Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Gantimpala ng Pagsunod sa Panginoon
128 Mapalad kayong may takot sa Panginoon, na namumuhay ayon sa kanyang pamamaraan.
2 Ang inyong pinaghirapan ay magiging sapat sa inyong pangangailangan,
at kayoʼy magiging maunlad at maligaya.
3 Ang inyong asawa ay magiging katulad ng ubasan sa inyong tahanan, na sagana sa bunga,
at ang inyong mga anak na nakapaligid sa inyong hapag-kainan ay parang mga bagong tanim na olibo.
4 Ganito pagpapalain ang sinumang may takot sa Panginoon.
5 Pagpalain sana kayo ng Panginoon mula sa kanyang templo.
Makita sana ninyong umuunlad ang Jerusalem habang kayoʼy nabubuhay.
6 Makita sana ninyo ang inyong mga apo.
Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan!
17 “Makinig kayo! Gagawa ako ng bagong langit at bagong lupa. Ang dating langit at lupa ay kakalimutan na. 18 Kaya magalak kayo at magdiwang ng walang hanggan sa aking gagawin. Sapagkat ang Jerusalem ay gagawin kong kagalakan ng mga tao, at ang kanyang mga mamamayan ay magbibigay din ng kagalakan. 19 Magagalak ako sa Jerusalem at sa kanyang mga mamamayan. Hindi na maririnig doon ang iyakan at paghingi ng tulong o mga pagdaing. 20 Doon ay walang mamamatay na sanggol o bata pa. Ang sinumang mamamatay sa gulang na 100 taon ay bata pa, at ang mamamatay nang hindi pa umaabot sa 100 taon ay ituturing na pinarusahan ko. 21 Sa mga panahong iyon, magtatayo ang aking mga mamamayan ng mga bahay at titirhan nila ito. Magtatanim sila ng mga ubas at sila rin ang aani ng mga bunga nito. 22 Hindi na ang mga kaaway nila ang makikinabang sa kanilang mga bahay at mga tanim. Sapagkat kung papaanong ang punongkahoy ay nabubuhay nang matagal, ganoon din ang aking mga mamamayan at lubos nilang pakikinabangan ang kanilang pinaghirapan. 23 Hindi sila magtatrabaho nang walang pakinabang at ang kanilang mga anak ay hindi daranas ng kamalasan. Sapagkat silaʼy mga taong pinagpapala ng Panginoon. At ang kanilang mga anak ay kasama nilang pinagpala. 24 Bago pa sila manalangin o habang silaʼy nananalangin pa lang, sasagutin ko na sila. 25 Sa mga araw na iyon magkasamang kakain ang asong lobo at mga tupa, pati mga leon at mga baka ay kakain ng damo. At ang mga ahas ay hindi na manunuklaw. Wala nang mamiminsala o gigiba sa aking banal na bundok ng Zion. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
6 Ito ang ibig sabihin ni Haring David nang banggitin niya ang pagiging mapalad ng mga taong itinuring na matuwid ng Dios hindi dahil sa kanilang mabubuting gawa. 7 Ang sinabi niya,
“Mapalad ang taong pinatawad at kinalimutan na ng Dios ang kanyang kasalanan.
8 Mapalad ang tao kapag hindi na ibibilang ng Panginoon laban sa kanya ang kanyang mga kasalanan.”[a]
9 Ang mga sinabing ito ni Haring David ay hindi lang para sa mga Judio, kundi pati na rin sa mga hindi Judio. Alam natin ito dahil binanggit na namin na, “itinuring ng Dios na matuwid si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya.” 10 Kailan ba siya itinuring na matuwid? Hindi baʼt noong hindi pa siya tuli? 11 Tinuli siya bilang tanda na itinuring na siyang matuwid dahil sa kanyang pananampalataya. Kaya si Abraham ay naging ama[b] ng lahat ng mga mananampalatayang hindi tuli. At dahil nga sa kanilang pananampalataya, itinuring silang matuwid ng Dios. 12 Siya rin ang ama ng mga Judiong tuli, hindi lang dahil silaʼy tuli sa laman, kundi dahil sumasampalataya rin sila tulad ng ating ninunong si Abraham noong hindi pa siya tuli.
Natatanggap ang Pangako ng Dios sa Pamamagitan ng Pananampalataya
13 Ipinangako ng Dios kay Abraham at sa kanyang lahi na mamanahin nila ang mundo. Ang pangakong ito ay ibinigay ng Dios kay Abraham hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan, kundi dahil itinuring siya ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®