Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 73:21-28

21 Sapagka't ang puso ko'y namanglaw, at sa aking kalooban ay nasaktan ako:

22 Sa gayo'y naging walang muwang ako, at musmos; ako'y naging gaya ng hayop sa harap mo.

23 Gayon ma'y laging sumasaiyo ako: iyong inalalayan ang aking kanan.

24 Iyong papatnubayan ako ng iyong payo, at pagkatapos ay tatanggapin mo ako sa kaluwalhatian.

25 Sinong kumakasi sa akin sa langit kundi ikaw? At walang ninanasa ako sa lupa liban sa iyo.

26 Ang aking laman at ang aking puso ay nanglulupaypay: nguni't ang Dios ay kalakasan ng aking puso, at bahagi ko magpakailan man.

27 Sapagka't narito, silang malayo sa iyo ay mangalilipol: iyong ibinuwal silang lahat, na nangakikiapid, na nagsisihiwalay sa iyo.

28 Nguni't mabuti sa akin na lumapit sa Dios; ginawa kong aking kanlungan ang Panginoong Dios, upang aking maisaysay ang lahat ng iyong mga gawa.

Kawikaan 29

29 Ang madalas na masaway na nagpapatigas ng kaniyang leeg, biglang mababali, at walang kagamutan.

Pagka ang matuwid ay dumadami, ang bayan ay nagagalak: nguni't pagka ang masama ay nagpupuno, ang bayan ay nagbubuntong-hininga.

Ang umiibig ng karunungan ay nagpapagalak sa kaniyang ama: nguni't ang nakikisama sa mga patutot ay sumisira ng kaniyang tinatangkilik.

Ang hari ay nagtatatag ng lupain sa pamamagitan ng kahatulan: nguni't ang humihingi ng suhol ay gumigiba.

Ang tao na kunwang pumupuri sa kaniyang kapuwa naglalagay ng bitag sa kaniyang mga hakbang.

Sa pagsalangsang ng masamang tao ay may silo: nguni't ang matuwid ay umaawit at nagagalak.

Ang matuwid ay kumukuhang alam sa bagay ng dukha: ang masama ay walang unawang makaalam.

Ang mga mangduduwahaging tao ay naglalagay ng bayan sa liyab: nguni't ang mga pantas na tao ay nagaalis ng poot.

Kung ang pantas ay magkaroon ng pakikipagtalo sa isang mangmang, magalit man o tumawa, ang mangmang ay hindi magkakaroon ng kapahingahan.

10 Ang mangbububo ng dugo ay nagtatanim sa sakdal: at tungkol sa matuwid, hinahanap nila ang kaniyang buhay.

11 Inihihinga ng mangmang ang buong galit niya: nguni't ang pantas ay nagpipigil at tumitiwasay.

12 Kung ang puno ay nakikinig sa kabulaanan, lahat niyang mga lingkod ay masasama.

13 Ang dukha at ang mamimighati ay nagsasalubong; pinapagniningas ng Panginoon ang mga mata nila kapuwa.

14 Ang hari na humahatol na tapat sa dukha, ang kaniyang luklukan ay matatatag magpakailan man.

15 Ang pamalo at saway ay nagbibigay karunungan: nguni't ang batang binabayaan ay humihiya sa kaniyang ina.

16 Pagka ang masama ay dumadami, pagsalangsang ay dumadami: nguni't mamamasdan ng matuwid ang kanilang pagkabuwal.

17 Sawayin mo ang iyong anak, at bibigyan ka niya ng kapahingahan; Oo, bibigyan niya ng kaluguran ang iyong kaluluwa.

18 Kung saan walang pangitain, ang bayan ay sumasama: nguni't siyang nagiingat ng kautusan ay maligaya siya.

19 Ang alipin ay hindi masasaway ng mga salita: sapagka't bagaman nalalaman niya ay hindi siya makikinig.

20 Nakikita mo ba ang tao, na nagmamadali sa kaniyang mga salita? May pagasa pa sa mangmang kay sa kaniya.

21 Siyang maingat na nagpalaki ng kaniyang lingkod mula sa pagkabata, magiging anak niya siya sa kawakasan.

22 Ang taong magagalitin ay humihila ng kaalitan, at ang mainiting tao ay nananagana sa pagsalangsang.

23 Ang kapalaluan ng tao ay magbababa sa kaniya: nguni't ang may mapagpakumbabang diwa ay magtatamo ng karangalan.

24 Ang nakikisama sa isang magnanakaw ay nagtatanim sa kaniyang sariling kaluluwa: siya'y nakakarinig ng sumpa at hindi umiimik.

25 Ang pagkatakot sa tao ay nagdadala ng silo: nguni't ang naglalagak ng kaniyang tiwala sa Panginoon ay maliligtas.

26 Marami ang nagsisihanap ng lingap ng pinuno: nguni't ang kahatulan ng tao ay nagmumula sa Panginoon.

27 Ang di ganap na tao ay karumaldumal sa matuwid: at ang matuwid sa lakad ay karumaldumal sa masama.

Juan 7:25-36

25 Sinabi nga ng ilang taga Jerusalem, Hindi baga ito ang kanilang pinagsisikapang patayin?

26 At narito, siya'y hayag na nagsasalita, at walang anomang sinasabi sila sa kaniya. Napagkikilala kayang tunay ng mga pinuno na ito ang Cristo?

27 Gayon man ay nakikilala namin ang taong ito kung taga saan siya: datapuwa't pagparito ng Cristo, sinoma'y walang makakaalam kung taga saan siya.

28 Sumigaw nga si Jesus sa templo, na nagtuturo at sinasabi, Ako'y inyong nakikilala at nalalaman din naman ninyo kung taga saan ako; at hindi ako naparito sa aking sarili, datapuwa't ang nagsugo sa akin ay tunay, na hindi ninyo nakikilala.

29 Siya'y nakikilala ko; sapagka't ako'y mula sa kaniya, at siya ang nagsugo sa akin.

30 Pinagsisikapan nga nilang siya'y hulihin: at walang taong sumunggab sa kaniya, sapagka't hindi pa dumarating ang kaniyang oras.

31 Datapuwa't sa karamihan ay marami ang nagsisampalataya sa kaniya; at kanilang sinasabi, Pagparito ng Cristo, ay gagawa pa baga siya ng lalong maraming tanda kay sa mga ginawa ng taong ito?

32 Nangarinig ng mga Fariseo ang bulongbulungan ng karamihan tungkol sa kaniya; at nangagsugo ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo ng mga punong kawal upang siya'y hulihin.

33 Sinabi nga ni Jesus, Makikisama pa ako sa inyong sangdaling panahon, at ako'y paroroon sa nagsugo sa akin.

34 Hahanapin ninyo ako, at hindi ako masusumpungan: at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makaparoroon.

35 Ang mga Judio nga'y nangagsangusapan, Saan paroroon ang taong ito na hindi natin siya masusumpungan? siya kaya'y paroroon sa nagsisipangalat sa gitna ng mga Griego, at magtuturo sa mga Griego?

36 Ano ang salitang ito na kaniyang sinabi, Hahanapin ninyo ako, at hindi ninyo ako masusumpungan; at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makaparoroon?

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain