Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Naging Hari si David ng Israel(A)
5 Ang lahat ng lahi ng Israel ay pumunta kay David sa Hebron at sinabi, “Kadugo nʼyo po kami. 2 Mula pa noong una, kahit si Saul pa ang hari namin, kayo na ang namumuno sa mga Israelita sa kanilang mga pakikipaglaban. At sinabi sa inyo ng Panginoon, ‘Ikaw ang gagabay sa mga mamamayan kong Israelita gaya ng paggabay ng isang pastol sa mga tupa niya. Ikaw ang magiging pinuno nila.’ ”
3 Kaya roon sa Hebron, gumawa ng kasunduan si David sa mga tagapamahala ng Israel sa presensya ng Panginoon. At pinahiran nila ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Israel. 4 Si David ay 30 taong gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya sa loob ng 40 taon. 5 Naghari siya sa Juda sa loob ng pitong taon at anim na buwan habang nakatira siya sa Hebron, at 33 taon ang paghahari niya sa buong Israel at Juda habang nakatira siya sa Jerusalem.
9 Matapos sakupin ni David ang matatag na kampo ng Zion, doon na siya tumira at tinawag niya itong Lungsod ni David. Pinadagdagan niya ito ng pader sa palibot mula sa mababang bahagi ng lungsod. 10 Lalong nagiging makapangyarihan si David dahil tinutulungan siya ng Panginoong Dios na Makapangyarihan.
Ang Zion ang Bayan ng Dios
48 Dakila ang Panginoon na ating Dios,
at karapat-dapat na papurihan sa kanyang bayan,
ang kanyang banal na bundok.
2 Itoʼy mataas at maganda,
at nagbibigay kagalakan sa buong mundo.
Ang banal na bundok ng Zion ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.
3 Ang Dios ay nasa mga muog ng Jerusalem,
at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas ng mga taga-Jerusalem.
4 Nagtipon-tipon ang mga hari upang sumalakay sa Jerusalem.
5 Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan,
nagulat, natakot at nagsitakas sila.
6 Dahil sa takot, nanginig sila
gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.
7 Winasak sila ng Dios tulad ng mga barkong panglayag[a]
na sinisira ng hanging amihan.
8 Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Dios,
pero ngayon, tayo mismo ang nakakita sa ginawa niya sa kanyang bayan.
Siya ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan,
at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.
9 Sa loob ng inyong templo, O Dios,
iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.
10 O Dios, dakila ang pangalan nʼyo,
at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo.
Ang kapangyarihan nʼyo ay laging makatarungan.
11 Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion,[b]
at ng mga bayan ng Juda,
dahil sa inyong makatarungang paghatol.
12 Mga mamamayan ng Dios,
libutin ninyo ang Zion at bilangin ninyo ang mga tore nito.
13 Tingnan ninyong mabuti ang mga pader at ang mga tanggulan ng bayan na ito,
upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,
14 “Siya ang Dios, ang Dios natin magpakailanman.
Siya ang gagabay sa atin habang buhay.”
2-3 May 14 na taon na ang nakakaraan nang dalhin ako sa ikatlong langit. (Cristiano na ako noon.) Hindi ko matiyak kung nasa katawan ako noon o nasa espiritu lamang, ang Dios lang ang nakakaalam. 4 Ang tanging alam ko ay nakarating ako sa Paraiso, at narinig ko roon ang mga kamangha-manghang bagay na hindi kayang ipaliwanag at hindi dapat sabihin kahit kanino. 5 Maipagmamalaki ko ang karanasan kong iyon. Pero kung tungkol sa aking sarili, wala akong maipagmamalaki maliban sa aking mga kahinaan. 6 At kung magmamalaki man ako, hindi ako magmimistulang hangal, dahil totoo naman ang aking sasabihin. Pero hindi ko ito gagawin dahil baka sumobra ang palagay ng ilan sa akin kaysa sa nakikita nila sa aking pamumuhay.
7 Para hindi ako maging mayabang dahil sa mga kamangha-manghang ipinakita ng Dios sa akin, binigyan ako ng isang kapansanan sa katawan. Hinayaan ng Dios na pahirapan ako ni Satanas sa aking kapansanan para hindi ako maging mayabang. 8 Tatlong beses akong nakiusap sa Panginoon na alisin ito sa akin. 9 Ngunit sinabi ng Panginoon sa akin, “Sapat na sa iyo ang aking biyaya, dahil ang kapangyarihan koʼy nakikita sa iyong kahinaan.” Kaya buong galak kong ipinagmamalaki ang aking mga kahinaan, nang sa ganoon ay lagi kong maranasan ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Dahil dito, maligaya ako sa aking kahinaan, sa mga panlalait sa akin, sa mga pasakit, pang-uusig at sa mga paghihirap alang-alang kay Cristo. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako pinalalakas ng Dios.
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)
6 Umalis si Jesus sa lugar na iyon at umuwi sa sarili niyang bayan. Kasama niya ang kanyang mga tagasunod. 2 Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, pumunta siya sa sambahan ng mga Judio at nagturo roon. Nagtaka ang maraming taong nakikinig sa kanya. Sinabi nila, “Saan kaya niya nakuha ang karunungang iyan? At ano ang karunungang ito na ibinigay sa kanya? Paano siya nakagagawa ng mga himala? 3 Hindi baʼt siya ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi baʼt ang mga kapatid niyang babae ay dito rin nakatira sa atin?” At hindi siya pinaniwalaan. 4 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay iginagalang kahit saan, maliban sa kanyang sariling bayan at mga kamag-anak at mga kasambahay.” 5 Iyan ang dahilan kung bakit hindi siya nakagawa ng mga himala roon maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. 6 Nagtaka siya sa kawalan nila ng pananampalataya sa kanya.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol(B)
Nilibot ni Jesus ang mga kanayunan at nangaral sa mga tao. 7 Tinawag niya ang 12 apostol at sinugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu. 8 At ibinilin niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit pagkain, pera o bag, maliban sa isang tungkod. 9 Pwede kayong magsuot ng sandalyas, pero huwag kayong magdala ng bihisan. 10 Kapag pinatuloy kayo sa isang bahay, doon na lang kayo manatili hanggang sa pag-alis ninyo sa lugar na iyon. 11 Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan ng mga tao sa isang lugar, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila.” 12 Kaya umalis ang 12 at nangaral sa mga tao na dapat nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas nila ang maraming masamang espiritu at maraming may sakit ang pinahiran nila ng langis at pinagaling.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®