Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 118:1-2

Awit ng Pagtatagumpay

118 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

Mga Awit 118:14-24

14 Si(A) Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.

15 Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!
16 Ang lakas ni Yahweh
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”

17 Aking sinasabing
hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh,
taos sa aking puso na isasalaysay.
18 Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.

19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.

20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!

21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.

22 Ang(B) (C) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!

Josue 3

Tumawid ng Ilog Jordan ang mga Israelita

Maagang-maaga pa'y gumising na si Josue at ang buong Israel. Umalis sila sa Sitim patungong Ilog Jordan, at nagkampo sila sa pampang nito bago tumawid.

Paghahanda sa Pagtawid

Pagkalipas ng tatlong araw, naglibot sa kampo ang mga pinuno at sinabi sa mga tao, “Kapag nakita ninyong dala ng mga paring Levita ang Kaban ng Tipan ng Diyos ninyong si Yahweh, lumakad na kayo at sumunod doon. Sa kanila ninyo malalaman kung saan kayo daraan, sapagkat hindi pa kayo nakakarating dito kahit minsan. Ngunit huwag kayong masyadong lalapit sa Kaban ng Tipan; paunahin ninyo ito nang mga 900 metro.”

Sinabi naman ni Josue sa mga tao, “Linisin ninyo ang inyong mga sarili sapagkat bukas ay masasaksihan ninyo ang mga himalang gagawin ni Yahweh.” Pagkatapos ay inutusan niya ang mga paring Levita, “Buhatin na ninyo ang Kaban ng Tipan at mauna kayo sa mga taong-bayan.” At iyon nga ang ginawa nila.

Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Sa araw na ito'y gagawin kitang dakila sa paningin ng buong Israel. Sa gagawin ko'y mababatid nilang pinapatnubayan kita, tulad ng ginawa ko kay Moises. Sabihin mo sa mga paring Levita na magdadala ng Kaban ng Tipan na magtuloy na sila sa Ilog Jordan, ngunit pagdating nila sa tubig sa pampang nito ay huminto muna sila.”

9-10 At tinawag ni Josue ang mga tao at sinabi sa kanila, “Halikayo at pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh na inyong Diyos. Dito ninyo malalaman na kasama ninyo ang Diyos na buháy. Pagdating ninyo roon, lilipulin niya ang mga Cananeo, ang mga Heteo, ang mga Hivita, ang mga Perezeo, ang mga Gergeseo, ang mga Amoreo, at ang mga Jebuseo. 11 Ang Kaban ng Tipan ng Panginoon ng buong mundo ay mauunang itatawid ng Ilog Jordan. 12 Pumili kayo ng labindalawang lalaki, isa sa bawat lipi ng Israel. 13 Kapag tumuntong na sa tubig ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Panginoon ng buong mundo, titigil ng pag-agos ang Ilog Jordan. Ang tubig ay matitipon sa isang lugar.”

Ang Pagtawid

14 Sa pangunguna ng mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, umalis ng kampo ang bayang Israel upang tumawid sa ilog. 15 Malaki ang tubig ng Jordan sa panahon ng tag-ani. Nang sumapit sa Ilog Jordan ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, 16 tumigil ang pag-agos ng tubig, at ang tubig ay natipon sa tapat ng bayan ng Adam, lunsod na nasa tabi ng Zaretan. Samantala, ang agos na pababa sa Dagat na Patay, sa Araba, ay nagpatuloy hanggang sa natuyo ang ilog at nakatawid ang mga Israelita. Malapit sa Jerico ang kanilang tinawiran. 17 Nanatili sa gitna ng natuyong ilog ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, hanggang sa makatawid sa kabilang pampang ang buong sambayanang Israel.

Mateo 28:1-10

Muling Nabuhay si Jesus(A)

28 Makaraan ang Araw ng Pamamahinga, sa pagbubukang-liwayway nang unang araw ng linggo, pumunta si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa libingan ni Jesus upang tingnan ito. Biglang lumindol nang malakas sapagkat bumabâ mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon. Iginulong nito ang batong nakatakip sa libingan at umupo sa ibabaw niyon. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang kidlat at puting-puti ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga bantay nang makita ang anghel, at sila'y nabuwal na parang mga patay.

Ngunit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang hinimlayan niya. Magmadali kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay! Mauuna na siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Iyan ang balitang hatid ko sa inyo.”

At dali-dali nga silang umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pumunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari.

Ngunit sinalubong sila ni Jesus at binati. Lumapit sila sa kanya, hinawakan ang kanyang mga paa at sinamba siya. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo't sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.