Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Kawikaan 31:10-31

10 Isang mabait na babae sinong makakasumpong? Sapagka't ang kaniyang halaga ay higit na makapupo kay sa mga rubi.

11 Ang puso ng kaniyang asawa ay tumitiwala sa kaniya, at siya'y hindi kukulangin ng pakinabang.

12 Gumagawa siya ng mabuti sa kaniya at hindi kasamaan lahat ng mga kaarawan ng kaniyang buhay.

13 Siya'y humahanap ng balahibo ng tupa at lino, at gumagawang kusa ng kaniyang mga kamay.

14 Siya'y parang mga sasakyang dagat ng kalakal; nagdadala siya ng kaniyang pagkain mula sa malayo.

15 Siya'y bumabangon naman samantalang gabi pa, at nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sangbahayan, at ng kanilang gawain sa kaniyang alilang babae.

16 Kaniyang minamasdan ang bukid at binibili: sa pamamagitan ng kaniyang kamay ay nagtatanim siya ng ubasan.

17 Binibigkisan niya ang kaniyang mga balakang ng kalakasan, at nagpapalakas ng kaniyang mga bisig.

18 Kaniyang namamalas na ang kaniyang kalakal ay makikinabang: ang kaniyang ilaw ay hindi namamatay sa gabi.

19 Kaniyang itinangan ang kaniyang mga kamay sa panulid, at ang kaniyang mga kamay ay humahawak ng panghabi.

20 Iginagawad niya ang kaniyang kamay sa dukha: Oo, iniaabot niya ang kaniyang mga kamay sa mapagkailangan.

21 Hindi niya ikinatatakot ang kaniyang sangbahayan sa niebe; sapagka't ang boo niyang sangbahayan ay nakapanamit ng mapulang mapula.

22 Gumagawa siya sa ganang kaniya ng mga unang may burda; ang kaniyang pananamit ay mainam na kayong lino at ng kayong kulay ube.

23 Ang kaniyang asawa ay kilala sa mga pintuang-bayan, pagka siya'y nauupo sa kasamahan ng mga matanda ng lupain.

24 Gumagawa siya ng mga kasuutang kayong lino at ipinagbibili; at nagbibigay ng mga pamigkis sa mga mangangalakal.

25 Kalakasan at kamahalan ay siyang kaniyang suot. At kaniyang tinatawanan ang panahong darating.

26 Binubuka niya ang kaniyang bibig na may karunungan; at ang kautusan ng kagandahang-loob ay nasa kaniyang dila.

27 Kaniyang tinitignang mabuti ang mga lakad ng kaniyang sangbahayan, at hindi kumakain ng tinapay ng katamaran.

28 Nagsisibangon ang kaniyang mga anak, at tinatawag siyang mapalad; gayon din ang kaniyang asawa, at pinupuri siya niya, na sinasabi:

29 Maraming anak na babae ay nagsisigawang may kabaitan, nguni't ikaw, ay humihigit sa kanilang lahat.

30 Ang lingap ay magdaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan: nguni't ang babae na natatakot sa Panginoon, ay siya'y pupurihin.

31 Bigyan ninyo siya ng bunga ng kaniyang mga kamay; at purihin siya ng kaniyang mga gawa sa mga pintuang-bayan.

Awit 1

Mapalad ang tao na hindi lumalakad sa payo ng masama, ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan, ni nauupo man sa upuan ng mga manglilibak.

Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon; at sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi.

At siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan, ang kaniyang dahon nama'y hindi malalanta; at anumang kaniyang gawin ay giginhawa.

Ang masama ay hindi gayon; kundi parang ipa na itinataboy ng hangin.

Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa paghatol, ni ang mga makasalanan man sa kapisanan ng mga matuwid.

Sapagka't nalalaman ng Panginoon ang lakad ng mga matuwid: nguni't ang lakad ng masama ay mapapahamak.

Santiago 3:13-4:3

13 Sino ang marunong at matalino sa inyo? ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting kabuhayan ang kaniyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan.

14 Nguni't kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampikampi sa inyong puso, ay huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan.

15 Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi ang nauukol sa lupa, sa laman, sa diablo.

16 Sapagka't kung saan mayroong paninibugho at pagkakampikampi, ay doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama.

17 Nguni't ang karunungang buhat sa itaas, ay una-una'y malinis saka mapayapa, banayad, madaling panaingan, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang inaayunan, walang pagpapaimbabaw.

18 At ang bunga ng katuwiran ay natatanim sa kapayapaan sa mga nagsisigawa ng kapayapaan.

Saan nagbubuhat ang mga pagbabaka at saan nagbubuhat ang mga pagaaway sa inyo? hindi baga nagbubuhat dito, sa inyong mga kalayawan na bumabaka sa inyong mga sangkap?

Kayo'y nangagiimbot, at kayo'y wala: kayo'y nagsisipatay, at kayo'y nangaiinggit, at hindi maaaring kamtan: kayo'y nangakikipagaway at nangakikipagbaka; kayo'y wala, sapagka't hindi kayo nagsisihingi.

Kayo'y nagsisihingi, at hindi kayo nagsisitanggap, sapagka't nagsisihingi kayo ng masama, upang gugulin sa inyong mga kalayawan.

Santiago 4:7-8

Pasakop nga kayo sa Dios; datapuwa't magsisalangsang kayo sa diablo, at tatakas siya sa inyo.

Magsilapit kayo sa Dios, at siya'y lalapit sa inyo. Mangaglinis kayo ng inyong mga kamay, kayong mga makasalanan; at dalisayin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang akala.

Marcos 9:30-37

30 At nagsialis sila roon, at nangagdaan sa Galilea; at ayaw siyang sinomang tao'y makaalam niyaon.

31 Sapagka't tinuruan niya ang kaniyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, Ibibigay ang Anak ng tao sa mga kamay ng mga tao, at siya'y papatayin nila; at pagkapatay sa kaniya, ay siyang magbabangong muli pagkaraan ng ikatlong araw.

32 Nguni't hindi nila naunawa ang sabing ito, at nangatakot silang magsipagtanong sa kaniya.

33 At sila'y nagsidating sa Capernaum: at nang siya'y nasa bahay na ay tinanong niya sila, Ano ang pinagkakatuwiranan ninyo sa daan?

34 Datapuwa't hindi sila nagsiimik: sapagka't sila-sila ay nangagtalo sa daan, kung sino ang pinakadakila.

35 At siya'y naupo, at tinawag ang labingdalawa; at sa kanila'y sinabi niya, Kung sinoman ang ibig na maging una, ay siyang mahuhuli sa lahat, at lingkod ng lahat.

36 At kinuha niya ang isang maliit na bata, at inilagay sa gitna nila: at siya'y kaniyang kinalong, na sa kanila'y sinabi niya,

37 Ang sinomang tumanggap sa isa sa mga ganitong maliliit na bata sa aking pangalan, ay ako ang tinatanggap: at ang sinomang tumanggap sa akin, ay hindi ako ang tinatanggap, kundi yaong sa aki'y nagsugo.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain