Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
9 Panginoon, kahabagan nʼyo po ako,
dahil akoʼy labis nang nahihirapan.
Namumugto na ang aking mga mata sa pag-iyak,
at nanghihina na ako.
10 Ang buhay koʼy punong-puno ng kasawian;
umiikli ang buhay ko dahil sa pag-iyak at kalungkutan.
Nanghihina na ako sa kapighatiang aking nararanasan,
at parang nadudurog na ang aking mga buto.
11 Kinukutya ako ng aking mga kaaway,
at hinahamak ng aking mga kapitbahay.
Iniiwasan na ako ng mga dati kong kaibigan;
kapag nakikita nila ako sa daan, akoʼy kanilang nilalayuan.
12 Para akong patay na kanilang kinalimutan,
at parang basag na sisidlan na wala nang halaga.
13 Marami akong naririnig na banta laban sa akin.
Natatakot akong pumunta kahit saan,
dahil plano nilang patayin ako.
14 Ngunit ako ay nagtitiwala sa inyo, Panginoon.
Sinasabi kong,
“Kayo ang aking Dios!”
15 Ang aking kinabukasan ay nasa inyong mga kamay.
Iligtas nʼyo po ako sa aking mga kaaway na umuusig sa akin.
16 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod.
Sa inyong pagmamahal, iligtas nʼyo ako.
11 Tinanong ni Samuel si Jesse, “Sila na bang lahat ang anak mo?” Sumagot si Jesse, “May isa pa, ang bunso, pero nagpapastol siya ng mga tupa.” Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo siya. Hindi tayo magpapatuloy sa ating gagawin hanggaʼt hindi siya dumarating.” 12 Kaya ipinatawag ni Jesse si David at pinapunta sa kanila. Magandang lalaki siya, mamula-mula ang mukha at maganda ang mga mata. Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Pahiran mo siya ng langis dahil siya ang pinili ko.” 13 Kaya kinuha ni Samuel ang langis at pinahiran niya sa ulo si David sa harap ng kanyang mga kapatid. Simula nang araw na iyon, napuspos siya ng Espiritu ng Panginoon. At umuwi naman si Samuel sa Rama.
Pagbati mula kay Pablo
1 Mula kay Pablo, kasama si Timoteo na kapwa ko lingkod[a] ni Jesu-Cristo.
Mahal kong mga banal[b] na nakay Cristo Jesus diyan sa Filipos, kasama ng mga namumuno sa inyo at ng mga tumutulong sa kanila:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos
3 Tuwing naaalala ko kayo, nagpapasalamat ako sa Dios, 4 at palagi akong masaya sa tuwing nananalangin ako para sa inyong lahat; 5 dahil mula pa nang sumampalataya kayo hanggang ngayon ay katulong ko na kayo sa pagpapalaganap ng Magandang Balita. 6 Natitiyak kong ipagpapatuloy ng Dios ang mabuting gawain na sinimulan niya sa inyo hanggang sa araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus. 7 Dapat lang na ganito ang maramdaman ko dahil mahal ko kayo. Naging kabahagi kayo sa gawaing ibinigay ng Dios sa akin, kahit na nakabilanggo ako ngayong nagtatanggol at nagpapatunay sa Magandang Balita. 8 Alam ng Dios na sabik na sabik na akong makita kayo dahil mahal ko kayo tulad ng pagmamahal ni Cristo Jesus sa inyo.
9 Ipinapanalangin ko na lalo pang lumago ang pagmamahal nʼyo sa isaʼt isa nang may karunungan at pang-unawa, 10 para mapili nʼyo ang pinakamabuti sa lahat ng bagay at madatnan kayong malinis at walang kapintasan sa araw ng pagbabalik ni Cristo. 11 Mapuspos nawa kayo ng mga katangiang ipinagkaloob ni Jesu-Cristo sa inyo para maparangalan at mapapurihan ang Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®