Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Sofonias 3:14-20

14 Umawit ka, Oh anak na babae ng Sion; humiyaw ka; Oh Israel; ikaw ay matuwa at magalak ng buong puso, Oh anak na babae ng Jerusalem.

15 Inalis ng Panginoon ang mga kahatulan sa iyo, kaniyang iniwaksi ang iyong kaaway: ang hari sa Israel, sa makatuwid baga'y ang Panginoon, ay nasa gitna mo; hindi ka na matatakot pa sa kasamaan.

16 Sa araw na yaon ay sasabihin sa Jerusalem; Huwag kang matakot; Oh Sion, huwag manghina ang iyong mga kamay.

17 Ang Panginoon mong Dios ay nasa gitna mo, na makapangyarihan na magliligtas; siya'y magagalak dahil sa iyo na may kagalakan; siya'y magpapahinga sa kaniyang pagibig; siya'y magagalak sa iyo na may pagawit.

18 Aking pipisanin yaong nangamamanglaw dahil sa takdang kapulungan, na sila'y mga naging iyo; na ang pasan sa kaniya ay isang kakutyaan.

19 Narito, sa panahong yao'y aking parurusahan ang lahat na mga dumadalamhati sa iyo: at aking ililigtas ang napipilay, at aking pipisanin ang pinalayas; at aking gagawin silang kapurihan at kabantugan, na ang kahihiyan nila ay napasa buong lupa.

20 Sa panahong yao'y aking ipapasok kayo, at sa panahong yao'y aking pipisanin kayo; sapagka't aking gagawin kayong kabantugan at kapurihan sa gitna ng lahat ng mga bayan sa lupa, pagka aking ibinalik kayo sa harap ng inyong mga mata mula sa inyong pagkabihag sabi ng Panginoon.

Isaias 12:2-6

Narito, Dios ay aking kaligtasan; ako'y titiwala, at hindi ako matatakot: sapagka't ang Panginoon si Jehova ay aking kalakasan at awit; at siya'y naging aking kaligtasan.

Kaya't kayo'y iigib ng tubig na may kagalakan sa mga balon ng kaligtasan.

At sa araw na yao'y inyong sasabihin, Mangagpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kaniyang pangalan, ipahayag ninyo ang kaniyang mga gawa sa mga bayan, sabihin ninyo na ang kaniyang pangalan ay marangal.

Magsiawit kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y gumawa ng mga marilag na bagay: ipaalam ito sa buong lupa.

Humiyaw ka ng malakas at sumigaw ka, ikaw na nananahan sa Sion: sapagka't dakila ang Banal ng Israel sa gitna mo.

Filipos 4:4-7

Mangagalak kayong lagi sa Panginoon: muli kong sasabihin, Mangagalak kayo.

Makilala nawa ang inyong kahinhinan ng lahat ng mga tao. Ang Panginoon ay malapit na.

Huwag kayong mangabalisa sa anomang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios.

At ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip, ay magiingat ng inyong mga puso at ng inyong mga pagiisip kay Cristo Jesus.

Lucas 3:7-18

Sinasabi nga niya sa mga karamihang nagsisilabas upang mangagpabautismo sa kaniya, Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang sa inyo'y nagudyok upang tumakas sa galit na darating?

Kayo nga'y mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi, at huwag mangagpasimulang mangagsabi sa inyong sarili, Si Abraham ang siya naming ama; sapagka't sinasabi ko sa inyo, na makapagpapabangon ang Dios ng mga anak ni Abraham maging sa mga batong ito.

At ngayon pa'y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punong kahoy: ang bawa't punong kahoy nga na di nagbubunga ng mabuti ay pinuputol, at inihahagis sa apoy.

10 At tinanong siya ng karamihan, na nangagsasabi, Ano ngang dapat namin gawin?

11 At sinagot niya at sinabi sa kanila, Ang may dalawang tunika ay magbahagi sa wala; at ang may pagkain ay gayon din ang gawin.

12 At dumating naman ang mga maniningil ng buwis upang mangagpabautismo, at sinabi nila sa kaniya, Guro, anong dapat naming gawin?

13 At sinabi niya sa kanila, Huwag na kayong sumingil pa ng higit kay sa utos sa inyo.

14 At tinanong naman siya ng mga kawal, na nangagsasabi, At kami, anong dapat naming gawin? At sa kanila'y sinabi niya, Huwag kayong kumuhang may karahasan sa kanino man, ni mangagparatang; at mangagkasiya kayo sa bayad sa inyo.

15 At samantalang ang mga tao'y nagsisipaghintay at pinagbubulaybulay ng lahat sa kanilang puso ang tungkol kay Juan, kung siya kaya ang Cristo;

16 Ay sumagot si Juan na sinasabi sa kanilang lahat, Katotohanang binabautismuhan ko kayo ng tubig; datapuwa't dumarating ang lalong makapangyarihan kay sa akin; ako'y hindi karapatdapat magkalag ng panali ng kaniyang mga pangyapak: kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo at sa apoy:

17 Nasa kaniyang kamay ang kaniyang kalaykay, upang linising lubos ang kaniyang giikan, at tipunin ang trigo sa kaniyang bangan; datapuwa't susunugin niya ang dayami sa apoy na hindi mapapatay.

18 Sa mga iba pang maraming pangaral ay ipinangangaral nga niya sa bayan ang mabuting balita;

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain