Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
19 Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ang kalangitan,
at ang mga gawa ng kanyang kamay ay inihahayag ng kalawakan.
2 Sa araw-araw ay nagsasalita,
at gabi-gabi ay nagpapahayag ng kaalaman.
3 Walang pananalita o mga salita man;
ang kanilang tinig ay hindi narinig.
4 Ngunit(A) lumalaganap sa buong lupa ang kanilang tinig,
at ang kanilang mga salita ay hanggang sa dulo ng daigdig.
Sa kanila ay naglagay siya ng tolda para sa araw,
5 na dumarating na gaya ng kasintahang lalaki na papalabas sa kanyang silid,
at nagagalak gaya ng malakas na tao na tumatakbo sa takbuhan.
6 Ang kanyang pagsikat ay mula sa dulo ng mga langit,
at sa mga dulo niyon ay ang kanyang pagligid,
at walang bagay na nakukubli sa kanyang init.
Ang Kautusan ng Diyos
7 Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal,
na nagpapanauli ng kaluluwa;
ang patotoo ng Panginoon ay tiyak,
na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,
na nagpapagalak sa puso;
ang utos ng Panginoon ay dalisay,
na nagpapaliwanag ng mga mata.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay malinis,
na nananatili magpakailanman:
ang mga kahatulan ng Panginoon ay totoo
at lubos na makatuwiran.
10 Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,
lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;
higit ding matamis kaysa pulot
at sa pulot-pukyutang tumutulo.
11 Bukod dito'y binalaan ang iyong lingkod sa pamamagitan nila;
sa pagsunod sa mga iyon ay may dakilang gantimpala.
12 Sinong makakaalam ng kanyang mga kamalian?
Patawarin mo ako sa mga pagkakamaling di nalalaman.
13 Ilayo mo rin ang iyong lingkod sa mga mapangahas na pagkakasala.
Huwag mong hayaang ang mga iyon ay magkaroon ng kapangyarihan sa akin!
Kung gayo'y magiging matuwid ako,
at magiging walang sala sa malaking paglabag.
14 Nawa'y ang mga salita ng bibig ko, at ang pagbubulay-bulay ng aking puso
ay maging katanggap-tanggap sa paningin mo,
O Panginoon, ang aking malaking bato at manunubos ko.
16 Sa(A) (B) umaga ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may isang makapal na ulap sa ibabaw ng bundok, at ang tunog ng trumpeta ay napakalakas; at ang buong bayan na nasa kampo ay nanginig.
17 Inilabas ni Moises ang bayan sa kampo upang katagpuin ang Diyos; at sila'y tumayo sa paanan ng bundok.
18 Ang buong bundok ng Sinai ay nabalot sa usok, sapagkat ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw niyon na nasa apoy; at ang usok niyon ay pumailanglang na parang usok ng isang hurno, at nayanig nang malakas ang buong bundok.
19 Nang papalakas nang papalakas ang tunog ng trumpeta ay nagsalita si Moises, at sinagot siya ng Diyos sa pamamagitan ng kulog.
20 Ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw ng bundok ng Sinai, sa taluktok ng bundok; at tinawag ng Panginoon si Moises sa taluktok ng bundok; at si Moises ay umakyat.
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka, balaan mo ang bayan, baka sila'y lumampas upang panoorin ang Panginoon, at mamatay ang marami sa kanila.
22 Gayundin ang mga pari na lumalapit sa Panginoon ay pabanalin mo, baka ang Panginoon ay hindi makapagpigil sa kanila.”
23 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Ang bayan ay hindi makakaakyat sa bundok ng Sinai, sapagkat ikaw mismo ang nagbilin sa amin na iyong sinasabi, ‘Lagyan mo ng hangganan sa palibot ang bundok, at iyong ariing banal ito.’”
24 Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Bumaba ka, at ikaw ay umakyat kasama si Aaron, ngunit ang mga pari at ang taong-bayan ay huwag mong palampasin sa mga hangganan upang umakyat sa Panginoon, baka siya ay hindi makapagpigil sa kanila.”
25 Sa gayo'y bumaba si Moises sa taong-bayan at sinabi sa kanila.
Ang Pagbabagong Anyo ni Jesus(A)
2 Pagkaraan(B) ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan, at dinala silang bukod sa isang mataas na bundok. Siya'y nagbagong-anyo sa harap nila;
3 at ang kanyang damit ay naging nagniningning na puti na walang sinuman sa lupa na makapagpapaputi ng gayon.
4 At doo'y nagpakita sa kanila si Elias na kasama si Moises at sila'y nakikipag-usap kay Jesus.
5 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Rabi, mabuti sa atin ang dumito. Hayaan ninyong gumawa kami ng tatlong kubol; isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”
6 Sapagkat hindi niya alam kung ano ang sasabihin dahil sila'y lubhang natakot.
7 Pagkatapos,(C) nililiman sila ng isang ulap at may isang tinig na nanggaling sa ulap, “Ito ang aking Anak, ang Minamahal;[a] siya ang inyong pakinggan!”
8 Nang bigla silang tumingin sa paligid, wala silang nakitang sinumang kasama nila maliban kay Jesus lamang.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001