Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Lucas 1:46-55

46 At sinabi ni Maria, Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon,

47 At nagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas.

48 Sapagka't nilingap niya ang kababaan ng kaniyang alipin. Sapagka't, narito, mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng maghahalihaliling lahi.

49 Sapagka't ginawan ako ng Makapangyarihan ng mga dakilang bagay; At banal ang kaniyang pangalan.

50 At ang kaniyang awa ay sa mga lahi't lahi. Sa nangatatakot sa kaniya.

51 Siya'y nagpakita ng lakas ng kaniyang bisig; Isinambulat niya ang mga palalo sa paggunamgunam ng kanilang puso.

52 Ibinaba niya ang mga prinsipe sa mga luklukan nila, At itinaas ang mga may mababang kalagayan.

53 Binusog niya ang nangagugutom ng mabubuting bagay; At pinaalis niya ang mayayaman, na walang anoman.

54 Tumulong siya sa Israel na kaniyang alipin, Upang maalaala niya ang awa

55 (Gaya ng sinabi niya sa ating mga magulang) Kay Abraham at sa kaniyang binhi magpakailan man.

1 Samuel 1:19-28

19 At sila'y bumangong maaga ng kinaumagahan, at sumamba sa Panginoon, at bumalik, at umuwi sa kanilang bahay sa Ramatha; at nakilala ni Elcana si Ana na kaniyang asawa; at inalaala siya ng Panginoon.

20 At nangyari, nang sumapit ang panahon, na si Ana ay naglihi, at nanganak ng isang lalake; at tinawag ang pangalan niya na Samuel, na sinasabi, Sapagka't aking hiningi siya sa Panginoon.

21 At ang lalaking si Elcana, at ang buong sangbahayan niya, ay nagsiahon upang maghandog sa Panginoon ng hain sa taon-taon, at ganapin ang kaniyang panata.

22 Nguni't si Ana ay hindi umahon; sapagka't sinabi niya sa kaniyang asawa, Hindi ako aahon hanggang sa ang bata'y mahiwalay sa suso; at kung magkagayo'y aking dadalhin siya, upang siya'y pakita sa harap ng Panginoon, at tumahan doon magpakailan man.

23 At sinabi ni Elcana na kaniyang asawa sa kaniya, Gawin mo ang inaakala mong mabuti; maghintay ka hanggang sa maihiwalay mo siya sa suso; pagtibayin lamang ng Panginoon ang kaniyang salita. Sa gayo'y naghintay ang babae, at pinasuso ang kaniyang anak, hanggang sa naihiwalay niya sa suso.

24 At nang kaniyang maihiwalay na sa suso, ay kaniyang iniahon, na may dala siyang tatlong guyang lalake, at isang epang harina, at isang sisidlang balat ng alak, at dinala niya siya sa bahay ng Panginoon sa Silo: at ang anak ay sanggol.

25 At kanilang pinatay ang guyang lalake, at dinala ang bata kay Eli.

26 At sinabi niya, Oh panginoon ko, alangalang sa buhay ng iyong kaluluwa, panginoon ko, ako ang babaing tumayo sa siping mo rito, na nanalangin sa Panginoon.

27 Dahil sa batang ito ako nanalangin; at ipinagkaloob sa akin ng Panginoon ang aking hiling na aking hiningi sa kaniya:

28 Kaya't aking ipinagkakaloob naman sa Panginoon habang siya'y nabubuhay ay ipinagkakaloob ko siya sa Panginoon. At siya ay sumamba sa Panginoon doon.

Mga Hebreo 8

Ang kinauuwian nga ng mga bagay na aming sinasabi ay ito: Mayroon tayong isang dakilang saserdote, na nakaupo sa kanan ng luklukan ng Karangalan sa mga langit,

Ministro sa santuario, at sa tunay na tabernakulo, na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao.

Sapagka't ang bawa't dakilang saserdote ay inilagay upang maghandog ng mga kaloob at ng mga hain naman: sa ganito'y kinakailangan din namang siya'y magkaroon ng anomang ihahandog.

Kung siya nga'y nasa lupa ay hindi siya saserdote sa anomang paraan, palibhasa'y mayroon nang nagsisipaghandog ng mga kaloob ayon sa kautusan;

Na nangaglilingkod sa anyo at anino ng mga bagay sa kalangitan, gaya naman ni Moises na pinagsabihan ng Dios nang malapit ng gawin niya ang tabernakulo: sapagka't sinabi niya, Ingatan mo na iyong gawin ang lahat ng mga bagay ayon sa anyong ipinakita sa iyo sa bundok.

Datapuwa't ngayo'y kinamtan niya ang ministeriong lalong marangal, palibhasa'y siya nama'y tagapamagitan sa isang tipang lalong magaling, na inilagda sa lalong mabubuting pangako.

Sapagka't kung ang unang tipang yaon ay naging walang kakulangan, ay hindi na sana inihanap ng pangangailangan ang ikalawa.

Sapagka't sa pagkakita ng kakulangan sa kanila, ay sinabi niya, Narito, dumarating ang mga araw, sinasabi ng Panginoon, Na ako'y gagawa ng isang bagong pakikipagtipan; sa sangbahayan ni Israel at sa sangbahayan ni Juda.

Hindi ayon sa tipang aking ipinakipagtipan sa kanilang mga magulang Nang araw na sila'y aking tangnan sa kamay, upang sila'y ihatid sa labas ng lupain ng Egipto; Sapagka't sila'y hindi nanatili sa aking tipan, At akin silang pinabayaan, sinasabi ng Panginoon.

10 Sapagka't ito ang pakikipagtipang aking gagawin sa sangbahayan ni Israel Pagkatapos ng mga araw na yaon, sinasabi ng Panginoon; Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pagiisip, At sa kanilang mga puso'y aking isusulat ang mga ito. At ako'y magiging Dios nila, At sila'y magiging bayan ko:

11 At hindi magtuturo ang bawa't isa sa kaniyang kababayan, At ang bawa't isa sa kaniyang kapatid, na sasabihing, Kilalanin mo ang Panginoon: Sapagka't ako'y makikilala ng lahat, Mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan sa kanila.

12 Sapagka't ako'y magiging mahabagin sa kanilang kalikuan, At ang kanilang mga kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.

13 Doon sa sinasabi niya, Isang bagong tipan, ay linuma niya ang una. Datapuwa't ang nagiging luma at tumatanda ay malapit ng lumipas.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain