Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
6 Hindi kayo nalulugod sa ibaʼt ibang klaseng handog.
Hindi kayo humihingi ng handog na sinusunog at handog para sa kasalanan.
Sa halip, ginawa nʼyo akong masunurin sa inyo.
7 Kaya sinabi ko,
“Narito ako. Sa inyong Kasulatan ay nakasulat ang tungkol sa akin.
8 O Dios, nais kong sundin ang kalooban ninyo.
Ang inyong mga kautusan ay iniingatan ko sa aking puso.”
9 Sa malaking pagtitipon ng inyong mga mamamayan, inihayag ko ang inyong pagliligtas sa akin.
At alam nʼyo, Panginoon, na hindi ako titigil sa paghahayag nito.
10 Hindi ko sinasarili ang pagliligtas nʼyo sa akin.
Ibinabalita ko na kayo ay nagliligtas at maaasahan.
Hindi ako tumatahimik kapag nagtitipon ang inyong mga mamamayan.
Sinasabi ko sa kanila ang inyong pag-ibig at katotohanan.
11 Panginoon, huwag nʼyong pigilin ang awa nʼyo sa akin.
Ang inyong pag-ibig at katapatan ang laging mag-iingat sa akin.
12 Hindi ko na kayang bilangin ang napakarami kong suliranin.
Para na akong natabunan ng marami kong kasalanan,
kaya hindi na ako makakita.
Ang bilang ng aking mga kasalanan ay mas marami pa kaysa sa aking buhok.
Dahil dito, halos mawalan na ako ng pag-asa.
13 Panginoon, pakiusap!
Iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
14 Mapahiya sana at malito ang lahat ng nagnanais na mamatay ako.
Magsitakas sana sa kahihiyan ang lahat ng mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
15 Pahiyain nʼyo nang lubos ang mga nagsasabi sa akin, “Aha! Napasaamin ka rin!”
16 Ngunit ang mga lumalapit sa inyo ay magalak sana at magsaya.
Ang mga nagpapahalaga sa inyong pagliligtas ay lagi sanang magsabi,
“Dakilain ang Panginoon!”
17 Ako naman na dukha at nangangailangan,
alalahanin nʼyo ako, Panginoon.
Kayo ang tumutulong sa akin.
Kayo ang aking Tagapagligtas.
Aking Dios, agad nʼyo akong tulungan.
53 Sinong naniwala sa aming ibinalita? At kanino inihayag ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan? 2 Kalooban ng Panginoon na lumago ang kanyang lingkod, gaya ng tanim na lumalago at nag-uugat sa tuyong lupa. Wala siyang kagandahan o katangiang makakaakit sa atin para siyaʼy lapitan. 3 Hinamak siya at itinakwil ng mga tao. Dumanas siya ng mga sakit at hirap. Tinalikuran natin siya, hinamak, at hindi pinahalagahan. 4 Ang totoo, tiniis niya ang mga sakit at mga kalungkutang dapat sanaʼy tayo ang dumanas. Ang akala natin ay pinarusahan siya ng Dios dahil sa kanyang mga kasalanan. 5 Ang totoo, sinugatan siya dahil sa ating mga pagsuway; binugbog siya dahil sa ating kasamaan. Ang parusang tiniis niya ang naglagay sa atin sa magandang kalagayan. At dahil sa mga sugat niya ay gumaling tayo. 6 Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw. Bawat isa sa atin ay gumawa ng nais nating gawin. Pero siya ang pinarusahan ng Panginoon ng parusang dapat sana ay para sa ating lahat. 7 Inapi siya at sinaktan, pero hindi man lang dumaing. Para siyang tupang dadalhin sa katayan para patayin, o tupang gugupitan na hindi man lang umiimik. 8 Hinuli siya, hinatulan, at pinatay. Walang nakaisip, isa man sa mga salinlahi niya, na pinatay siya dahil sa kanilang mga kasalanan, na tiniis niya ang parusang dapat sana ay para sa kanila. 9 Kahit na wala siyang ginawang kasalanan at anumang pandaraya,[a] inilibing siyang parang isang kriminal; inilibing siyang kasama ng mga mayayaman. 10 Pero kalooban ng Panginoon na saktan siya at pahirapan. Kahit na ginawa siyang handog ng Panginoon para mabayaran ang kasalanan ng mga tao, makikita niya ang kanyang mga lahi at tatanggap siya ng mahabang buhay. At sa pamamagitan niya ay matutupad ang kalooban ng Panginoon. 11 Kapag nakita niya ang bunga ng kanyang paghihirap, matutuwa siya. Sinabi ng Panginoon, “Sa pamamagitan ng karunungan ng aking matuwid na lingkod ay marami ang ituturing niyang matuwid, magdurusa siya para sa kanilang mga kasalanan. 12 Dahil dito, pararangalan ko siya katulad ng mga taong tanyag at makapangyarihan dahil ibinigay niya ang buhay niya. Ibinilang siya na isa sa mga makasalanan. Nagdusa siya para sa maraming makasalanan[b] at hiniling pa niya sa Dios na silaʼy patawarin.”
10 Ang Kautusan ay anino lang ng mabubuting bagay na darating. Kailanman ay hindi ito nakakapagpabanal sa mga taong lumalapit sa Dios sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay nila taun-taon. 2 Dahil kung napatawad na sila sa pamamagitan ng mga handog, hindi na sana sila uusigin ng kanilang budhi, at hindi na nila kailangang maghandog pa. 3 Ngunit ang paghahandog na ginagawa nila taun-taon ay siya pang nagpapaalala sa mga kasalanan nila, 4 dahil hindi makapag-aalis ng kasalanan ang dugo ng mga toro at kambing na inihahandog nila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®