Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 37:1-14

Ang Lambak ng Maraming Buto

37 Napuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at dinala ako ng Espiritu niya sa gitna ng isang lambak maraming kalansay. Inilibot niya ako roon, at nakita ko ang napakaraming tuyong buto na nagkalat sa lambak. Tinanong ako ng Panginoon, “Anak ng tao, mabubuhay pa kaya ang mga butong ito?” Sumagot ako, “Panginoong Dios, kayo lang po ang nakakaalam.” Sinabi niya sa akin, “Sabihin mo sa mga butong ito na makinig sa sasabihin ko. Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ang magsasabi nito sa kanila, ‘Bibigyan ko kayo ng hininga, at mabubuhay kayo. Bibigyan ko kayo ng mga litid at laman, at babalutin ko kayo ng balat. Bibigyan ko nga kayo ng hininga, at mabubuhay kayo. At malalaman ninyong ako ang Panginoon.’ ”

Kaya sinunod ko ang iniutos sa akin. At habang nagsasalita ako, narinig ko ang tunog ng mga butong nagkakabit-kabit at nabuo. Nakita ko ring nagkaroon ang mga ito ng mga litid at laman at nabalot ng balat, pero walang hininga.

Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sabihin mo sa hangin na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Hangin umihip ka mula sa apat na dako, at hipan ang mga patay na ito para mabuhay.” 10 Kaya sinunod ko ang iniutos niya sa akin, at nabuhay nga ang mga patay. Nagsitayo sila – kasindami sila ng isang napakalaking hukbo.

11 Muling sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, ang mga butong iyon ay ang mga mamamayan ng Israel. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, at wala na kaming pag-asa; nilipol na kami.’ 12 Kaya sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Mga mamamayan ko, bubuksan ko ang mga libingan ninyo. Bubuhayin ko kayong muli, at ibabalik sa lupain ng Israel. 13 Kapag binuksan ko ang mga libingan ninyo at binuhay ko kayong muli, malalaman ninyo, mga mamamayan ko, na ako ang Panginoon. 14 Ibibigay ko sa inyo ang aking Espiritu at mabubuhay kayo. Patitirahin ko kayo sa sarili ninyong lupain. At malalaman nga ninyo na ako ang Panginoon na tumutupad ng aking pangako. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Salmo 130

Pagtitiwala sa Panginoon sa Oras ng Paghihirap

130 Panginoon, sa labis kong paghihirap akoʼy tumatawag sa inyo.
Dinggin nʼyo po ang aking pagsusumamo.
Kung inililista nʼyo ang aming mga kasalanan,
    sino kaya sa amin ang matitira sa inyong presensya?[a]
Ngunit pinapatawad nʼyo kami, upang matuto kaming gumalang sa inyo.
Panginoon, akoʼy naghihintay sa inyo,
    at umaasa sa inyong mga salita.
Naghihintay ako sa inyo higit pa sa tagabantay na naghihintay na dumating ang umaga.

Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon,
    dahil siyaʼy mapagmahal at laging handang magligtas.
Siya ang magliligtas sa inyo sa lahat ng inyong mga kasalanan.

Roma 8:6-11

Ang kahihinatnan ng pagsunod sa nais ng makasalanang pagkatao ay kamatayan, pero ang kahihinatnan ng pagsunod sa nais ng Banal na Espiritu ay kapayapaan at buhay na walang hanggan. Kalaban ng Dios ang sinumang sumusunod sa nais ng makasalanan niyang pagkatao, dahil ayaw niyang sumunod sa Kautusan ng Dios, at talagang hindi niya magagawang sumunod. Kaya ang mga taong nabubuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay hindi maaaring kalugdan ng Dios.

Pero hindi na kayo nabubuhay ayon sa makasalanang pagkatao kundi ayon sa patnubay ng Espiritu, kung totoong nasa inyo na nga ang Espiritu ng Dios. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, siyaʼy hindi kay Cristo. 10 Pero dahil nasa inyo na si Cristo, mamatay man ang katawan nʼyo dahil sa kasalanan, buhay naman ang inyong espiritu dahil itinuring na kayong matuwid ng Dios. 11 At dahil nasa inyo na ang Espiritu ng Dios na muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya rin ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.

Juan 11:1-45

Ang Pagkamatay ni Lazarus

11 1-2 May isang lalaki na ang pangalan ay Lazarus. Siya at ang mga kapatid niyang sina Maria at Marta ay nakatira sa Betania. Si Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan niya ng kanyang buhok. Nagkasakit si Lazarus, kaya nagpasabi ang magkapatid na babae kay Jesus na may sakit ang minamahal niyang kaibigan. Nang mabalitaan ito ni Jesus, sinabi niya, “Ang sakit na itoʼy hindi tungo sa kamatayan. Nagkasakit siya upang maparangalan ang Dios, at sa pamamagitan nitoʼy maparangalan din ang Anak ng Dios.”

Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazarus. Pero nang mabalitaan niyang may sakit si Lazarus, nanatili pa siya ng dalawang araw sa kinaroroonan niya. Pagkalipas ng dalawang araw, sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Bumalik na tayo sa Judea.” Sumagot sila, “Guro, kamakailan lang ay tinangka kayong batuhin ng mga Judio. Bakit pa kayo babalik doon?” Sumagot si Jesus, “Hindi baʼt may 12 oras sa maghapon? Kaya ang naglalakad sa araw ay hindi natitisod, dahil maliwanag pa. 10 Ngunit ang naglalakad sa gabi ay natitisod, dahil wala na sa kanya ang liwanag.” 11 Pagkatapos, sinabi pa ni Jesus, “Ang kaibigan nating si Lazarus ay natutulog. Pupunta ako roon upang gisingin siya.” 12 Sinabi ng mga tagasunod niya, “Panginoon, kung natutulog siya, gagaling pa siya.” 13 Ang akala nilaʼy natutulog lang si Lazarus, pero ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na ito. 14 Kaya tinapat sila ni Jesus, “Patay na si Lazarus. 15 Ngunit nagpapasalamat ako na wala ako roon, dahil ang gagawin kong himala sa kanya ay para sa kabutihan ninyo, upang lalo pa kayong sumampalataya sa akin.[a] Tayo na, puntahan natin siya.” 16 Si Tomas na tinatawag na Kambal ay nagsabi sa mga kapwa niya tagasunod, “Sumama tayo sa kanya, kahit mamatay tayong kasama niya.”

Binuhay ni Jesus ang Patay

17 Nang dumating si Jesus sa Betania, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazarus. 18 May tatlong kilometro lang ang layo ng Betania sa Jerusalem, 19 kaya maraming Judio galing sa Jerusalem ang dumalaw kina Marta at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.

20 Nang marinig ni Marta na dumarating na si Jesus, sinalubong niya ito; pero si Maria ay naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung nandito kayo ay hindi sana namatay ang kapatid ko. 22 Ngunit kahit ngayon, alam kong ibibigay sa inyo ng Dios ang anumang hilingin nʼyo sa kanya.” 23 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Muling mabubuhay ang kapatid mo.” 24 Sumagot si Marta, “Alam ko pong mabubuhay siyang muli sa huling araw, kapag bubuhayin na ang mga namatay.” 25 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ako ang bumubuhay sa mga namatay, at ako rin ang nagbibigay ng buhay. Ang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay. 26 Ang sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?” 27 Sumagot si Marta, “Opo, Panginoon, sumasampalataya ako na kayo ang Cristo, ang Anak ng Dios, na hinihintay naming darating dito sa mundo.”

Umiyak si Jesus

28 Pagkasabi niya nito, bumalik si Marta sa bahay nila. Tinawag niya ang kapatid niyang si Maria at binulungan, “Narito na ang Guro, at ipinatatawag ka niya.” 29 Nang marinig ito ni Maria, dali-dali siyang tumayo at pinuntahan si Jesus. 30 (Hindi pa nakakarating si Jesus sa Betania. Naroon pa lang siya sa lugar kung saan sinalubong siya ni Marta.) 31 Nang makita ng mga nakikiramay na Judio na tumayo si Maria at dali-daling lumabas, sinundan nila siya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doon manangis.

32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, lumuhod siya sa harap nito at sinabi, “Panginoon, kung narito lang kayo ay hindi sana namatay ang kapatid ko.” 33 Nabagbag ang puso ni Jesus[b] at naawa siya nang makita niyang umiiyak si Maria, pati na ang mga kasama nitong mga Judio. 34 Tinanong niya sila, “Saan ninyo siya inilibing?” Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.” 35 Umiyak si Jesus. 36 Kaya sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano niya kamahal si Lazarus.” 37 Pero sinabi naman ng iba, “Hindi baʼt pinagaling niya ang lalaking bulag? Bakit hindi niya nailigtas sa kamatayan si Lazarus?”

Muling Binuhay si Lazarus

38 Muling nabagbag ang puso ni Jesus. Kaya pumunta siya sa pinaglibingan kay Lazarus. Isa itong kweba na tinakpan ng isang malaking bato. 39 Pagdating nila roon, sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Sumagot si Marta na kapatid ng namatay, “Panginoon, tiyak na nangangamoy na ngayon ang bangkay. Apat na araw na siyang nakalibing.” 40 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hindi baʼt sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kapangyarihan[c] ng Dios?” 41 Kaya inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, dahil dininig mo ako. 42 Alam kong lagi mo akong dinidinig, at sinasabi ko ito para sa kapakanan ng mga nasa paligid ko upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” 43 Pagkasabi niya nito, sumigaw siya, “Lazarus, lumabas ka!” 44 At lumabas nga ang namatay na si Lazarus na nababalot pa ng tela ang mga kamay at paa, at may takip na tela ang mukha. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kalagan nʼyo siya at palakarin.”

Ang Plano ng mga Pinuno Laban kay Jesus(A)

45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang sumampalataya nang makita nila ang ginawa ni Jesus.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®