Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:137-144

137 Matuwid kayo, Panginoon,
    at tama ang inyong mga paghatol.
138 Ang inyong ibinigay na mga turo ay matuwid at mapagkatiwalaan.
139 Labis ang aking galit dahil binalewala ng aking mga kaaway ang inyong mga salita.
140 Napatunayan na maaasahan ang inyong mga pangako,
    kaya napakahalaga nito sa akin na inyong lingkod.
141 Kahit mahirap lang ako at inaayawan, hindi ko kinakalimutan ang inyong mga tuntunin.
142 Walang katapusan ang inyong katuwiran,
    at ang inyong kautusan ay batay sa katotohanan.
143 Dumating sa akin ang mga kaguluhan at kahirapan,
    ngunit ang inyong mga utos ay nagbigay sa akin ng kagalakan.
144 Ang inyong mga turo ay matuwid at walang hanggan.
    Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang patuloy akong mabuhay.

Habakuk 2:5-11

Ang totoo, hindi maaasahan ang kayamanan.[a] At ang mga taong mapagmataas na sakim sa kayamanan ay laging balisa at walang kasiyahan. Tulad nilaʼy kamatayan na hindi makukuntento. Kaya binibihag nila ang maraming bansa. Pero kukutyain sila ng mga bansang iyon sa pamamagitan ng mga salitang ito,

“ ‘Nakakaawa naman kayo, kayong nangunguha ng mga bagay na hindi sa inyo at nagpapayaman sa pamamagitan ng pandaraya. Hanggang kailan pa ninyo ito gagawin? Bigla nga kayong gagantihan ng mga bansang binihag ninyo,[b] at dahil sa kanila ay manginginig kayo sa takot, at sila naman ang sasamsam ng inyong mga ari-arian. Dahil maraming bansa ang sinamsaman ninyo ng mga ari-arian, kayo naman ang sasamsaman ng mga natitirang tao sa mga bansang iyon. Mangyayari ito sa inyo dahil sa inyong pagpatay ng mga tao at pamiminsala sa kanilang mga lupain at mga bayan.

“ ‘Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng mga bahay[c] sa pamamagitan ng perang nakuha ninyo sa masamang paraan. Pinatitibay ninyo ang inyong mga bahay upang makaligtas kayo kapag dumating ang kapahamakan. 10 Dahil sa pagpatay ninyo ng maraming tao, kayo rin ay papatayin at wawasakin ang inyong mga bahay.[d] 11 Ang mga bato ng pader at ang mga biga ng bahay ay parang tao na hihingi ng tulong dahil mawawasak na ang buong bahay.

Juan 8:39-47

39 Sinabi ng mga tao, “Si Abraham ang aming ama!” Sumagot si Jesus, “Kung totoong mga anak kayo ni Abraham, tinutularan sana ninyo ang mabubuting gawa niya. 40 Ngunit tinatangka ninyo akong patayin, kahit sinasabi ko lang sa inyo ang mga katotohanang narinig ko mula sa Dios. Hindi ginawa ni Abraham ang mga ginagawa ninyo. 41 Ang mga ginagawa nʼyo ay katulad ng ginagawa ng inyong ama.” Sumagot sila kay Jesus, “Hindi kami mga anak sa labas.[a] Ang Dios ang aming Ama.” 42 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Dios nga ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako, dahil nanggaling ako sa Dios. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi sinugo ako ng Dios. 43 Hindi nʼyo maintindihan ang sinasabi ko dahil hindi nʼyo matanggap ang aral ko. 44 Ang diyablo ang inyong ama. At kung ano ang gusto niya, iyon ang ginagawa ninyo. Siyaʼy mamamatay-tao mula pa sa simula, at ayaw niya ng katotohanan dahil walang katotohanan sa kanya. Likas sa kanya ang pagsisinungaling dahil sinungaling siya, at siya ang pinagmumulan ng lahat ng kasinungalingan. 45 Ngunit ako, pawang katotohanan ang mga sinasabi ko, at ito ang dahilan kung bakit ayaw ninyong maniwala. 46 Sino sa inyo ang makakapagsabi na nakagawa ako ng kasalanan? Wala! Bakit ayaw nʼyo akong paniwalaan kung katotohanan ang sinasabi ko? 47 Ang mga anak ng Dios ay nakikinig sa salita ng Dios. Ngunit hindi kayo mga anak ng Dios kaya hindi kayo nakikinig.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®