Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin para sa Kalayaan ng Bansa
79 O Dios, sinalakay ng mga dayuhan ang lupaing pag-aari ninyo.
Nilapastangan nila ang inyong banal na templo at winasak ang Jerusalem.
2 Ipinakain nila sa mababangis na ibon at hayop ang bangkay ng inyong tapat na mga lingkod.
3 Ibinuhos nila ang dugo ng inyong mga mamamayan na parang tubig sa buong Jerusalem,
at wala ni isa mang natira sa kanila upang ilibing ang mga namatay.
4 Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan ng mga bansang nasa palibot namin.
5 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
Wala na ba itong katapusan?
Hanggang kailan mag-aapoy ang inyong panibugho?
6 Doon nʼyo ibuhos ang inyong galit,
sa mga bansa at kaharian na ayaw kumilala at sumamba sa inyo.
7 Dahil pinatay nila ang mga mamamayan[a] nʼyo at winasak ang kanilang mga lupain.
8 Huwag nʼyo kaming parusahan dahil sa kasalanan ng aming mga ninuno.
Sa halip ay iparating nʼyo agad ang inyong habag sa amin dahil kami ay lugmok na.
9 O Dios na aming Tagapagligtas, tulungan nʼyo kami,
para sa kapurihan ng inyong pangalan.
Iligtas nʼyo kami at patawarin sa aming mga kasalanan,
alang-alang sa inyong pangalan.
14 “Pagkatapos, sasabihin nila, ‘Ano pa ang hinihintay natin? Halikayo, tumakas na tayo papunta sa mga napapaderang lungsod at doon na tayo mamatay. Sapagkat hinatulan na tayong mamatay ng Panginoon na ating Dios. Parang binigyan niya tayo ng tubig na may lason para inumin, dahil nagkasala tayo sa kanya. 15 Naghintay tayo ng kapayapaan, pero walang dumating na kapayapaan. Naghintay tayo ng kabutihan, pero takot ang dumating. 16 Ang singhal ng kabayo ng mga kaaway ay naririnig mula sa Dan. Sa mga halinghing pa lang ng mga kabayo nila, nanginginig na ang buong lupain. Dumating sila para wasakin ang lupaing ito at ang lahat ng naririto; ang mga lungsod at ang lahat ng mamamayan nito.’ ”
17 Sinabi ng Panginoon, “Makinig kayo! Magpapadala ako ng mga kaaway na parang mga makamandag na ahas na hindi napapaamo ng kahit sino, at tutuklawin nila kayo.”
2 Kung mayroon lang sana akong matitirhan sa ilang para makalayo ako sa mga kababayan ko, dahil silang lahat ay nagtaksil na parang mga babaeng nangangalunya.”
3 Sinabi ng Panginoon, “Lagi silang handang magsinungaling na parang pana na handa nang itudla. Kasinungalingan ang namamayani sa lupaing ito at hindi ang katotohanan. Malala na ang paggawa nila ng kasalanan at hindi nila ako kinikilala.
4 “Mag-ingat kayo sa kapwa nʼyo at huwag kayong magtiwala sa mga kamag-anak nʼyo, dahil ang bawat isa ay mandaraya at naninira ng kapwa. 5 Dinadaya ng bawat isa ang kapwa niya at wala ni isa ang nagsasalita ng katotohanan. Sanay na sa pagsisinungaling ang mga dila nila at pinapagod nila ang sarili nila sa paggawa ng kasalanan. 6 Puro na lang pandaraya ang ginagawa nila, at dahil sa pandaraya ay ayaw na nila akong kilalanin. 7 Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabing dadalisayin ko sila na parang metal at susubukin ko sila. Ano pa ang maaari kong gawin sa kanila? 8 Ang kanilang mga dila ay parang panang nakakamatay. Puro na lang pandaraya ang kanilang sinasabi. Nakikipag-usap sila nang mabuti sa kapwa nila pero sa puso nilaʼy masama ang binabalak nila. 9 Hindi baʼt nararapat ko silang parusahan? Hindi ba dapat na paghigantihan ko ang bansang katulad nito? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
10 Sinabi ni Jeremias: Iiyak ako ng malakas para sa mga kabundukan at mananaghoy ako para sa mga pastulan. Dahil malungkot na ito at wala nang dumadaan. Hindi na marinig ang unga ng mga baka, at nag-alisan na ang mga ibon at mga hayop. 11 Dahil sinabi ng Panginoon, “Wawasakin ko ang Jerusalem, at magiging tirahan ito ng mga asong-gubat.[a] Gagawin kong parang ilang ang mga bayan ng Juda at wala nang titira rito.”
Ang Kaloob ng Biyuda(A)
41 Umupo si Jesus malapit sa pinaglalagyan ng mga kaloob doon sa templo at pinagmamasdan ang mga taong naghuhulog ng pera. Maraming mayayamang naghulog ng malalaking halaga. 42 May lumapit doon na isang mahirap na biyuda at naghulog ng dalawang pirasong barya. 43 Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa lahat ng nagbigay. 44 Sapagkat silang lahat ay nagbigay lang ng sumobrang pera nila. Pero ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng kanyang ikinabubuhay.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®