Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 12:1-9

Ang Pagtawag ng Dios kay Abram

12 Ngayon, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bansa, ang mga kamag-anak mo, at kahit ang sambahayan ng iyong ama, at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.

Gagawin kong isang tanyag na bansa ang lahi mo.
    Pagpapalain kita at magiging tanyag ang iyong pangalan.
    Sa pamamagitan mo, marami ang pagpapalain.
Pagpapalain ko ang magmamagandang loob sa iyo.
    Pero isusumpa ko naman ang susumpa sa iyo.
    Sa pamamagitan mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo.”

4-5 Kaya umalis si Abram sa Haran at pumunta sa Canaan, ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya. Nasa 75 taong gulang noon si Abram. Sumama sa kanya ang pamangkin niyang si Lot. Kasama rin niya ang asawa niyang si Sarai at ang lahat ng ari-arian at aliping natipon nila sa Haran.

Pagdating nila sa Canaan, nagpatuloy sila hanggang sa nakarating sa malaking puno[a] ng Moreh roon sa Shekem. (Nang panahong iyon, naroon pa ang mga Cananeo). Pagkatapos, nagpakita ang Panginoon kay Abram at sinabi sa kanya, “Ang lupaing ito ay ibibigay ko sa mga lahi mo.” Kaya gumawa ng altar si Abram para sa Panginoon.

Mula roon, lumipat sila sa bundok na nasa silangan ng Betel, at doon sila nagtayo ng tolda, sa kalagitnaan ng Betel at Ai. Ang Betel ay nasa kanluran at ang Ai naman ay nasa silangan. Gumawa rin doon si Abram ng altar at sumamba sa Panginoon. Hindi nagtagal, muli silang lumipat. Nagpatuloy sila sa paglalakbay papunta sa Negev.

Salmo 33:1-12

Awit ng Papuri

33 Kayong mga matuwid,
    sumigaw kayo sa galak,
    dahil sa ginawa ng Panginoon!
    Kayong namumuhay ng tama,
    nararapat ninyo siyang purihin!
Pasalamatan ninyo ang Panginoon
    sa pamamagitan ng mga alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
Awitan ninyo siya ng bagong awit.
    Tugtugan ninyo siya ng buong husay,
    at sumigaw kayo sa tuwa.
Ang salita ng Panginoon ay matuwid,
    at maaasahan ang kanyang mga gawa.
Ninanais ng Panginoon ang katuwiran at katarungan.
    Makikita sa buong mundo ang kanyang pagmamahal.
Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon,
    ang langit ay nalikha;
    sa kanyang hininga nagmula ang araw, buwan at mga bituin.
Inipon niya ang dagat[a] na parang inilagay sa isang sisidlan.
Ang lahat ng tao sa daigdig ay dapat matakot sa Panginoon,
dahil nang siyaʼy nagsalita, nalikha ang mundo;
    siyaʼy nag-utos at lumitaw ang lahat.
10 Sinisira ng Panginoon ang mga plano ng mga bansang hindi kumikilala sa kanya.
    Sinasalungat niya ang kanilang binabalak.
11 Ngunit ang mga plano ng Panginoon ay mananatili magpakailanman,
    at ang kanyang mga balak, sa saliʼt saling lahi ay matutupad.

12 Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon.
    At mapalad ang mga taong pinili niya na maging kanya.

Roma 4:13-25

Natatanggap ang Pangako ng Dios sa Pamamagitan ng Pananampalataya

13 Ipinangako ng Dios kay Abraham at sa kanyang lahi na mamanahin nila ang mundo. Ang pangakong ito ay ibinigay ng Dios kay Abraham hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan, kundi dahil itinuring siya ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya. 14 Kung ang mga nasasakop lamang ng Kautusan ang magiging tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya at ganoon din naman ang pangako ng Dios. 15 Ang Kautusan ang siyang naging dahilan kung bakit may parusa mula sa Dios. Kung walang Kautusan, wala ring paglabag.

16 Kaya nakabatay ang pangako ng Dios sa pananampalataya, para itoʼy maging biyaya ng Dios at tiyak na matatanggap ng lahat ng lahi ni Abraham – hindi lamang ng mga Judio na sakop ng Kautusan, kundi maging ng mga hindi Judio na sumasampalataya ring tulad ni Abraham na ama nating lahat. 17 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.”[a] Kaya sa paningin ng Dios, si Abraham ang ating ama. At ang Dios na pinaniwalaan ni Abraham, ang siya ring Dios na bumubuhay sa mga patay at lumilikha ng mga bagay na wala pa. 18 Kahit na wala nang pag-asang maging ama si Abraham, nanalig pa rin siyang magiging ama siya ng maraming bansa; gaya nga ng sinabi ng Dios sa kanya, “Magiging kasindami ng bituin ang bilang ng mga anak mo.”[b] 19 Mag-iisang daang taong gulang na siya noon. Alam niyang matanda na siya at mahina na ang katawan. Alam din niyang si Sara ay baog at hindi maaaring magkaanak. Ganoon pa man, hindi nanghina ang kanyang pananampalataya. 20 Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Dios, kundi lalo pang tumibay ang kanyang pananampalataya. Pinapurihan niya ang Dios 21 dahil lubos siyang umasa na tutuparin ng Dios ang kanyang pangako. 22 Kaya nga, itinuring ng Dios na matuwid si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya. 23 Pero ang katagang, “itinuring na matuwid,” ay hindi lamang para kay Abraham, 24 kundi para rin sa atin. Tayo rin ay itinuturing ng Dios na matuwid kung sumasampalataya tayo sa kanya na muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus. 25 Pinatay si Jesus dahil sa ating mga kasalanan, at muling binuhay para tayoʼy maituring na matuwid.

Mateo 9:9-13

Tinawag ni Jesus si Mateo(A)

Nang umalis na roon si Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo, na nakaupo sa lugar na pinagbabayaran ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Mateo at sumunod kay Jesus.

10 Habang kumakain si Jesus at ang mga tagasunod niya sa bahay ni Mateo, nagdatingan ang maraming maniningil ng buwis at ang iba pang mga itinuturing na makasalanan at kumaing kasama nila. 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang mga tagasunod ni Jesus, “Bakit ang guro ninyo ay kumakaing kasama ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang mga makasalanan?” 12 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Hindi ang mga walang sakit ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit. 13 Umalis na kayo at pag-isipan nʼyo kung ano ang kahulugan ng sinasabing ito ng Kasulatan: ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo.’[a] Sapagkat naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid sa kanilang sariling paningin, kundi ang mga makasalanan.”

Mateo 9:18-26

Ang Anak ng Pinuno at ang Babaeng Dinudugo(A)

18 Habang sinasabi niya ang mga ito, dumating ang isang namumuno ng sambahan ng mga Judio. Lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, “Kamamatay lang po ng anak kong babae, pero kung pupuntahan nʼyo siya at ipapatong ang inyong kamay sa kanya, mabubuhay siyang muli.” 19 Kaya tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati na rin ang mga tagasunod niya. 20 Habang naglalakad sila, lumapit sa likuran ni Jesus ang isang babae na 12 taon nang dinudugo, at hinipo niya ang laylayan[a] ng damit ni Jesus. 21 Sapagkat sinabi ng babae sa kanyang sarili, “Mahipo ko lang ang damit niya ay gagaling na ako.” 22 Lumingon si Jesus at pagkakita sa babae ay sinabi, “Anak, lakasan mo ang loob mo. Pinagaling[b] ka ng iyong pananampalataya.” At gumaling nga ang babae nang sandaling iyon.

23 Nang dumating na si Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta sa libing at ang maraming taong nagkakaingay. 24 Sinabi niya, “Magsilabas kayo! Hindi patay ang bata; natutulog lang siya.” Pinagtawanan nila si Jesus. 25 Nang mapalabas na ang mga tao, pumasok si Jesus at hinawakan sa kamay ang bata, at bumangon ito. 26 Kumalat ang balitang ito sa buong lugar na iyon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®