Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 148

148 Purihin ninyo ang Panginoon. Purihin ninyo ang Panginoon mula sa mga langit: purihin ninyo siya sa mga kaitaasan.

Purihin ninyo siya, ninyong lahat niyang mga anghel: purihin ninyo siya, buo niyang hukbo.

Purihin ninyo siya, araw at buwan: purihin ninyo siya, ninyong lahat na mga bituing maliwanag.

Purihin ninyo siya, ninyong mga langit ng mga langit, at ninyong tubig na nasa itaas ng mga langit.

Purihin nila ang pangalan ng Panginoon: sapagka't siya'y nagutos, at sila'y nangalikha.

Kaniya rin namang ipinagtatatag magpakailan-kailan man: siya'y gumawa ng pasiya na hindi mapapawi.

Purihin ninyo ang Panginoon mula sa lupa, Ninyong mga buwaya, at lahat ng mga kalaliman:

Apoy at granizo, nieve at singaw; unos na hangin, na gumaganap ng kaniyang salita:

Mga bundok at lahat ng mga gulod; mga mabungang kahoy at lahat ng mga cedro:

10 Mga hayop at buong kawan; nagsisiusad na bagay at ibong lumilipad:

11 Mga hari sa lupa at lahat ng mga bayan; mga pangulo at lahat ng mga hukom sa lupa:

12 Mga binata at gayon din ng mga dalaga; mga matanda at mga bata:

13 Purihin nila ang pangalan ng Panginoon; sapagka't ang kaniyang pangalan magisa ay nabunyi: ang kaniyang kaluwalhatian ay nasa itaas ng lupa at mga langit.

14 At itinaas niya ang sungay ng kaniyang bayan, ang papuri ng lahat niyang mga banal; sa makatuwid baga'y ng mga anak ni Israel, na bayang malapit sa kaniya. Purihin ninyo ang Panginoon.

2 Paralipomeno 24:17-24

17 Pagkamatay nga ni Joiada ay nagsiparoon ang mga prinsipe ng Juda, at nangagbigay galang sa hari. Nang magkagayo'y dininig sila ng hari.

18 At kanilang pinabayaan ang bahay ng Panginoon, ng Dios ng kanilang mga magulang, at nangaglingkod sa mga Asera at sa mga dios-diosan: at ang pag-iinit ay dumating sa Juda at sa Jerusalem dahil sa kanilang salang ito.

19 Gayon ma'y nagsugo siya ng mga propeta sa kanila upang dalhin sila uli sa Panginoon; at sila'y sumaksi laban sa kanila; nguni't hindi sila pinakinggan.

20 At ang Espiritu ng Dios ay dumating kay Zacharias na anak ni Joiada na saserdote; at siya'y tumayong mataas kay sa bayan, at nagsabi sa kanila, Ganito ang sabi ng Dios, Bakit kayo'y nagsisisalangsang sa mga utos ng Panginoon, na anopa't kayo'y huwag magsiginhawa? sapagka't inyong pinabayaan ang Panginoon, kaniya namang pinabayaan kayo.

21 At sila'y nagsipagbanta laban sa kaniya, at binato siya ng mga bato, sa utos ng hari sa looban ng bahay ng Panginoon.

22 Sa ganito ay hindi inalaala ni Joas na hari ang kagandahang loob na ginawa ni Joiada na kaniyang ama sa kaniya, kundi pinatay ang kaniyang anak. At nang siya'y mamatay, kaniyang sinabi, Masdan ng Panginoon, at pakialaman.

23 At nangyari, sa katapusan ng taon, na ang hukbo ng mga taga Siria ay umahon laban sa kaniya: at sila'y nagsiparoon sa Juda at sa Jerusalem, at nilipol ang lahat na prinsipe ng bayan mula sa gitna ng bayan, at ipinadala ang buong samsam sa kanila sa hari sa Damasco.

24 Sapagka't ang hukbo ng mga taga Siria ay naparoong may munting pangkat ng mga lalake; at ibinigay ng Panginoon ang isang totoong malaking hukbo sa kanilang kamay sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang. Sa gayo'y nilapatan nila ng kahatulan si Joas.

Mga Gawa 6:1-7

Nang mga araw ngang ito, nang dumadami ang bilang ng mga alagad, ay nagkaroon ng bulongbulungan ang mga Greco-Judio laban sa mga Hebreo, sapagka't ang kanilang mga babaing bao ay pinababayaan sa pamamahagi sa araw-araw.

At tinawag ng labingdalawa ang karamihang mga alagad, at sinabi, Hindi marapat na aming pabayaan ang salita ng Dios, at mangaglingkod sa mga dulang.

Magsihanap nga kayo, mga kapatid, sa inyo, ng pitong lalake na may mabuting katunayan, puspos ng Espiritu at ng karunungan, na ating mailalagay sa gawaing ito.

Datapuwa't magsisipanatili kaming matibay sa pananalangin, at sa ministerio ng salita.

At minagaling ng buong karamihan ang pananalitang ito: at kanilang inihalal si Esteban, taong puspos ng pananampalataya at ng Espiritu Santo, at si Felipe, at si Procoro, at si Nicanor, at si Timon, at si Parmenas, at si Nicolas na taga Antioquia na naging Judio;

Na siyang iniharap nila sa mga apostol: at nang sila'y mangakapanalangin na, ay ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga yaon.

At lumago ang salita ng Dios; at dumaming lubha sa Jerusalem ang bilang ng mga alagad; at nagsitalima sa pananampalataya ang lubhang maraming saserdote.

Mga Gawa 7:51-60

51 Kayong matitigas ang ulo, at di tuli ang puso't mga tainga, kayo'y laging nagsisisalangsang sa Espiritu Santo: kung ano ang ginawa ng inyong mga magulang, ay gayon din naman ang ginagawa ninyo.

52 Alin sa mga propeta ang hindi pinagusig ng inyong mga magulang? at kanilang pinatay ang nangagpahayag ng una ng pagdating ng Matuwid na Ito; na sa kaniya'y kayo ngayon ay nangaging mga tagapagkanulo at mamamatay-tao;

53 Kayo na nagsitanggap ng kautusan ayon sa pangangasiwa ng mga anghel, at hindi ninyo ginanap.

54 Nang marinig nga nila ang mga bagay na ito, ay nangasugatan sila sa puso, at siya'y pinagngalitan nila ng kanilang mga ngipin.

55 Datapuwa't siya, palibhasa'y puspos ng Espiritu Santo ay tumitig na maigi sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Dios, at si Jesus na nakatindig sa kanan ng Dios,

56 At nagsabi, Narito, nakikita kong bukas ang mga langit, at ang Anak ng tao na nakatindig sa kanan ng Dios.

57 Datapuwa't sila'y nagsigawan ng malakas na tinig, at nangagtakip ng kanilang mga tainga, at nangagkaisang siya'y dinaluhong;

58 At siya'y kanilang itinapon sa labas ng bayan, at binato: at inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa mga paanan ng isang binata na nagngangalang Saulo.

59 At kanilang pinagbatuhanan si Esteban, na tumatawag sa Panginoon at nagsasabi, Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu.

60 At siya'y nanikluhod, at sumigaw ng malakas na tinig, Panginoon, huwag mong iparatang sa kanila ang kasalanang ito. At pagkasabi niya nito, ay nakatulog siya.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain