Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Isaias 11:1-9

11 At may lalabas na usbong sa puno ni Isai, at isang sanga mula sa kaniyang mga ugat ay magbubunga:

At ang Espiritu ng Panginoon ay sasa kaniya, ang diwa ng karunungan at ng kaunawaan, ang diwa ng payo at ng katibayan, ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon;

At ang kaniyang kaluguran ay magiging sa pagkatakot sa Panginoon: at hindi siya hahatol ng ayon sa paningin ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ng ayon sa pakinig ng kaniyang mga tainga:

Kundi hahatol siya ng katuwiran sa dukha, at sasaway na may karampatan dahil sa mga maamo sa lupa: at sasaktan niya ang lupa ng pamalo ng kaniyang bibig, at ng hinga ng kaniyang mga labi ay kaniyang papatayin ang masama.

At katuwiran ang magiging bigkis ng kaniyang baywang, at pagtatapat ang pamigkis ng kaniyang mga balakang.

At ang lobo ay tatahang kasama ng kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing; at ang guya, at ang batang leon, at ang patabain na magkakasama; at papatnubayan sila ng munting bata.

At ang baka at ang oso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping: at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka.

At ang batang pasusuhin ay maglalaro sa lungga ng ahas, at isusuot ng batang kahihiwalay sa suso ang kaniyang kamay sa lungga ng ulupong.

Hindi sila magsisipanakit o magsisipanira man sa aking buong banal na bundok: sapagka't ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng Panginoon, gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.

Mga Bilang 16:20-35

20 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

21 Humiwalay kayo sa gitna ng kapisanang ito, upang aking lipulin sila sa isang sangdali.

22 At sila'y nagpatirapa, at nagsabi, Oh Dios, na Dios ng mga diwa ng lahat ng laman, sa pagkakasala ba ng isang tao ay magagalit ka sa buong kapisanan?

23 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

24 Salitain mo sa kapisanan na iyong sabihin, Lumayo kayo sa palibot ng tabernakulo ni Core, ni Dathan, at ni Abiram.

25 At si Moises ay tumayo at naparoon kay Dathan at kay Abiram; at ang mga matanda sa Israel ay sumunod sa kaniya.

26 At sinalita ni Moises sa kapisanan na sinasabi, Magsilayo kayo, isinasamo ko sa inyo, sa mga tolda ng masasamang taong ito, at huwag kayong humipo ng anomang bagay nila, baka kayo'y mamatay sa lahat nilang kasalanan.

27 Gayon sila nagsilayo sa tabernakulo ni Core, ni Dathan, at ni Abiram sa lahat ng dako: at si Dathan at si Abiram ay nagsilabas, at nagsitayo sa pintuan ng kanilang mga tolda, at ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak, at ang kanilang bata.

28 At sinabi ni Moises, Dito ninyo makikilala na ako'y sinugo ng Panginoon na gawin ang lahat ng mga gawang ito; sapagka't hindi kinatha ng aking sariling pagiisip.

29 Kung ang mga taong ito ay mamatay sa karaniwang kamatayan ng lahat ng tao, o kung sila'y dalawin ayon sa karaniwang pagdalaw sa lahat ng tao; ay hindi nga ako sinugo ng Panginoon.

30 Nguni't kung ang Panginoon ay lumikha ng isang bagong bagay, na anopa't ibuka ng lupa ang kaniyang bibig, at sila'y lamunin, sangpu ng buong nauukol sa kanila, at sila'y ibabang mga buhay sa Sheol; ay inyo ngang mapagkikilala na minungkahi ng mga taong ito ang Panginoon.

31 At nangyari, na pagkatapos na masalita niya ang lahat ng salitang ito, na ang lupa na nasa ilalim nila ay bumuka:

32 At ibinuka ng lupa ang kaniyang bibig at nilamon sila, at ang kanilang mga sangbahayan, at ang lahat ng lalake na nauukol kay Core, at lahat ng kanilang pag-aari.

33 Na anopa't sila at lahat ng nauukol sa kanila, ay nababang buhay sa Sheol: at sila'y pinagtikuman ng lupa, at sila'y nalipol sa gitna ng kapisanan.

34 At ang buong Israel na nasa palibot nila ay tumakas sa hiyaw nila; sapagka't kanilang sinabi, Baka pati tayo'y lamunin ng lupa.

35 At apoy ang lumabas na mula sa Panginoon, at nilamon ang dalawang daan at limang pung lalake na naghandog ng kamangyan.

Mga Gawa 28:23-31

23 At nang mataningan na nila siya ng isang araw, ay nagsiparoon ang lubhang marami sa kaniyang tinutuluyan; at sa kanila'y kaniyang ipinaliwanag ang bagay, na sinasaksihan ang kaharian ng Dios, at sila'y hinihikayat tungkol kay Jesus, sa pamamagitan ng kautusan ni Moises at gayon din sa pamamagitan ng mga propeta, buhat sa umaga hanggang sa gabi.

24 At ang mga iba'y nagsipaniwala sa mga bagay na sinabi, at ang mga iba'y hindi nagsipaniwala.

25 At nang sila'y hindi mangagkaisa, ay nangagsialis pagkasabi ni Pablo ng isang salita, Mabuti ang pagkasalita ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng propeta Isaias sa inyong mga magulang,

26 Na sinasabi, Pumaroon ka sa bayang ito, at sabihin mo, Sa pakikinig ay inyong mapapakinggan, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mapaguunawa; At sa pagtingin ay inyong makikita, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mamamalas:

27 Sapagka't kumapal ang puso ng bayang ito, At mahirap na makarinig ang kanilang mga tainga, At kanilang ipinikit ang kanilang mga mata; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, At mangakarinig ng kanilang mga tainga, At mangakaunawa ng kanilang puso, At muling mangagbalik-loob, At sila'y aking pagalingin.

28 Maging hayag nawa sa inyo, na ang kaligtasang ito ng Dios ay ipinadala sa mga Gentil: sila'y makikinig naman.

29 At nang masabi na niya ang mga salitang ito'y nagsialis ang mga Judio, at sila-sila'y nangagtatalong mainam.

30 At tumahan si Pablo na dalawang taong ganap sa kaniyang tahanang inuupahan, at tinatanggap ang lahat ng sa kaniya'y nagsisipagsadya,

31 Na ipinangangaral ang kaharian ng Dios, at itinuturo ang mga bagay na nauukol sa Panginoong Jesucristo ng buong katapangan, wala sinomang nagbabawal sa kaniya.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain