Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 26

26 Iyong hatulan ako Oh Panginoon, sapagka't ako'y lumakad sa aking pagtatapat: ako naman ay tumiwala sa Panginoon, na walang bulay-bulay.

Siyasatin mo ako, Oh Panginoon, at iyong subukin ako; subukin mo ang aking puso at ang aking isip.

Sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay nasa harap ng aking mga mata: at ako'y lumakad sa iyong katotohanan.

Hindi ako naupo na kasama ng mga walang kabuluhang tao; ni papasok man ako na kasama ng mga mapagpakunwari.

Aking pinagtataniman ang kapisanan ng mga manggagawa ng kasamaan, at hindi ako uupo na kaumpok ng masama.

Aking huhugasan ang aking mga kamay sa pagkawalang sala; sa gayo'y aking lilibirin ang iyong dambana, Oh Panginoon:

Upang aking maiparinig ang tinig ng pagpapasalamat, at maisaysay ang lahat na iyong kagilagilalas na gawa.

Panginoon, aking iniibig ang tahanan ng iyong bahay, at ang dako na tinatahanan ng iyong kaluwalhatian.

Huwag mong isama ang aking kaluluwa sa mga makasalanan, ni ang aking buhay man sa mga mabagsik na tao:

10 Na ang mga kamay ay kinaroroonan ng kasamaan, at ang kanilang kanan ay puno ng mga suhol.

11 Nguni't tungkol sa akin ay lalakad ako sa aking pagtatapat: iyong tubusin ako, at mahabag ka sa akin.

12 Ang aking paa ay nakatayo sa isang panatag na dako: sa mga kapisanan ay pupurihin ko ang Panginoon.

Job 2:11-3:26

11 Nang mabalitaan nga ng tatlong kaibigan ni Job ang lahat na kasamaang ito na sumapit sa kaniya sila'y naparoon bawa't isa na mula sa kanikaniyang sariling pook, si Eliphaz na Temanita, at si Bildad na Suhita, at si Sophar na Naamathita: at sila'y nangagkaiisang loob na magsiparoon upang makidamay sa kaniya at aliwin siya.

12 At nang kanilang itanaw ang kanilang mga mata mula sa malayo, at hindi siya makilala, kanilang inilakas ang kanilang tinig, at nagsiiyak at hinapak ng bawa't isa sa kanila ang kanikaniyang balabal, at nagbuhos ng alabok sa kanilang mga ulo sa dakong langit.

13 Sa gayo'y nangakiumpok sila sa kaniya sa ibabaw ng lupa na pitong araw at pitong gabi, at walang nagsalita sa kaniya: sapagka't kanilang nakita na ang kaniyang paghihirap ay totoong malaki.

Pagkatapos nito'y ibinuka ni Job ang kaniyang bibig at sinumpa ang kaniyang kaarawan.

At si Job ay sumagot, at nagsabi,

Maparam nawa ang kaarawan ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi.

Magdilim nawa ang kaarawang yaon; huwag nawang pansinin ng Dios mula sa itaas, ni silangan man ng liwanag.

Ang dilim at ang salimuot na kadiliman ang siyang mangagari niyaon; pag-ulapan nawa yaon; Pangilabutin nawa yaon ng lahat na nagpapadilim sa araw.

Suma gabing yaon nawa ang pagsasalimuot ng kadiliman: huwag nawang kagalakan sa mga araw ng sangtaon; huwag nawang mapasok sa bilang ng mga buwan.

Narito, mapagisa ang gabing yaon; huwag nawang datnan yaon ng masayang tinig.

Sumpain nawa yaong nanganunumpa sa araw, ng nangamimihasang gumalaw sa buwaya.

Mangagdilim nawa ang mga bituin ng pagtatakip-silim niyaon: maghintay nawa ng liwanag, nguni't huwag magkaroon: ni huwag mamalas ang mga bukang liwayway ng umaga:

10 Sapagka't hindi tinakpan ang mga pinto ng bahay-bata ng aking ina, o ikinubli man ang kabagabagan sa aking mga mata.

11 Bakit hindi pa ako namatay mula sa bahay-bata? Bakit di pa napatid ang aking hininga nang ipanganak ako ng aking ina?

12 Bakit tinanggap ako ng mga tuhod? O bakit ng mga suso, na aking sususuhin?

13 Sapagka't ngayon ay nahihiga sana ako at natatahimik; ako sana'y nakakatulog; na napapahinga ako:

14 Na kasama ng mga hari at ng mga kasangguni sa lupa, na nagsisigawa ng mga dakong ilang sa ganang kanila;

15 O ng mga pangulo na nangagkaroon ng ginto, na pumuno sa kanilang bahay ng pilak:

16 O gaya sana ng nalagas na nakatago, na hindi nabuhay; gaya sana ng sanggol na kailan man ay hindi nakakita ng liwanag.

17 Doo'y naglilikat ang masama sa pagbagabag; at doo'y nagpapahinga ang pagod.

18 Doo'y ang mga bihag ay nangagpapahingang magkakasama; hindi nila naririnig ang tinig ng nagpapaatag.

19 Ang mababa at ang mataas ay nangaroon; at ang alipin ay laya sa kaniyang panginoon.

20 Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa karalitaan, at ng buhay ang kaluluwang nasa kahirapan;

21 Na naghihintay ng kamatayan, nguni't hindi dumarating; at hinahangad ng higit kaysa mga kayamanang nakatago;

22 Na nagagalak ng di kawasa, at nangasasayahan, pagka nasumpungan ang libingan?

23 Bakit binibigyan ng liwanag ang tao na kinalilingiran ng lakad, at ang kinulong ng Dios?

24 Sapagka't nagbubuntong hininga ako bago ako kumain, at ang aking mga angal ay bumubugsong parang tubig.

25 Sapagka't ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin, at ang aking pinangingilabutan ay dumarating sa akin.

26 Hindi ako tiwasay, ni ako man ay tahimik, ni ako man ay napapahinga; kundi kabagabagan ang dumarating.

Galacia 3:23-29

23 Nguni't bago dumating ang pananampalataya, ay nabibilanggo tayo sa ilalim ng kautusan, na nakukulong tayo hanggang sa ang pananampalataya ay ipahahayag pagkatapos.

24 Ano pa't ang kautusan ay siyang naging tagapagturo natin upang ihatid tayo kay Cristo, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya.

25 Datapuwa't ngayong dumating na ang pananampalataya, ay wala na tayo sa ilalim ng tagapagturo.

26 Sapagka't kayong lahat ay mga anak ng Dios, sa pamamagitan ng pananampalataya, kay Cristo Jesus.

27 Sapagka't ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.

28 Walang magiging Judio o Griego man, walang magiging alipin o malaya man, walang magiging lalake o babae man; sapagka't kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.

29 At kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain