Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 112:1-9

Mapalad ang Taong may Takot sa Panginoon

112 Purihin ang Panginoon!
    Mapalad ang taong may takot sa Panginoon at malugod na sumusunod sa kanyang mga utos.
Ang mga anak niya ay magiging matagumpay,
    dahil ang angkan ng mga namumuhay nang matuwid ay pagpapalain.
Yayaman ang kanyang sambahayan,
    at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
Kahit sa kadiliman, taglay pa rin ang liwanag ng taong namumuhay nang matuwid,
    at puno ng kabutihan, kahabagan at katuwiran.
Pagpapalain ang taong mapagbigay at nagpapahiram,
    at hindi nandaraya sa kanyang hanapbuhay.
Tiyak na magiging matatag ang kanyang kalagayan
    at hindi siya makakalimutan magpakailanman.
Hindi siya matatakot sa masamang balita,
    dahil matatag siya at buong pusong nagtitiwala sa Panginoon.
Hindi siya matatakot o maguguluhan,
    dahil alam niyang sa bandang huliʼy makikita niyang matatalo ang kanyang mga kalaban.
Nagbibigay siya sa mga dukha,
    at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
    Ang kanyang kakayahan ay lalo pang dadagdagan ng Dios upang siyaʼy maparangalan.

Salmo 112:10

10 Makikita ito ng mga taong masama at magngangalit ang kanilang mga ngipin sa galit, at parang matutunaw sila dahil sa kahihiyan.
    Hindi magtatagumpay ang naisin ng taong masama.

Deuteronomio 4:1-14

Pinayuhan ni Moises ang mga Israelita na Maging Masunurin

Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Pakinggan ninyo ang mga utos at tuntunin na ituturo ko sa inyo. Sundin ninyo ito para mabuhay kayo at makapanirahan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Huwag ninyong dadagdagan o babawasan ang mga utos na ibinigay ko sa inyo, mula sa Panginoon na inyong Dios. Dapat ninyo itong sundin. Nakita ninyo ang ginawa ng Panginoon sa Baal Peor. Pinatay ng Panginoon na inyong Dios ang mga kapwa ninyo Israelita na sumamba kay Baal. Pero kayo na matapat sa Panginoon na inyong Dios ay buhay pa hanggang ngayon.

“Itinuturo ko sa inyo ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay sa akin ng Panginoon na aking Dios para inyong sundin pagdating ninyo sa lupaing pupuntahan ninyo at titirhan. Sundin ninyo ito nang buong tapat, dahil sa pamamagitan nitoʼy maipapakita ninyo ang inyong kaalaman at pang-unawa sa ibang mga bansa. Kung maririnig nilang lahat ang tuntuning ito, sasabihin nila, ‘Totoo nga na marunong at may pang-unawa ang mga tao ng makapangyarihang bansang ito.’ Wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may dios na malapit sa kanila gaya ng Panginoon na ating Dios na malapit sa atin sa mga panahong tumatawag tayo sa kanya. At wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may mga utos at tuntunin na katulad ng itinuro ko sa inyo ngayon. Pero mag-ingat kayo! Huwag ninyong kalilimutan ang mga bagay na inyong nakita na ginawa ng Panginoon. Kailangang manatili ito sa inyong mga puso habang nabubuhay kayo. Sabihin ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo. 10 Alalahanin ninyo ang araw na tumayo kayo sa harap ng Panginoon na inyong Dios sa Bundok ng Sinai,[a] kung saan sinabi niya sa akin, ‘Tipunin mo ang mga mamamayan sa aking presensya para makinig sa aking mga salita upang matuto silang gumalang sa akin habang nabubuhay pa sila, at para maituro nila ito sa kanilang mga anak.’ 11 Pagkatapos, lumapit kayo sa akin at tumayo sa ibaba ng bundok habang naglalagablab ito na abot hanggang langit, na binalutan ng kadiliman dahil sa maitim na ulap. 12 Pagkatapos, nagsalita ang Panginoon mula sa gitna ng apoy. Narinig ninyo ang kanyang boses, pero wala kayong nakita. 13 Sinabi niya sa inyo ang mga bagay na gagawin ninyo sa pagtupad ng mga kasunduan niya sa inyo. Ito ay ang Sampung Utos na iniutos niyang sundin ninyo. At isinulat niya ito sa dalawang malalapad na bato. 14 Nang panahong iyon, inutusan ako ng Panginoon na ituro sa inyo ang mga utos at mga tuntunin na susundin ninyo roon sa lupain na inyong aangkinin at titirhan.

1 Juan 5:1-5

Ang Pag-ibig, Pananampalataya, at Tagumpay

Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ang Cristo ay anak ng Dios. At ang sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa kanyang anak. Sa ganitong paraan natin malalaman na iniibig natin ang mga anak ng Dios: Kung minamahal natin ang Dios at sinusunod natin ang kanyang mga utos. Dahil ang tunay na umiibig sa Dios ay sumusunod sa kanyang utos, at hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos. Sapagkat ang bawat anak ng Dios ay nagtatagumpay laban sa mundo. Napagtatagumpayan niya ito sa pamamagitan ng pananampalataya. At sino ba ang nagtatagumpay laban sa mundo? Ang sumasampalataya na si Jesus ay Anak ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®