Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagtitiwala sa Panginoon sa Oras ng Paghihirap
130 Panginoon, sa labis kong paghihirap akoʼy tumatawag sa inyo.
2 Dinggin nʼyo po ang aking pagsusumamo.
3 Kung inililista nʼyo ang aming mga kasalanan,
sino kaya sa amin ang matitira sa inyong presensya?[a]
4 Ngunit pinapatawad nʼyo kami, upang matuto kaming gumalang sa inyo.
5 Panginoon, akoʼy naghihintay sa inyo,
at umaasa sa inyong mga salita.
6 Naghihintay ako sa inyo higit pa sa tagabantay na naghihintay na dumating ang umaga.
7 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon,
dahil siyaʼy mapagmahal at laging handang magligtas.
8 Siya ang magliligtas sa inyo sa lahat ng inyong mga kasalanan.
37-38 Ipinagluksa ni David ang anak niyang si Amnon sa loob ng mahabang panahon.
Nang tumakas si Absalom, pumunta siya kay Haring Talmai ng Geshur na anak ni Amihud. Doon siya nanirahan sa loob ng tatlong taon. 39 Nang lumipas na ang pangungulila ni Haring David kay Amnon, nangulila naman siya kay Absalom.[a]
Bumalik si Absalom sa Jerusalem
14 Alam ni Joab, anak ni Zeruya, na nangungulila si Haring David kay Absalom. 2 Kaya nagpatawag siya ng isang matalinong babae galing sa Tekoa. Pagdating ng babae, sinabi ni Joab sa kanya, “Magkunwari kang nagluluksa. Magsuot ka ng damit na panluksa at huwag kang magpahid ng mabangong langis. Umarte kang gaya ng isang nagluluksa ng mahabang panahon. 3 Pagkatapos, pumunta ka sa hari at sabihin mo sa kanya ang sasabihin ko sa iyo.” At sinabi ni Joab sa kanya ang dapat niyang sabihin sa hari.
4 Pumunta ang babae sa hari at nagpatirapa siya bilang paggalang. Pagkatapos, sinabi ng babae, “Tulungan nʼyo po ako, Mahal na Hari!” 5 Tinanong siya ng hari, “Ano ba ang problema mo?” Sumagot siya, “Isa po akong biyuda, 6 at may dalawa akong anak na lalaki. Isang araw, nag-away po silang dalawa sa bukid, at dahil walang umawat sa kanila, napatay ang isa. 7 Pinuntahan ako ng lahat ng kamag-anak ko at sinabi, ‘Ibigay mo sa amin ang anak mo, at papatayin namin siya dahil pinatay niya ang kapatid niya. Hindi siya nararapat magmana ng mga ari-arian ng kanyang ama.’ Kung gagawin nila ito, mawawala pa ang isa kong anak na siya na lang ang inaasahan kong tutulong sa akin, at mawawala na rin ang pangalan ng asawa ko rito sa mundo.”
8 Sinabi ng hari sa babae, “Umuwi ka na, ako na ang bahala. Mag-uutos akong huwag na nilang saktan ang anak mo.” 9 Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, kung kayo man po ay babatikusin dahil sa pagpanig nʼyo sa akin, ako po at ang aking pamilya ang mananagot at hindi kayo.” 10 Sumagot ang hari, “Kung may magbabanta sa iyo, dalhin mo siya sa akin at titiyakin kong hindi ka na niya muling gagambalain.” 11 Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, sumumpa po kayo sa Panginoon na inyong Dios, na hindi nʼyo papayagang may maghiganti pa sa anak ko para hindi na lumala ang pangyayari, at para hindi mapatay ang anak ko.” Sumagot si Haring David, “Isinusumpa ko sa Panginoon na buhay, na hindi mapapahamak ang anak mo.”[b]
12 Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, may isa pa po akong hihilingin sa inyo.” Sumagot ang hari, “Sige, sabihin mo.” 13 Sinabi ng babae, “Bakit hindi nʼyo po gawin sa mga mamamayan ng Dios ang ipinangako nʼyong gagawin para sa akin? Kayo na ang humatol sa inyong sarili sa ginawa nʼyong desisyon, dahil sa hindi nʼyo pagpapabalik sa itinaboy nʼyong anak. 14 Mamamatay tayong lahat; magiging gaya tayo ng tubig na natapon sa lupa at hindi na muling makukuha. Pero hindi lang po basta-basta kinukuha ng Dios ang buhay ng tao, sinisikap niyang mapanumbalik ang mga taong napalayo sa kanya.
