Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol
23 Ang Panginoon ang aking pastol,
hindi ako magkukulang ng anuman.
2 Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
3 Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
upang siyaʼy aking maparangalan.
4 Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
dahil kayo ay aking kasama.
Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
5 Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
6 Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.
32 Sinabi ni Samuel, “Dalhin mo sa akin si Agag na hari ng mga Amalekita.” Tiwalang-tiwala na lumapit kay Samuel si Agag. Iniisip niya na hindi na siya papatayin.[a] 33 Pero sinabi ni Samuel, “Kung paanong maraming ina ang nawalan ng anak dahil sa pagpatay mo, ngayon, mawawalan din ng anak ang iyong ina.” At pinagtataga ni Samuel si Agag sa presensya ng Panginoon sa Gilgal. 34 Pagkatapos, bumalik si Samuel sa Rama, at si Saul ay umuwi sa Gibea.
Ang Salitang Nakapagbibigay ng Buhay na Walang Hanggan
1 Nang pasimula, naroon na ang tinatawag na Salita. Ang Salita ay kasama ng Dios at ang Salita ay Dios. 2 Sa simula paʼy kasama na siya ng Dios. 3 Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. 4 Ang Salita ang pinagmumulan ng buhay, at ang buhay na itoʼy ilaw, dahil ito ang nagbibigay-liwanag sa mga tao. 5 Ang ilaw na itoʼy nagliliwanag sa kadiliman,[a] at hindi ito nadaig ng kadiliman.[b]
6 Isinugo ng Dios ang isang tao na ang pangalan ay Juan. 7 Isinugo siya upang magpatotoo kung sino ang ilaw, upang sa pamamagitan ng kanyang patotoo ay sumampalataya ang lahat ng tao. 8 Hindi si Juan ang mismong ilaw, kundi naparito siya upang magpatotoo kung sino ang ilaw. 9 Ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa lahat ng tao ay dumating na sa mundo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®