Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 39

39 Aking sinabi, ako'y magiingat sa aking mga lakad, upang huwag akong magkasala ng aking dila: aking iingatan ang aking dila ng paningkaw, samantalang ang masama ay nasa harap ko.

Ako'y napipi ng pagtahimik, ako'y tumahimik pati sa mabuti; at ang aking kalungkutan ay lumubha.

Ang aking puso ay mainit sa loob ko; habang ako'y nagbubulaybulay ay nagalab ang apoy: nang magkagayo'y nagsalita ako ng aking dila:

Panginoon, ipakilala mo sa akin ang aking wakas, at ang sukat ng aking mga kaarawan, kung ano; ipakilala mo sa akin kung gaano kahina ako.

Narito, gaya ng mga dangkal ginawa mo ang aking mga kaarawan; at ang aking gulang ay tila wala sa harap mo: tunay na bawa't tao sa kaniyang mainam na kalagayan ay pawang walang kabuluhan. (Selah)

Tunay na bawa't tao ay lumalakad sa walang kabuluhang lilim: tunay na sila'y nagugulo ng walang kabuluhan: kaniyang ibinubunton ang mga kayamanan, at hindi nalalaman kung sinong nagsisipulot.

At ngayon, Panginoon, ano pa ang aking hinihintay? Ang aking pagasa ay nasa iyo.

Iligtas mo ako sa lahat ng aking mga pagsalangsang: huwag mo akong gawing katuyaan ng hangal.

Ako'y pipi, hindi ko ibinuka ang aking bibig; sapagka't ikaw ang gumawa.

10 Iurong mo sa akin ang iyong suntok: ako'y bugbog na sa suntok ng iyong kamay.

11 Pagka sa pamamagitan ng mga parusa dahil sa kasamaan ay iyong sinasaway ang tao, iyong sinisira ang kaniyang kagandahan na parang pagsira ng tanga: tunay na bawa't tao ay walang kabuluhan. (Selah)

12 Iyong dinggin ang aking dalangin, Oh Panginoon, at pakinggan mo ang aking daing: huwag kang tumahimik sa aking mga luha: sapagka't ako'y taga ibang lupa na kasama mo; nakikipamayan na gaya ng lahat na aking mga magulang.

13 Oh tulungan mo ako, upang ako'y magbawing lakas, Bago ako manaw, at mawala.

Job 28:12-29:10

12 Nguni't saan masusumpungan ang karunungan? At saan naroon ang dako ng pagkaunawa?

13 Hindi nalalaman ng tao ang halaga niyaon; ni nasusumpungan man sa lupain ng may buhay.

14 Sinasabi ng kalaliman. Wala sa akin: at sinasabi ng dagat: Hindi sumasaakin.

15 Hindi mabibili ng ginto, ni matitimbangan man ng pilak ang halaga niyaon.

16 Hindi mahahalagahan ng ginto sa Ophir, ng mahalagang onix, o ng zafiro.

17 Ginto at salamin ay hindi maihahalintulad doon: ni maipagpapalit man sa mga hiyas na dalisay na ginto.

18 Hindi mabibilang ang coral o ang cristal; Oo, ang halaga ng karunungan ay higit sa mga rubi.

19 Ang topacio sa Etiopia ay hindi maipapantay doon, ni mahahalagahan man ng dalisay na ginto.

20 Saan nanggagaling nga ang karunungan? At saan naroon ang dako ng pagkaunawa?

21 Palibhasa't nakukubli sa mga mata ng lahat na may buhay, at natatago sa mga ibon sa himpapawid.

22 Ang kapahamakan at ang kamatayan ay nagsasabi, narinig namin ng aming mga pakinig ang bulungbulungan niyaon.

23 Nauunawa ng Dios ang daan niyaon, at nalalaman niya ang dako niyaon.

24 Sapagka't tumitingin siya hanggang sa mga wakas ng lupa, at nakikita ang silong ng buong langit;

25 Upang bigyan ng timbang ang hangin; Oo, kaniyang tinatakal ang tubig sa takalan.

26 Nang siya'y gumawa ng pasiya sa ulan, at ng daan sa kidlat ng kulog:

27 Nang magkagayo'y nakita niya ito, at inihayag; kaniyang itinatag ito, oo, at siniyasat.

28 At sa tao ay sinabi niya, Narito, ang pagkatakot sa Dios ay siyang karunungan; at ang paghiwalay sa kasamaan ay pagkaunawa.

29 At muling ipinagbadya ni Job ang kaniyang talinghaga, at nagsabi,

Oh ako nawa'y napasa mga buwan noong dakong una, gaya noong mga kaarawan ng binabantayan ako ng Dios;

Nang ang kaniyang ilawan ay sumisilang sa aking ulo at sa pamamagitan ng kaniyang liwanag ay lumalakad ako sa kadiliman;

Gaya noong ako'y nasa kabutihan ng aking mga kaarawan, noong ang pagkasi ng Dios ay nasa aking tolda;

Noong ang Makapangyarihan sa lahat ay sumasaakin pa, at ang aking mga anak ay nangasa palibot ko;

Noong ang aking mga hakbang ay naliligo sa gatas, at ang bato ay nagbubuhos para sa akin ng mga ilog ng langis!

Noong ako'y lumalabas sa pintuang-bayan hanggang sa bayan, noong aking inihahanda ang aking upuan sa lansangan,

Nakikita ako ng mga binata, at nagsisipagkubli, at ang mga matanda ay nagsisitindig at nagsisitayo:

Ang mga pangulo ay nagpipigil ng pangungusap, at inilalagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig;

10 Ang tinig ng mga mahal na tao ay tumatahimik, at ang kanilang dila ay dumidikit sa ngalangala ng kanilang bibig.

Pahayag 8:1-5

At nang buksan niya ang ikapitong tatak, ay nagkaroon ng katahimikan sa langit na may kalahating oras.

At nakita ko ang pitong anghel na nangakatayo sa harapan ng Dios; at sila'y binigyan ng pitong pakakak.

At dumating ang ibang anghel at tumayo sa harap ng dambana, na may hawak na isang gintong pangsuob ng kamangyan; at binigyan siya ng maraming kamangyan, upang idagdag ito sa mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw ng dambanang ginto, na nasa harapan ng luklukan.

At ang usok ng kamangyan, kalakip ng mga panalangin ng mga banal, ay napailanglang mula sa kamay ng anghel, sa harapan ng Dios.

At kinuha ng anghel ang pangsuob ng kamangyan; at pinuno niya ng apoy ng dambana, at itinapon sa lupa: at nagkaroon ng mga kulog, at mga tinig, at mga kidlat, at ng isang lindol.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain