Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 26

26 Iyong hatulan ako Oh Panginoon, sapagka't ako'y lumakad sa aking pagtatapat: ako naman ay tumiwala sa Panginoon, na walang bulay-bulay.

Siyasatin mo ako, Oh Panginoon, at iyong subukin ako; subukin mo ang aking puso at ang aking isip.

Sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay nasa harap ng aking mga mata: at ako'y lumakad sa iyong katotohanan.

Hindi ako naupo na kasama ng mga walang kabuluhang tao; ni papasok man ako na kasama ng mga mapagpakunwari.

Aking pinagtataniman ang kapisanan ng mga manggagawa ng kasamaan, at hindi ako uupo na kaumpok ng masama.

Aking huhugasan ang aking mga kamay sa pagkawalang sala; sa gayo'y aking lilibirin ang iyong dambana, Oh Panginoon:

Upang aking maiparinig ang tinig ng pagpapasalamat, at maisaysay ang lahat na iyong kagilagilalas na gawa.

Panginoon, aking iniibig ang tahanan ng iyong bahay, at ang dako na tinatahanan ng iyong kaluwalhatian.

Huwag mong isama ang aking kaluluwa sa mga makasalanan, ni ang aking buhay man sa mga mabagsik na tao:

10 Na ang mga kamay ay kinaroroonan ng kasamaan, at ang kanilang kanan ay puno ng mga suhol.

11 Nguni't tungkol sa akin ay lalakad ako sa aking pagtatapat: iyong tubusin ako, at mahabag ka sa akin.

12 Ang aking paa ay nakatayo sa isang panatag na dako: sa mga kapisanan ay pupurihin ko ang Panginoon.

Job 4

Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,

Kung tikman ng isa na makipagusap sa iyo, ikababalisa mo ba? Nguni't sinong makapipigil ng pagsasalita?

Narito, ikaw ay nagturo sa marami, at iyong pinalakas ang mahinang mga kamay.

Ang iyong mga salita ay nagsialalay sa nangabubuwal, at iyong pinalakas ang mahinang mga tuhod.

Nguni't ngayo'y dinaratnan ka ng kasamaan, at ikaw ay nanglulupaypay; ginagalaw ka, at ikaw ay nababagabag.

Hindi ba ang iyong takot sa Dios ay ang iyong tiwala, at ang iyong pagasa ay ang pagtatapat ng iyong mga lakad?

Iyong alalahanin, isinasamo ko sa iyo, kung sino ang namatay, na walang malay? O saan nangahiwalay ang mga matuwid?

Ayon sa aking pagkakita yaong nagsisipagararo ng kasamaan, at nangaghahasik ng kabagabagan ay gayon din ang inaani.

Sa hinga ng Dios sila'y nangamamatay, at sa bugso ng kaniyang galit sila'y nangalilipol.

10 Ang ungal ng leon, at ang tinig ng mabangis na leon, at ang mga ngipin ng mga batang leon, ay nangabali.

11 Ang matandang leon ay namamatay dahil sa kawalan ng huli, at ang mga batang leong babae ay nagsisipangalat.

12 Ngayo'y nadalang lihim sa akin ang isang bagay, at ang aking pakinig ay nakakaulinig ng bulong niyaon.

13 Sa mga pagiisip na mula sa mga pangitain sa gabi, pagka ang mahimbing na tulog ay nahuhulog sa mga tao,

14 Takot ay dumating sa akin, at panginginig, na nagpapanginig ng lahat ng aking mga buto.

15 Nang magkagayo'y dumaan ang isang espiritu sa aking mukha. Ang balahibo ng aking balat ay nanindig.

16 Tumayong nakatigil, nguni't hindi ko mawari ang anyo niyaon; isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata: tahimik, at ako'y nakarinig ng tinig, na nagsasabi,

17 Magiging ganap pa ba ang taong may kamatayan kay sa Dios? Lilinis pa ba kaya ang tao kay sa Maylalang sa kaniya?

18 Narito, siya'y hindi naglalagak ng tiwala sa kaniyang mga lingkod; at inaari niyang mga mangmang ang kaniyang mga anghel:

19 Gaano pa kaya sila na nagsisitahan sa mga bahay na putik, na ang patibayan ay nasa alabok, na napipisang gaya ng paroparo!

20 Sa pagitan ng umaga at hapon, ay nangagigiba; nangapaparam magpakailan man na walang pumupuna.

21 Hindi ba nalalagot ang tali ng kanilang tolda sa loob nila? Sila'y nangamamatay at walang karunungan.

Roma 8:1-11

Ngayon nga'y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus.

Sapagka't ang kautusan ng Espiritu ng buhay na kay Cristo Jesus ay pinalaya ako sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.

Sapagka't ang hindi magawa ng kautusan, na mahina sa pamamagitan ng laman, sa pagsusugo ng Dios sa kaniyang sariling Anak na naganyong lamang salarin at dahil sa kasalanan, ay hinatulan ng Dios sa laman ang kasalanan:

Upang ang kahilingan ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi nangagsisilakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.

Sapagka't ang mga ayon sa laman ay nangagsisitalima sa mga bagay ng laman; datapuwa't ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu.

Sapagka't ang kaisipan ng laman ay kamatayan; datapuwa't ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan.

Sapagka't ang kaisipan ng laman ay pakikipagalit laban sa Dios; sapagka't hindi napasasaklaw sa kautusan ng Dios, ni hindi nga maaari:

At ang nangasa laman ay hindi makalulugod sa Dios.

Datapuwa't kayo'y wala sa laman kundi nasa sa Espiritu, kung gayo'y tumitira sa inyo ang Espiritu ng Dios. Datapuwa't kung ang sinoma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kaniya.

10 At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; datapuwa't ang espiritu ay buhay dahil sa katuwiran.

11 Nguni't kung ang Espiritu niyaong bumuhay na maguli kay Jesus ay tumira sa inyo, ang bumuhay na maguli kay Cristo Jesus sa mga patay ay magbibigay buhay naman sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na tumitira sa inyo.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain