Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
30 Dadakilain kita, Oh Panginoon; sapagka't itinindig mo ako, at hindi mo pinagalak sa akin ang aking mga kaaway.
2 Oh Panginoon kong Dios, dumaing ako sa iyo, at ako'y pinagaling mo.
3 Oh Panginoon, iyong isinampa ang aking kaluluwa mula sa Sheol: iyong iningatan akong buhay, upang huwag akong bumaba sa hukay.
4 Magsiawit kayo ng pagpuri sa Panginoon, Oh kayong mga banal niya, at mangagpasalamat kayo sa kaniyang banal na pangalan.
5 Sapagka't ang kaniyang galit ay sangdali lamang; ang kaniyang paglingap ay habang buhay: pagiyak ay magtatagal ng magdamag, nguni't kagalakan ay dumarating sa kinaumagahan.
6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa aking kaginhawahan: hindi ako makikilos kailan man.
7 Ikaw, Panginoon, sa iyong paglingap ay pinatayo mong matibay ang aking bundok: iyong ikinubli ang iyong mukha; ako'y nabagabag.
8 Ako'y dumaing sa iyo, Oh Panginoon; at sa Panginoon ay gumawa ako ng pamanhik:
9 Anong pakinabang magkakaroon sa aking dugo, pagka ako'y mababa sa hukay? Pupuri ba sa iyo ang alabok? magsasaysay ba ito ng iyong katotohanan?
10 Iyong dinggin, Oh Panginoon, at maawa ka sa akin: Panginoon, maging saklolo nawa kita.
11 Iyong pinapaging sayaw sa akin ang aking tangis; iyong kinalag ang aking kayong magaspang, at binigkisan mo ako ng kasayahan:
12 Upang ang pagluwalhati ko ay umawit na pagpupuri sa iyo at huwag maging tahimik: Oh Panginoon kong Dios, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailan man.
18 At nang lumaki ang bata ay nangyari, isang araw, nang siya'y umalis na patungo sa kaniyang ama, sa mga manggagapas.
19 At kaniyang sinabi sa kaniyang ama, Ulo ko, ulo ko. At sinabi niya sa kaniyang bataan, Dalhin mo siya sa kaniyang ina.
20 At nang kaniyang makuha siya at dalhin siya sa kaniyang ina, siya'y umupo sa kaniyang tuhod hanggang sa katanghaliang tapat, at nang magkagayo'y namatay.
21 At siya'y pumanhik at inihiga siya sa higaan ng lalake ng Dios, at pinagsarhan niya ng pintuan siya, at lumabas.
22 At kaniyang dinaingan ang kaniyang asawa, at nagsabi, Isinasamo ko sa iyo na iyong suguin sa akin ang isa sa iyong mga bataan, at ang isa sa mga asno, upang aking takbuhin ang lalake ng Dios, at bumalik uli.
23 At kaniyang sinabi, Bakit paroroon ka sa kaniya ngayon? hindi bagong buwan o sabbath man. At kaniyang sinabi, Magiging mabuti.
24 Nang magkagayo'y siniyahan niya ang isang asno, at nagsabi sa kaniyang bataan, Ikaw ay magpatakbo, at magpatuloy; huwag mong pahinain ang pagpapatakbo sa akin, malibang sabihin ko sa iyo.
25 Sa gayo'y yumaon siya at naparoon sa lalake ng Dios sa bundok ng Carmelo. At nangyari, nang makita siya ng lalake ng Dios sa malayo, na kaniyang sinabi kay Giezi na kaniyang lingkod, Narito, nandoon ang Sunamita:
26 Tumakbo ka, isinasamo ko sa iyo ngayon, na salubungin siya, at iyong sabihin sa kaniya, Mabuti ka ba? mabuti ba ang iyong asawa? mabuti ba ang bata? At siya'y sumagot, Mabuti.
27 At nang siya'y dumating sa lalake ng Dios sa burol, siya'y humawak sa kaniyang mga paa. At lumapit si Giezi upang ihiwalay siya; nguni't sinabi ng lalake ng Dios: Bayaan siya; sapagka't siya'y namamanglaw; at inilihim ng Panginoon sa akin, at hindi isinaysay sa akin.
28 Nang magkagayo'y sinabi niya, Ako ba'y humiling ng isang anak sa aking panginoon? di ba sinabi ko, Huwag mo akong dayain?
29 Nang magkagayo'y sinabi niya kay Giezi, Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at tangnan mo ang aking tungkod sa iyong kamay, at yumaon ka ng iyong lakad: kung ikaw ay makasasalubong ng sinomang tao, huwag mo siyang batiin; at kung ang sinoman ay bumati sa iyo, huwag mo siyang sagutin: at ipatong mo ang aking tungkod sa mukha ng bata.
30 At sinabi ng ina ng bata, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. At siya'y tumindig, at sumunod sa kaniya.
31 At si Giezi ay nagpauna sa kanila, at ipinatong ang tungkod sa mukha ng bata; nguni't wala kahit tinig, o pakinig man. Kaya't siya'y bumalik na sinalubong siya, at nagsaysay sa kaniya, na nagsabi, Ang bata'y hindi magising.
8 Bukod dito, mga kapatid, ay ipinatatalastas namin sa inyo ang biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa mga iglesia ng Macedonia;
2 Kung paanong sa maraming pagsubok sa kapighatian ang kasaganaan ng kanilang katuwaan at ang kanilang malabis na karukhaan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob.
3 Sapagka't ayon sa kanilang kaya, ay nagpapatotoo ako at higit pa sa kanilang kaya, ay nagsiabuloy sila sa sariling kalooban,
4 Na lubhang ipinamamanhik sa amin ang tungkol sa biyayang ito at sa pakikisama sa pangangasiwa ng mga abuloy sa mga banal:
5 At ito, ay hindi ayon sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Dios.
6 Ano pa't namanhik kami kay Tito, na yamang siya'y nagpasimula nang una, ay siya na rin ang gumanap sa inyo ng biyayang ito.
7 Datapuwa't yamang kayo'y nagsisisagana sa lahat ng mga bagay, sa pananampalataya, at pananalita, at kaalaman, at sa buong kasipagan, at sa inyong pagibig sa amin ay magsisagana naman kayo sa biyayang ito.
Public Domain