Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 148

148 Purihin ninyo ang Panginoon. Purihin ninyo ang Panginoon mula sa mga langit: purihin ninyo siya sa mga kaitaasan.

Purihin ninyo siya, ninyong lahat niyang mga anghel: purihin ninyo siya, buo niyang hukbo.

Purihin ninyo siya, araw at buwan: purihin ninyo siya, ninyong lahat na mga bituing maliwanag.

Purihin ninyo siya, ninyong mga langit ng mga langit, at ninyong tubig na nasa itaas ng mga langit.

Purihin nila ang pangalan ng Panginoon: sapagka't siya'y nagutos, at sila'y nangalikha.

Kaniya rin namang ipinagtatatag magpakailan-kailan man: siya'y gumawa ng pasiya na hindi mapapawi.

Purihin ninyo ang Panginoon mula sa lupa, Ninyong mga buwaya, at lahat ng mga kalaliman:

Apoy at granizo, nieve at singaw; unos na hangin, na gumaganap ng kaniyang salita:

Mga bundok at lahat ng mga gulod; mga mabungang kahoy at lahat ng mga cedro:

10 Mga hayop at buong kawan; nagsisiusad na bagay at ibong lumilipad:

11 Mga hari sa lupa at lahat ng mga bayan; mga pangulo at lahat ng mga hukom sa lupa:

12 Mga binata at gayon din ng mga dalaga; mga matanda at mga bata:

13 Purihin nila ang pangalan ng Panginoon; sapagka't ang kaniyang pangalan magisa ay nabunyi: ang kaniyang kaluwalhatian ay nasa itaas ng lupa at mga langit.

14 At itinaas niya ang sungay ng kaniyang bayan, ang papuri ng lahat niyang mga banal; sa makatuwid baga'y ng mga anak ni Israel, na bayang malapit sa kaniya. Purihin ninyo ang Panginoon.

Kawikaan 8:32-36

32 Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako: sapagka't mapalad ang nangagiingat ng aking mga daan.

33 Mangakinig kayo ng turo, at kayo'y magpakapantas, at huwag ninyong tanggihan.

34 Mapalad ang tao na nakikinig sa akin, na nagbabantay araw-araw sa aking mga pintuang-bayan, na naghihintay sa mga haligi ng aking mga pintuan.

35 Sapagka't sinomang nakakasumpong sa akin, ay nakakasumpong ng buhay. At magtatamo ng lingap ng Panginoon.

36 Nguni't siyang nagkakasala laban sa akin ay nagliligaw ng kaniyang sariling kaluluwa; silang lahat na nangagtatanim sa akin ay nagsisiibig ng kamatayan.

Juan 21:19-24

19 Ito nga'y sinalita niya, na ipinaalam kung sa anong kamatayan ang iluluwalhati niya sa Dios. At pagkasalita niya nito, ay sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin.

20 Si Pedro, paglingon, ay nakita yaong alagad na iniibig ni Jesus na sumusunod; na siya ring humilig sa kaniyang dibdib sa paghapon, at nagsabi, Panginoon, sino ang sa iyo'y magkakanulo?

21 Pagkakita nga ni Pedro sa kaniya ay nagsabi kay Jesus, Panginoon, at ano ang gagawin ng taong ito?

22 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y pumarito, ay ano nga sa iyo? sumunod ka sa akin.

23 Kumalat nga ang sabing ito sa gitna ng mga kapatid, na ang alagad na yaon ay hindi mamamatay: gayon ma'y hindi sinabi ni Jesus, sa kaniya na hindi siya mamamatay; kundi, Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y pumarito, ay ano nga sa iyo?

24 Ito ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito, at sumulat ng mga bagay na ito; at nalalaman namin na ang kaniyang patotoo ay totoo.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain