Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 72:1-7

Panalangin para sa Hari

72 O Dios, ituro nʼyo po sa hari ang iyong pamamaraan sa paghatol at katuwiran,
para makatarungan siyang makapaghatol sa inyong mga mamamayan, pati na sa mga dukha.
Sumagana sana ang mga kabundukan upang mapagpala ang inyong mga mamamayan dahil matuwid ang hari.
Tulungan nʼyo siyang maipagtanggol ang mga dukha
    at durugin ang mga umaapi sa kanila.
Manatili sana siya[a] magpakailanman,
    habang may araw at buwan.
Maging tulad sana siya ng ulan na dumidilig sa lupa.
Umunlad sana ang buhay ng mga matuwid sa panahon ng kanyang pamumuno,
    at maging maayos ang kalagayan ng tao hanggang sa wakas ng panahon.

Salmo 72:18-19

18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel,
    na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.
19 Purihin ang kanyang dakilang pangalan magpakailanman!
    Mahayag sana sa buong mundo ang kanyang kaluwalhatian.
    Amen! Amen!

Isaias 4:2-6

Muling Pagpapalain ang Jerusalem

Darating ang araw na pasasaganain at pagagandahin ng Panginoon ang mga pananim[a] sa Israel, at ang mga ani ng lupain ay magiging karangalan at kaligayahan ng natitirang mga tao sa Jerusalem. Tatawaging banal ang mga natirang buhay sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, hahatulan niya at lilinisin ang kasamaan ng mga babae sa Jerusalem at ang mga patayan doon. Pagkatapos, lilikha ang Panginoon ng ulap na lililim sa ibabaw ng Jerusalem[b] at sa mga nagtitipon doon. Lilikha rin siya ng nagniningas na apoy na magbibigay ng liwanag kung gabi. Tatakip ito sa Jerusalem na parang isang malapad na tolda, at parang kubol na magsisilbing lilim sa init ng araw at kublihan sa panahon ng bagyo at ulan.

Gawa 1:12-17

Pumili ang mga Apostol ng Kapalit ni Judas

12 Pagkatapos noon, bumalik ang mga apostol sa Jerusalem galing sa Bundok ng mga Olibo. Ang bundok na ito ay halos isang kilometro ang layo mula sa lungsod ng Jerusalem. 13 Pagdating nila sa Jerusalem, dumiretso sila sa kwarto na nasa itaas ng bahay na tinutuluyan nila. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeus, Simon na makabayan,[a] at si Judas na anak ni Santiago. 14 Lagi silang nagtitipon para manalangin, kasama ang ilang mga babae, pati si Maria na ina ni Jesus, at ang mga lalaking kapatid ni Jesus.

15 Nang mga araw na iyon, nagtipon ang mga 120 mananampalataya. Tumayo si Pedro at nagsalita,

16 “Mga kapatid, kinakailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan na ipinahayag ng Banal na Espiritu noong una sa pamamagitan ni David. Ito ay tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. 17 Dati, kasama namin siya bilang apostol, at may bahagi siya sa aming gawain.”

Gawa 1:21-26

21-22 “Kaya kinakailangan nating pumili ng tao na ipapalit kay Judas, na kasama nating magpapatotoo sa muling pagkabuhay ni Jesus. Dapat isa siya sa mga kasama natin na naglingkod sa Panginoong Jesus noong nandito pa siya sa mundo, mula noong nagbabautismo si Juan hanggang sa panahon na dinala si Jesus sa langit.” 23 Kaya dalawang lalaki ang kanilang pinagpilian: si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas (o Justus). 24 At bago sila pumili, nanalangin sila, “Panginoon, ikaw ang nakakaalam ng puso ng lahat ng tao. Kaya ipaalam nʼyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang pipiliin nʼyo 25 na maging apostol bilang kapalit ni Judas. Sapagkat tinalikuran ni Judas ang kanyang gawain bilang isang apostol, at pumunta siya sa lugar na nararapat sa kanya.” 26 Pagkatapos nilang manalangin, nagpalabunutan sila. At ang nabunot nila ay si Matias. Kaya si Matias ang idinagdag sa 11 apostol.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®