15 “Mahal na Hari, pumunta po ako rito para sabihin ang problema ko dahil natatakot ako sa mga kamag-anak ko. Nagpasya akong makipag-usap sa inyo dahil baka magawan nʼyo ng paraan ang kahilingan ko, 16 na mailigtas nʼyo kami ng aking anak sa mga taong nagtatangkang kunin ang lupaing ibinigay sa amin ng Dios. 17 Ang desisyon nʼyo ang makapagbibigay sa akin ng kapayapaan dahil tulad kayo ng isang anghel ng Dios, na nakakaalam kung ano ang masama at mabuti. Lagi sana kayong samahan ng Panginoon na inyong Dios.” 18 Sinabi ng hari sa babae, “May itatanong ako sa iyo at gusto kong sagutin mo ako nang totoo.” Sumagot ang babae, “Sige po, Mahal na Hari.” 19 Nagtanong ang hari, “Si Joab ba ang nagturo nito sa iyo?” Sumagot ang babae, “Hindi ko po kayang magsinungaling sa inyo, Mahal na Hari. Si Joab nga po ang nag-utos sa aking gawin ito at siya rin ang nagturo sa akin kung ano ang mga dapat kong sabihin. 20 Ginawa po niya ito para magkaayos na po kayo ni Absalom. Pero matalino kayo, Mahal na Hari, gaya ng isang anghel ng Dios, nalalaman nʼyo ang lahat ng nangyayari sa bansa natin.”
21 Kaya ipinatawag ng hari si Joab at sinabi, “Sige, lumakad ka at dalhin mo pabalik dito ang binatang si Absalom.” 22 Nagpatirapa siya sa hari at sinabi, “Pagpalain sana kayo ng Panginoon, Mahal na Hari. Ngayon, nalalaman kong nalulugod kayo sa akin dahil tinupad nʼyo ang kahilingan ko.” 23 Pagkatapos, pumunta si Joab sa Geshur at dinala si Absalom pabalik sa Jerusalem. 24 Pero iniutos ng hari, “Doon siya pauwiin sa bahay niya. Ayaw ko siyang makita rito sa palasyo.” Kaya umuwi si Absalom sa sarili niyang bahay at hindi na siya nagpakita sa hari.
Mamuhay Tayo para sa Ikabubuti ng Iba
15 Tayong malalakas sa pananampalataya ay dapat tumulong sa mga kapatid nating mahihina sa pananampalataya. Hindi lang ang sarili nating kapakanan ang dapat nating isipin, 2 kundi ang kapakanan din ng iba, para mapalakas ang kanilang pananampalataya. 3 Maging si Cristo ay hindi hinangad ang sariling kapakanan, kundi ayon sa Kasulatan, “Nasaktan din ako sa mga pang-iinsultong ginawa sa inyo.”[a] 4 Ang lahat ng nakasulat sa Kasulatan noong unang panahon ay isinulat para turuan tayo. At sa pamamagitan ng Kasulatan, tayoʼy magiging matatag at malakas ang loob, at magkakaroon ng pag-asa.
5 Nawa ang Dios na nagpapalakas at nagbibigay sa atin ng pag-asa ay tulungan kayong mamuhay nang may pagkakaisa bilang mga tagasunod ni Cristo Jesus. 6 Sa ganoon, sama-sama kayong magpupuri sa Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®