabuti pa sigurong sumiping ka sa alipin kong babae, baka sakaling magkaroon tayo ng anak sa pamamagitan niya.”
Pumayag si Abram sa sinabi ng kanyang asawa. 3 Kaya ibinigay ni Sarai si Hagar kay Abram para maging asawa nito. (Nangyari ito matapos manirahan si Abram sa Canaan ng sampung taon.) 4 At nagbuntis nga si Hagar.
Nang malaman ni Hagar na buntis siya, hinamak niya si Sarai. 5 Dahil dito, sinabi ni Sarai kay Abram, “Ngayong buntis na si Hagar hinahamak na niya ako. Ikaw ang dapat sisihin. Ibinigay ko siya sa iyo at ikaw dapat ang sumaway sa kanya. Ang Panginoon na ang humatol kung sino sa atin ang tama.”
6 Sumagot si Abram, “Kung ganoon, ibabalik ko siya sa iyo bilang alipin mo at bahala ka kung ano ang gusto mong gawin sa kanya.” Simula noon, hindi naging maganda ang pakikitungo ni Sarai kay Hagar, kaya lumayas na lamang ito.
7 Nakita si Hagar ng anghel ng Panginoon doon sa bukal ng tubig sa ilang. Ang bukal na ito ay malapit sa daan na papuntang Shur. 8 Tinanong siya ng anghel, “Hagar, alipin ni Sarai, saan ka ba nanggaling at saan ka pupunta?”
Sumagot siya, “Lumayas po ako sa amo kong si Sarai.”
9 Sinabi ng anghel sa kanya, “Bumalik ka sa amo mo at magpakumbaba ka sa kanya.” 10 Pagkatapos, sinabi pa ng anghel,
“Pararamihin ko ang lahi mo na ang dami nilaʼy hindi mabibilang.”
11 At sinabi pa ng anghel ng Panginoon sa kanya,
“Buntis ka na at hindi magtatagal ay magkakaanak ka ng lalaki. Pangangalanan mo siyang Ishmael,[a] dahil pinakinggan ng Panginoon ang pagtawag mo sa kanya dahil sa iyong pagtitiis.
12 Pero ang anak mo ay mabubuhay na katulad ng isang asnong-gubat. Kakalabanin niya ang lahat, at ang lahat ay lalaban sa kanya. Kahit ang mga kamag-anak niya ay lalaban sa kanya.”
13 Tinawag ni Hagar na “Dios na Nakakakita” ang pangalan ng Panginoon na nakipag-usap sa kanya, dahil sinabi niya, “Tunay bang nakita ko ang Dios na nakakakita sa akin sa lugar na ito?” 14 Iyon ang bukal na naroon sa gitna ng Kadesh at Bered na tinatawag na Beer Lahai Roi.[b]
15 Bumalik si Hagar kay Sarai, at dumating ang panahon na nanganak siya ng isang lalaki. Pinangalanan ni Abram ang bata na Ishmael.
Huwag Makikiisa sa mga Hindi Mananampalataya
14 Huwag kayong makiisa sa mga hindi mananampalataya. Sapagkat hindi maaaring magkaisa ang kabutihan at kasamaan, gaya ng liwanag at dilim hindi rin sila maaaring magsama. 15 At kung paanong hindi magkasundo si Cristo at si Satanas, ganoon din naman ang mananampalataya at ang hindi mananampalataya. 16 Hindi maaaring magsama ang mga dios-diosan at ang Dios sa iisang templo. At tayo ang templo ng Dios na buhay! Gaya ng sinabi ng Dios,
“Mananahan akoʼt mamumuhay sa kanilang piling.
Akoʼy magiging Dios nila,
at silaʼy magiging mga taong sakop ko.
17 Kaya lumayo kayo at humiwalay sa kanila.[a]
Layuan ninyo ang itinuring na marumi[b]
at tatanggapin ko kayo.
18 At akoʼy magiging Ama ninyo,
at kayo namaʼy magiging mga anak ko.
Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”
7 Mga minamahal, dahil sa mga ipinangako ng Dios sa atin, linisin natin ang ating sarili sa anumang bagay na nagpaparumi sa ating katawan at espiritu, at sikapin nating mamuhay nang banal at may takot sa Dios.
Ang Kagalakan ni Pablo
2 Tanggapin ninyo kami sa inyong mga puso. Wala kaming ginawang masama kahit kanino. Hindi namin siniraan o dinaya ang sinuman.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®