Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 33:12-22

12 Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon.
    At mapalad ang mga taong pinili niya na maging kanya.
13 Mula sa langit ay minamasdan ng Panginoon ang lahat ng tao.
14 Mula sa kanyang luklukan,
    tinitingnan niya ang lahat ng narito sa mundo.
15 Siya ang nagbigay ng puso sa mga tao,
    at nauunawaan niya ang lahat ng kanilang ginagawa.

16 Hindi nananalo ang isang hari dahil sa dami ng kanyang kawal,
    at hindi naman naililigtas ang kawal gamit ang kanyang lakas.

17 Ang mga kabayo ay hindi maaasahan na maipanalo ang digmaan;
    hindi sila makapagliligtas sa kabila ng kanilang kalakasan.
18 Ngunit binabantayan ng Panginoon ang mga may takot sa kanya,
    sila na nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.
19 Silaʼy inililigtas niya sa kamatayan,
    at sa panahon ng taggutom, silaʼy kanyang inaalalayan.

20 Tayoʼy naghihintay nang may pagtitiwala sa Panginoon.
    Siya ang tumutulong at sa atin ay nagtatanggol.
21 Nagagalak tayo,
    dahil tayoʼy nagtitiwala sa kanyang banal na pangalan.

22 Panginoon, sumaamin nawa ang inyong matapat na pag-ibig.
    Ang aming pag-asa ay nasa inyo.

Exodus 19:16-25

16 Kinaumagahan ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may makapal na ulap na tumakip sa bundok at narinig ang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa kampo. 17 Pagkatapos, dinala ni Moises sa labas ng kampo ang mga tao para makipagkita sa Dios, at tumayo sila sa paanan ng bundok. 18 Nabalot ng usok ang Bundok ng Sinai dahil bumaba roon ang Panginoon sa anyo ng apoy. Pumaitaas ang usok kagaya ng usok na nanggaling sa hurno at nayanig nang malakas ang bundok,[a] 19 at lalo pang lumakas ang tunog ng trumpeta. Nagsalita si Moises at sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng kulog.[b]

20 Bumaba ang Panginoon sa ibabaw ng Bundok ng Sinai, at tinawag niya si Moises na umakyat sa ibabaw ng bundok. Kaya umakyat si Moises, 21 at sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumalik ka sa ibaba at balaan mo sila na huwag na huwag silang lalampas sa hangganan na inilagay sa paligid ng bundok para tingnan ako, dahil kung gagawin nila ito, marami sa kanila ang mamamatay. 22 Kahit na ang mga pari na palaging lumalapit sa presensya koʼy kailangang maglinis ng kanilang mga sarili dahil kung hindi, parurusahan ko rin sila.”

23 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Paano po aakyat ang mga tao sa bundok gayong binigyan nʼyo na kami ng babala na ituring naming banal ang bundok, at sinabihan nʼyo kaming lagyan ng tanda ang paligid ng bundok kung hanggang saan lang kami tatayo.”

24 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumaba ka at dalhin si Aaron dito. Pero ang mga pari at ang mga tao ay hindi dapat pumunta rito sa akin, para hindi ko sila parusahan.”

25 Kaya bumaba si Moises at sinabihan ang mga tao.

Roma 8:14-17

14 Ang mga taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios ay mga anak ng Dios. 15 At ang Espiritu na tinanggap ninyo ay hindi kayo inalipin upang muling matakot, sa halip ginawa kayong mga anak ng Dios. Ngayon, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, matatawag na ninyong “Ama” ang Dios. 16 Ang Banal na Espiritu at ang ating espiritu ay parehong nagpapatunay na tayoʼy mga anak ng Dios. 17 At bilang mga anak, mga tagapagmana tayo ng Dios at kasama ni Cristo na magmamana ng mga pagpapalang inilaan niya. Sapagkat kung magtitiis tayo kagaya ni Cristo noon, darating ang araw na pararangalan din tayong kasama niya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®