Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Tubig mula sa Bato(A)
17 Sa utos ng Panginoon, umalis ang buong mamamayan ng Israel sa ilang ng Zin at nagpatuloy sa paglalakbay. Nagpalipat-lipat sila ng lugar. Nagkampo sila sa Refidim, pero walang tubig na mainom doon. 2 Kaya nakipagtalo sila kay Moises at sinabi, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.”
Sumagot si Moises, “Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? Bakit ninyo sinusubok ang Panginoon?”
3 Pero uhaw na uhaw ang mga tao roon, kaya patuloy ang pagrereklamo nila kay Moises, “Bakit mo pa kami inilabas ng Egipto? Mamamatay din lang pala kami rito sa uhaw pati ang mga anak at mga hayop namin.”
4 Kaya humingi ng tulong si Moises sa Panginoon, “O Panginoon, ano po ba ang gagawin ko sa mga taong ito? Halos batuhin na nila ako!”
5 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Kunin mo ang iyong baston na inihampas mo sa Ilog ng Nilo, at pangunahan mo ang mga tao kasama ng ibang mga tagapamahala ng Israel. 6 Hihintayin kita roon sa may bato sa Horeb.[a] Kapag naroon ka na, paluin mo ang bato, at lalabas ang tubig na iinumin ng mga tao.” Kaya ginawa ito ni Moises sa harap ng mga tagapamahala ng Israel. 7 Tinawag ni Moises ang lugar na Masa[b] at Meriba,[c] dahil nakipagtalo sa kanya ang mga Israelita at sinubukan nila ang Panginoon sa pamamagitan ng pagsasabi, “Sinasamahan ba tayo ng Panginoon o hindi?”
Awit ng Pagpupuri sa Dios
95 Halikayo, magsiawit tayo nang may kagalakan!
Sumigaw tayo sa pagpupuri sa Panginoon na ating Bato na kanlungan at tagapagligtas.
2 Lumapit tayo sa kanya nang may pasasalamat,
at masaya nating isigaw ang mga awit ng papuri sa kanya.
3 Dahil ang Panginoon ay dakilang Dios.
Makapangyarihang hari sa lahat ng mga dios.
4 Siya ang may-ari ng kailaliman ng lupa at tuktok ng mga bundok.
5 Sa kanya rin ang dagat pati ang lupain na kanyang ginawa.
6 Halikayo, lumuhod tayo at sumamba sa Panginoon na lumikha sa atin.
7 Dahil siya ang ating Dios
at tayo ang kanyang mga mamamayan na gaya ng mga tupa sa kanyang kawan na kanyang binabantayan at inaalagaan.
Kapag narinig ninyo ang tinig niya,
8 huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
katulad ng ginawa noon ng inyong mga ninuno doon sa Meriba at sa ilang ng Masa.
9 Sinabi ng Dios, “Sinubok nila ako doon, kahit na nakita nila ang mga ginawa ko.
10 Sa loob ng 40 taon, lubha akong nagalit sa kanila.
At sinabi kong silaʼy mga taong naligaw ng landas at hindi sumusunod sa aking mga itinuturo.
11 Kaya sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”
Mayroon na Tayong Magandang Relasyon sa Dios
5 Kaya ngayong itinuturing na tayong matuwid dahil sa pananampalataya natin sa ating Panginoong Jesu-Cristo, mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios. 2 Sa pamamagitan ni Jesus at dahil sa ating pananampalataya, tinatamasa natin ngayon ang biyaya ng Dios at nagagalak tayo dahil sa ating pag-asa na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. 3 At nagagalak din tayo kahit na dumaranas tayo ng mga paghihirap, dahil natututo tayong magtiis. 4 Alam natin na ang pagtitiis ay nagpapabuti sa ating pagkatao.[a] At kung mabuti ang ating pagkatao,[b] may pag-asa tayo na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. 5 At hindi tayo mabibigo sa ating pag-asa dahil ipinadama ng Dios sa atin ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay niya sa atin.
6 Nang wala tayong kakayahang makaligtas sa kaparusahan, namatay si Cristo para sa ating mga kasalanan sa panahong itinakda ng Dios. 7 Bihira ang taong mag-aalay ng kanyang buhay para sa isang taong matuwid, bagamaʼt maaaring mayroong maglakas-loob na ibigay ang kanyang buhay para sa isang mabuting tao. 8 Pero ipinakita ng Dios sa atin ang kanyang pag-ibig sa ganitong paraan: Kahit noong tayoʼy makasalanan pa, namatay si Cristo para sa atin. 9 At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tiyak na maliligtas tayo sa parusa[c] ng Dios dahil kay Cristo. 10 Datiʼy kaaway tayo ng Dios, pero ngayon, tinanggap na niya tayong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At ngayong mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios, tiyak na ililigtas niya tayo sa kaparusahan sa pamamagitan ng buhay ni Cristo. 11 Hindi lang iyan, nagagalak tayo sa relasyon natin sa Dios ngayon dahil sa ginawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Naibalik na ang magandang relasyon natin sa Dios dahil sa kanya.
5 Nang dumadaan na sila sa Samaria, dumating sila sa isang bayan na tinatawag na Sycar, malapit sa lupaing ibinigay ni Jacob sa anak niyang si Jose. 6 May balon doon na ginawa ni Jacob. Dahil tanghaling-tapat na noon at pagod na si Jesus sa paglalakbay, umupo siya sa tabi ng balon para magpahinga. 7-8 Tumuloy naman ang mga tagasunod niya sa bayan upang bumili ng pagkain. Habang nakaupo si Jesus, dumating ang isang babaeng taga-Samaria para umigib. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pwede bang makiinom?” 9 Sumagot ang babae, “Kayo po ay isang Judio at ako ay Samaritano, at babae pa.[a] Bakit po kayo makikiinom sa akin?” (Sinabi niya ito dahil hindi nakikitungo ang mga Judio sa mga Samaritano.) 10 Sinabi ni Jesus sa babae, “Kung alam mo lang ang ipinagkakaloob ng Dios, at kung sino ang nakikiinom sa iyo, baka ikaw pa ang manghingi sa akin para bigyan kita ng tubig na nagbibigay-buhay.” 11 Sinabi ng babae, “Malalim po ang balon at wala kayong pang-igib. Saan po kayo kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? 12 Higit pa po ba kayo sa ating ninuno na si Jacob na humukay ng balong ito? Siya at ang mga anak niya, pati ang mga hayop niya ay dito umiinom noong araw.” 13 Sumagot si Jesus, “Ang lahat ng umiinom ng tubig na itoʼy muling mauuhaw, 14 pero ang sinumang iinom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Dahil ang tubig na ibibigay ko ay magiging tulad ng isang bukal sa loob niya na magbibigay ng buhay na walang hanggan.” 15 Sinabi ng babae, “Bigyan nʼyo po ako ng tubig na sinasabi nʼyo upang hindi na ako muling mauhaw at hindi ko na kailangan pang pumarito para umigib.” 16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Umuwi ka muna at isama mo rito ang iyong asawa.” 17 “Wala po akong asawa,” sagot ng babae. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tama ang sinabi mo na wala kang asawa, 18 dahil lima na ang naging asawa mo, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo tunay na asawa. Nagsasabi ka nga ng totoo.” 19 Sumagot ang babae, “Sa tingin ko, isa po kayong propeta. 20 Ang aming mga ninuno ay sumamba sa Dios sa bundok na ito, pero kayong mga Judio ay nagsasabi na sa Jerusalem lang dapat sumamba ang mga tao.” 21 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Maniwala ka sa akin; darating ang panahon na hindi na kayo sasamba sa Ama sa bundok na ito o sa Jerusalem. 22 Kayo na mga Samaritano ay hindi nakakakilala sa sinasamba ninyo. Ngunit kilala naming mga Judio ang aming sinasamba, dahil sa pamamagitan namin ay ililigtas ng Dios ang mga tao. 23 Tandaan mo, darating ang panahon, at narito na nga, na ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan. Ganito ang uri ng mga sumasamba na hinahanap ng Ama. 24 Ang Dios ay espiritu, kaya ang sumasamba sa kanya ay dapat sumamba sa pamamagitan ng espiritu at katotohanan.”
25 Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong darating ang Mesias na tinatawag ding Cristo. At pagdating niya, ipapaliwanag niya sa amin ang lahat ng bagay.” 26 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Akong nagsasalita sa iyo ngayon ang tinutukoy mo.”
27 Nang sandaling iyon, dumating ang mga tagasunod ni Jesus. Nagtaka sila nang madatnan nilang nakikipag-usap siya sa isang babae. Pero wala ni isa man sa kanila ang nagtanong kung ano ang kailangan niya, at hindi rin sila nagtanong kay Jesus kung bakit nakikipag-usap siya sa babae.
28 Iniwan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga taga-roon, 29 “Halikayo! Ipapakita ko sa inyo ang taong alam na alam ang lahat ng ginawa ko! Maaaring siya na nga ang Cristo.” 30 Kaya pinuntahan ng mga tao si Jesus.
31 Samantala, pinapakiusapan ng mga tagasunod niya si Jesus na kumain na. 32 Pero sumagot si Jesus, “May pagkain akong hindi ninyo alam.” 33 Kaya nagtanungan ang mga tagasunod niya, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang pagkain ko ay ang pagsunod sa kalooban ng nagsugo sa akin at ang pagtupad sa kanyang ipinapagawa. 35 Hindi ba sinasabi nʼyo na apat na buwan pa bago ang anihan? Ngunit sinasabi ko sa inyo, anihan na. Tingnan nʼyo ang mga taong dumarating, para silang mga pananim sa bukid na hinog na at pwede nang anihin! 36 Kayong mga tagapag-ani ay tatanggap ng gantimpala mula sa Dios. At ang mga taong inaani ninyo ay bibigyan niya ng buhay na walang hanggan. Kaya magkasamang matutuwa ang nagtanim ng salita ng Dios at ang nag-ani. 37 Totoo ang kasabihang, ‘Iba ang nagtatanim at iba rin ang umaani.’ 38 Sinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang nagtanim ng salita ng Dios, at kayo ang umaani ng kanilang pinaghirapan.”
Maraming Samaritano ang Sumampalataya
39 Maraming Samaritano sa bayang iyon ang sumampalataya kay Jesus dahil sa sinabi ng babae na alam ni Jesus ang lahat ng ginawa niya. 40 Kaya pagdating ng mga Samaritano kay Jesus, hiniling nila na manatili muna siya roon sa kanila. At nanatili nga siya sa kanila ng dalawang araw.
41 Dahil sa pangangaral niya, marami pa sa kanila ang sumampalataya. 42 Sinabi ng mga tao sa babae, “Sumasampalataya kami ngayon hindi lang dahil sa sinabi mo sa amin ang tungkol sa kanya, kundi dahil sa narinig namin mismo sa kanya. At alam naming siya nga ang Tagapagligtas ng mundo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®