Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 121

Ang Panginoon ang Aking Tagapag-ingat

121 Tumitingin ako sa mga bundok;
    saan kaya nanggagaling ang aking saklolo?
Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa Panginoon,
    na gumawa ng langit at ng lupa.

Hindi niya papayagan na ikaw ay mabuwal.
    Siyang nag-iingat sa iyo ay hindi natutulog.
Pakinggan mo ito!
    Ang nag-iingat sa mga taga-Israel ay hindi umiidlip o natutulog.
Ang Panginoon ang nag-iingat sa iyo;
    siyaʼy kasama mo upang ikaw ay patnubayan.
Hindi makakasakit sa iyo ang init ng araw o ang liwanag ng buwan kung gabi.[a]
Iingatan ka ng Panginoon sa anumang kapahamakan;
    pati ang buhay moʼy kanyang iingatan.
Ang Panginoon ang mag-iingat sa iyo nasaan ka man,
    ngayon at magpakailanman.

Isaias 51:4-8

“Mga mamamayan ko, makinig kayo sa akin. Dinggin ninyo ako, O bansa ko! Ibibigay ko ang aking kautusan at magsisilbi itong ilaw sa mga bansa. Malapit ko na kayong bigyan ng tagumpay. Hindi magtatagal at ililigtas ko na kayo. Ako ang mamamahala sa mga bansa. Ang mga nasa malalayong lugar[a] ay maghihintay sa akin at maghahangad ng aking kapangyarihan. Tingnan ninyo ang langit at ang mundo. Mawawala ang langit na parang usok, masisira ang mundo na parang damit, at mamamatay ang mga mamamayan nito na parang mga kulisap. Pero ang kaligtasan na aking ibibigay ay mananatili magpakailanman. Ang tagumpay at katuwiran na mula sa akin ay mapapasainyo magpakailanman. Makinig kayo sa akin, kayong mga nakakaalam kung ano ang tama at sumusunod sa aking kautusan! Huwag kayong matatakot sa mga panghihiya at pangungutya ng mga tao sa inyo. Sapagkat matutulad sila sa damit na nginatngat ng mga kulisap. Pero ang tagumpay at katuwiran na aking ibibigay ay mananatili magpakailanman. Ang kaligtasang mula sa akin ay mapapasainyo magpakailanman.”

Lucas 7:1-10

Pinagaling ni Jesus ang Alipin ng Kapitan(A)

Pagkatapos ipangaral ni Jesus sa mga tao ang mga bagay na ito, pumunta siya sa Capernaum. May isang kapitan doon ng hukbong Romano na may aliping malubha ang sakit at naghihingalo. Mahal niya ang aliping ito. Kaya nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, sinugo niya ang ilang mga pinuno ng mga Judio para pakiusapan si Jesus na pumunta sa bahay niya at pagalingin ang kanyang alipin. Pagdating nila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya, “Kung maaari po sanaʼy tulungan nʼyo ang kapitan, dahil mabuti siyang tao. Mahal niya tayong mga Judio at ipinagpatayo pa niya tayo ng isang sambahan.”

Kaya sumama sa kanila si Jesus. Nang malapit na sila sa bahay ng kapitan, sinugo ng kapitan ang ilang mga kaibigan niya para salubungin si Jesus at sabihin, “Panginoon, huwag na po kayong mag-abalang pumunta sa bahay ko, dahil hindi ako karapat-dapat na puntahan nʼyo ang tahanan ko. Kaya nga hindi na rin ako naglakas-loob na lumapit dahil hindi ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Sabihin nʼyo na lang po at gagaling na ang utusan ko. Alam ko ito dahil nasa ilalim ako ng nakakataas na opisyal, at may nasasakupan din akong mga sundalo. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi kong, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kahit ano pa ang iutos ko sa aking alipin ay sinusunod niya.” Nang marinig ito ni Jesus, namangha siya sa kapitan at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Hindi pa ako nakakita ng isang tao sa Israel na may ganitong pananampalataya.” 10 Nang bumalik sa bahay ang mga sinugo ng kapitan, nakita nilang magaling na ang alipin.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®