Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 115

115 Huwag sa amin, Oh Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay magbigay kang karangalan, dahil sa iyong kagandahang-loob, at dahil sa iyong katotohanan.

Bakit sasabihin ng mga bansa, Saan nandoon ngayon ang kanilang Dios?

Nguni't ang aming Dios ay nasa mga langit: kaniyang ginagawa ang kaniyang ibigin.

Ang kanilang mga diosdiosan ay pilak at ginto, yari ng mga kamay ng mga tao.

Sila'y may mga bibig, nguni't sila'y hindi nangagsasalita; mga mata'y mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakakita;

Sila'y may mga tainga, nguni't hindi sila nangakakarinig; mga ilong ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakaamoy;

Mayroon silang mga kamay, nguni't hindi sila nangakatatangan; mga paa ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakalalakad; ni nangagsasalita man sila sa kanilang ngalangala.

Ang nagsisigawa sa kanila ay magiging gaya nila; Oo, bawa't tumitiwala sa kanila.

Oh Israel, tumiwala ka sa Panginoon: siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag.

10 Oh sangbahayan ni Aaron, magsitiwala kayo sa Panginoon: siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag.

11 Kayong nangatatakot sa Panginoon, magsitiwala kayo sa Panginoon; siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag.

12 Inalaala tayo ng Panginoon; kaniyang pagpapalain tayo: kaniyang pagpapalain ang sangbahayan ni Israel, kaniyang pagpapalain ang sangbahayan ni Aaron.

13 Kaniyang pagpapalain ang nangatatakot sa Panginoon, ang mababa at gayon ang mataas.

14 Palalaguin kayo ng Panginoon ng higit at higit, kayo at ang inyong mga anak.

15 Pinagpala kayo ng Panginoon, na gumawa ng langit at lupa.

16 Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon; nguni't ang lupa ay kaniyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.

17 Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon, ni sinomang nabababa sa katahimikan;

18 Nguni't aming pupurihin ang Panginoon mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan. Purihin ninyo ang Panginoon.

Mga Hukom 5:1-11

Nang magkagayo'y umawit si Debora at si Barac na anak ni Abinoam nang araw na yaon, na sinasabi,

Sapagka't namatnubay ang mga tagapatnubay sa Israel, Sapagka't ang bayan ay humandog na kusa, Purihin ninyo ang Panginoon.

Dinggin ninyo, Oh ninyong mga hari; pakinggan ninyo, Oh ninyong mga prinsipe; Ako, ako'y aawit sa Panginoon, Ako'y aawit ng pagpupuri sa Panginoon, na Dios ng Israel.

Panginoon, nang ikaw ay lumabas sa Seir, Nang ikaw ay yumaon mula sa bukid ng Edom, Ang lupa'y nayanig, ang langit naman ay pumatak, Oo, ang mga alapaap ay nagpatak ng tubig.

Ang mga bundok ay humuho sa harap ng Panginoon, Pati yaong Sinai, sa harap ng Panginoon, ng Dios ng Israel.

Sa mga kaarawan ni Samgar na anak ni Anat, Sa mga kaarawan ni Jael, ang mga paglalakbay ay naglikat, At ang mga manglalakbay ay bumagtas sa mga lihis na landas.

Ang mga pinuno ay naglikat sa Israel, sila'y naglikat, Hanggang sa akong si Debora, ay bumangon, Na ako'y bumangon na isang ina sa Israel.

Sila'y nagsipili ng mga bagong dios; Nang magkagayo'y nagkaroon ng digma sa mga pintuang-bayan: May nakita kayang kalasag o sibat sa apat na pung libo sa Israel?

Ang aking puso ay nasa mga gobernador sa Israel, Na nagsihandog na kusa sa bayan; Purihin ninyo ang Panginoon!

10 Saysayin ninyo, ninyong mga nakasakay sa mapuputing asno, Ninyong nangakaupo sa maiinam na latag, At ninyong nangagsisilakad sa daan.

11 Malayo sa ingay ng mga manghuhutok, sa mga dakong igiban ng tubig, Doon sila magpapanibagong magsanay sa mga matuwid na gawa ng Panginoon, Ng mga matuwid na gawa ng kaniyang pagpupuno sa Israel. Bumaba nga ang bayan ng Panginoon sa mga pintuang-bayan.

1 Corinto 14:26-40

26 Ano nga ito, mga kapatid? Pagka kayo'y nangagkakatipon ang bawa't isa sa inyo'y may isang awit, may isang aral, may isang pahayag, may wika, may isang pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay sa ikatitibay.

27 Kung nagsasalita ang sinoman ng wika, maging dalawa, o huwag higit sa tatlo, at sunodsunod; at ang isa'y magpaliwanag:

28 Datapuwa't kung walang tagapagpaliwanag ay tumahimik siya sa iglesia; at siya'y magsalita sa kaniyang sarili, at sa Dios.

29 At ang dalawa o tatlo sa mga propeta ay magsipagsalita, at ang mga iba'y mangagsiyasat.

30 Datapuwa't kung may ipinahayag na anoman sa isang nauupo, ay tumahimik ang nauuna.

31 Sapagka't kayong lahat ay makapanghuhulang isa-isa, upang ang lahat ay mangatuto, at ang lahat ay maaralan;

32 At ang mga espiritu ng mga propeta ay nasasakupan ng mga propeta;

33 Sapagka't ang Dios ay hindi Dios ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. Gaya sa lahat ng mga iglesia ng mga banal,

34 Ang mga babae ay magsitahimik sa mga iglesia: sapagka't sila'y walang kapahintulutang mangagsalita; kundi sila'y pasakop, gaya naman ng sinasabi ng kautusan.

35 At kung ibig nilang maalaman ang anomang bagay, magtanong sila sa kanilang asawa sa bahay; sapagka't mahalay na ang isang babae ay magsalita sa iglesia.

36 Ano? lumabas baga mula sa inyo ang salita ng Dios? o sa inyo lamang dumating?

37 Kung iniisip ninoman na siya'y propeta, o ayon sa espiritu, ay kilalanin niya ang mga bagay na sa inyo'y isinusulat ko, na pawang utos ng Panginoon.

38 Datapuwa't kung ang sinoman ay mangmang, ay manatili siyang mangmang.

39 Kaya nga, mga kapatid ko, maningas na pakanasain ninyong makapanghula, at huwag ninyong ipagbawal ang magsalita ng mga wika.

40 Datapuwa't gawin ninyong may karapatan at may kaayusan ang lahat ng mga bagay.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain