Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Dios at ang Tao
90 Panginoon, kayo ang aming tahanan mula pa noon.
2 Bago nʼyo pa likhain ang mga bundok at ang mundo, kayo ay Dios na,
at kayo pa rin ang Dios hanggang sa katapusan.
3 Kayo ang nagpapasya kung kailan mamamatay ang isang tao.
Ibinabalik nʼyo siya sa lupa dahil sa lupa siya nagmula.
4 Ang 1,000 taon sa amin ay parang isang araw lang na lumipas sa inyo, o parang ilang oras lang sa gabi.
5 Winawakasan nʼyo ang aming buhay na parang isang panaginip na biglang nawawala,
6 o para ding damong tumutubo at lumalago sa umaga, ngunit kinahapunaʼy natutuyo at nalalanta.
13 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
Dinggin nʼyo kami at kahabagan, kami na inyong mga lingkod.
14 Tuwing umagaʼy ipadama nʼyo sa amin ang inyong tapat na pag-ibig,
upang umawit kami nang may kagalakan at maging masaya habang nabubuhay.
15 Bigyan nʼyo kami ng kagalakan
na kasintagal ng panahon na kami ay inyong pinarusahan at pinahirapan.
16 Ipakita nʼyo sa amin na inyong mga lingkod, at sa aming mga salinlahi, ang inyong kapangyarihan at mga dakilang gawa.
17 Panginoon naming Dios, pagpalain nʼyo sana kami at pagtagumpayin ang aming mga gawain.
32 O langit, makinig, sapagkat magsasalita ako!
O lupa, pakinggan ang aking mga salita.
2 Ang aking mga katuruan ay papatak gaya ng ulan at hamog.
Ang aking mga salita ay katulad ng patak ng ulan sa mga damo;
katulad rin ng ambon sa mga pananim.
3 Ipahahayag ko ang pangalan ng Panginoon.
Purihin natin ang kadakilaan ng ating Dios!
4 Siya ang Bato na kanlungan;
matuwid ang lahat ng gawa niya
at mapagkakatiwalaan ang lahat ng kanyang mga pamamaraan.
Matapat siyang Dios at hindi nagkakasala;
makatarungan siya at maaasahan.
5 Ngunit nagkasala kayo sa kanya at hindi na kayo itinuring na mga anak niya,
dahil sa inyong kasamaan.
Makasalanan kayo at madayang henerasyon!
6 Ganito pa ba ang igaganti ninyo sa Panginoon, kayong mga mangmang at kulang sa pang-unawa?
Hindi baʼt siya ang inyong ama na lumikha sa inyo at nagtaguyod na kayoʼy maging isang bansa?
7 Alalahanin ninyo ang mga taon na lumipas;
isipin ninyo ang mga lumipas na henerasyon.
Tanungin ninyo ang inyong mga magulang at mga matatanda, at ihahayag nila ito sa inyo.
8 Nang binigyan ng Kataas-taasang Dios ang mga bansa ng lupain nila at nang pinagbukod-bukod niya ang mga mamamayan,
nilagyan niya sila ng hangganan ayon sa dami ng mga anghel ng Dios.[a]
9 Pinili rin ng Panginoon ang lahi ni Jacob bilang mamamayan niya.
10 Nakita niya sila sa disyerto, sa lugar na halos walang tumutubong pananim.
Binabantayan niya sila at iniingatan katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mata.
11 Binantayan niya sila gaya ng pagbabantay ng agila sa kanyang mga inakay habang tinuturuan niya itong lumipad.
Ibinubuka niya ang kanyang mga pakpak para saluhin at buhatin sila.
12 Ang Panginoon lang ang gumagabay sa kanyang mga mamamayan,
walang tulong mula sa ibang mga dios.
13 Sila ang pinamahala niya sa mga kabundukan,
at pinakain ng mga ani ng lupa.
Inalagaan niya sila sa pamamagitan ng pulot mula sa batuhan at ng langis ng olibo mula sa mabatong lupa.
14 Binigyan niya sila ng keso at gatas ng mga baka at kambing,
at binigyan ng matatabang tupa at kambing mula sa Bashan.
Binigyan din niya sila ng pinakamagandang trigo at pinainom ng katas ng ubas.
18 Kinalimutan nila ang Dios na Bato na kanlungan na lumikha sa kanila.
7 Magpakita ka ng mabuting halimbawa sa lahat ng bagay. Maging tapat ka at taos-puso sa iyong pagtuturo. 8 Tiyakin mong tama ang iyong pananalita at walang maipipintas dito, upang ang mga sumasalungat sa atin ay mapahiya dahil wala silang masabing masama laban sa atin.
11 Sapagkat ang biyaya ng Dios na nagbibigay ng kaligtasan ay inihayag na sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang kasamaan at makamundong pagnanasa. Kaya mamuhay tayo sa mundong ito nang maayos, matuwid at makadios 13 habang hinihintay natin ang napakagandang pag-asa, na walang iba kundi ang maluwalhating pagbabalik ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14 Ibinigay niya ang kanyang sarili para sa atin upang tubusin tayo sa lahat ng kasamaan, at upang tayoʼy maging mamamayan niya na malinis at handang gumawa ng mabuti.
15 Ituro mo sa kanila ang mga bagay na ito. Gamitin mo ang iyong kapangyarihan sa paghimok at pagsaway. At huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®