Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang mga Gawain ng Lingkod ng Dios
49 Makinig kayo sa akin, kayong mga naninirahan sa malalayong lugar:[a] Hindi pa man ako isinilang, tinawag na ako ng Panginoon para maglingkod sa kanya. 2 Ginawa niyang kasintalim ng espada ang mga salita ko. Iningatan niya ako sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ginawa niya akong parang makinang na pana na handa nang itudla. 3 Sinabi niya sa akin, “Israel, ikaw ay lingkod ko. Sa pamamagitan mo, pararangalan ako ng mga tao.” 4 Pero sinabi ko, “Ang paghihirap koʼy walang kabuluhan; sinayang ko ang lakas ko sa walang kabuluhan.” Pero ipinaubaya ko ito sa Panginoon na aking Dios. Siya ang magbibigay ng gantimpala sa aking mga gawa.
5 Ang Panginoon ang pumili sa akin na maging lingkod niya, para pabalikin sa kanya at tipunin ang mga Israelita. Pinarangalan ako ng Panginoon na aking Dios at binigyan ng lakas. 6 Sinabi niya, “Ikaw na lingkod ko, marami pang mga gawain ang ipapagawa ko sa iyo, maliban sa pagpapabalik sa mga Israelita na aking kinakalinga. Gagawin pa kitang[b] ilaw ng mga bansa para maligtas ang buong mundo.”[c]
7 Ang Panginoon, ang Tagapagligtas at Banal na Dios ng Israel ay nagsabi sa taong hinahamak at kinasusuklaman ng mga bansa at ng lingkod ng mga pinuno, “Makikita ng mga hari kung sino kang talaga at tatayo sila para magbigay galang sa iyo. Ang mga pinuno ay yuyuko sa iyo. Mangyayari ito dahil sa akin, ang Panginoong tapat, ang Banal na Dios ng Israel. Ako ang pumili sa iyo.”
Awit ng Pagpupuri sa Panginoon
40 Akoʼy matiyagang naghintay sa Panginoon,
at dininig niya ang aking mga daing.
2 Para akong nasa malalim at lubhang maputik na balon,
ako ay kanyang iniahon at itinatayo sa malaking bato, upang hindi
mapahamak.
3 Tinuruan niya ako ng bagong awit,
ang awit ng pagpupuri sa ating Dios.
Marami ang makakasaksi at matatakot sa Dios,
at silaʼy magtitiwala sa kanya.
4 Mapalad ang taong sa Panginoon nagtitiwala,
at hindi lumalapit sa mga mapagmataas,
o sumasamba sa mga dios-diosan.
5 Panginoon kong Dios, wala kayong katulad.
Napakarami ng kahanga-hangang bagay na inyong ginawa para sa amin,
at ang inyong mga plano para sa amin ay marami rin.
Sa dami ng mga itoʼy hindi ko na kayang banggitin.
6 Hindi kayo nalulugod sa ibaʼt ibang klaseng handog.
Hindi kayo humihingi ng handog na sinusunog at handog para sa kasalanan.
Sa halip, ginawa nʼyo akong masunurin sa inyo.
7 Kaya sinabi ko,
“Narito ako. Sa inyong Kasulatan ay nakasulat ang tungkol sa akin.
8 O Dios, nais kong sundin ang kalooban ninyo.
Ang inyong mga kautusan ay iniingatan ko sa aking puso.”
9 Sa malaking pagtitipon ng inyong mga mamamayan, inihayag ko ang inyong pagliligtas sa akin.
At alam nʼyo, Panginoon, na hindi ako titigil sa paghahayag nito.
10 Hindi ko sinasarili ang pagliligtas nʼyo sa akin.
Ibinabalita ko na kayo ay nagliligtas at maaasahan.
Hindi ako tumatahimik kapag nagtitipon ang inyong mga mamamayan.
Sinasabi ko sa kanila ang inyong pag-ibig at katotohanan.
11 Panginoon, huwag nʼyong pigilin ang awa nʼyo sa akin.
Ang inyong pag-ibig at katapatan ang laging mag-iingat sa akin.
1 Mula kay Pablo na tinawag upang maging apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios, kasama si Sostenes na ating kapatid.
2 Mahal kong mga kapatid sa iglesya[a] ng Dios diyan sa Corinto. Kayoʼy naging kanya sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Tinawag niya kayo upang maging banal,[b] kasama ng lahat ng kumikilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo saan mang lugar. Siyaʼy Panginoon nating lahat.
3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Mga Pagpapala Mula kay Cristo
4 Lagi akong nagpapasalamat sa Dios dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 5 Sapagkat sa inyong pakikipag-isa sa kanya, pinalago kayo ng Dios sa lahat ng bagay – sa pananalita at kaalaman. 6 Dahil dito, napatunayan sa inyo na ang mga itinuro namin tungkol kay Cristo ay totoo. 7 Kaya hindi kayo kinukulang sa anumang kaloob na espiritwal habang hinihintay ninyo ang pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 8 Pananatilihin niya kayong matatag sa pananampalataya hanggang sa katapusan, upang kayoʼy maging walang kapintasan sa araw ng kanyang pagdating. 9 Tapat ang Dios na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Si Jesus ang Tupa ng Dios
29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na papalapit sa kanya. Sinabi niya sa mga tao, “Narito na ang Tupa ng Dios na ihahandog upang mag-alis ng kasalanan ng mga tao sa mundo! 30 Siya ang tinutukoy ko nang sabihin ko, ‘May isang darating na kasunod ko, mas dakila siya kaysa sa akin, dahil nariyan na siya bago pa ako ipanganak.’ 31 Noong unaʼy hindi ko rin kilala kung sino siya. Ngunit naparito akong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”
32 Pagkatapos, nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Banal na Espiritu na bumaba mula sa langit tulad ng isang kalapati at nanatili sa kanya. 33 Noong unaʼy hindi ko rin kilala kung sino siya, ngunit ang Dios na nag-utos sa akin na magbautismo sa tubig ang nagsabi sa akin, ‘Kapag nakita mong bumaba ang Banal na Espiritu at nanatili sa isang tao, ang taong iyon ang magbabautismo sa Banal na Espiritu.’ 34 Nakita ko ito at nagpapatotoo ako na siya ang Anak ng Dios.”
Ang mga Unang Tagasunod ni Jesus
35 Kinabukasan, naroon ulit si Juan kasama ang dalawa sa mga tagasunod niya. 36 Nang makita niya si Jesus na dumaraan, sinabi niya, “Narito na ang Tupa ng Dios!” 37 Nang marinig iyon ng dalawang tagasunod ni Juan, sinundan nila si Jesus. 38 Lumingon si Jesus at nakita silang sumusunod. Kaya tinanong niya sila, “Ano ang kailangan ninyo?” Sumagot sila, “Rabbi, saan po kayo nakatira?” (Ang ibig sabihin ng Rabbi ay “Guro.”) 39 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Halikayo at makikita ninyo.” Kaya sumama ang dalawa at nakita nila ang tinutuluyan niya. Bandang alas kwatro na noon ng hapon, kaya doon na sila nagpalipas ng gabi. 40 Ang isa sa dalawang nakarinig ng sinabi ni Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Kinaumagahan, hinanap kaagad ni Andres ang kapatid niyang si Simon at sinabi sa kanya, “Natagpuan na namin ang Mesias.” (Ang ibig sabihin ng Mesias ay “Cristo”.) 42 Isinama niya si Simon kay Jesus. At nang makarating sila kay Jesus, tiningnan ni Jesus si Simon at sinabi, “Ikaw si Simon na anak ni Juan, mula ngayon ay tatawagin ka nang Cefas.” (Ang Cefas ay pareho rin ng pangalang Pedro.)[a]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®