Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Papuri sa Kabutihan ng Dios
81 Umawit kayo nang may galak sa Dios na nagbibigay sa atin ng kalakasan.
Sumigaw kayo nang may tuwa sa Dios ni Jacob!
2 Umawit kayo at tugtugin ang tamburin kasabay ng magandang tunog ng alpa at lira.[a]
3 Patunugin ninyo ang tambuli tuwing Pista ng Pagsisimula ng Buwan na ating ipinagdiriwang tuwing kabilugan ng buwan.
4 Dahil isa itong kautusan para sa mga taga-Israel.
Itoʼy utos ng Dios ni Jacob.
5 Ibinigay niya ang kautusang ito sa lahi ni Jose nang siyaʼy sumalakay sa lupain ng Egipto.
May narinig akong tinig ngunit hindi ko kilala, na nagsasabing,
6 “Pinalaya ko kayo sa pagkaalipin;
kinuha ko ang mabibigat ninyong mga bitbit at pasanin.
7 Nang kayoʼy nahirapan, tumawag kayo sa akin at kayoʼy iniligtas ko.
Mula sa mga alapaap,
sinagot ko kayo at sinubok doon sa bukal ng Meriba.
8 Mga Israelita na aking mga mamamayan, pakinggan ninyo itong babala ko sa inyo.
Makinig sana kayo sa akin!
9 Hindi kayo dapat magkaroon ng ibang dios.
Huwag kayong sasamba sa kanila.
10 Ako ang Panginoon na inyong Dios. Ako ang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.
Humingi kayo sa akin at ibibigay ko sa inyo ang mga pangangailangan ninyo.
11 Ngunit kayong mga Israelita na aking mga mamamayan, hindi kayo nakinig at sumunod sa akin.
12 Kaya hinayaan ko kayo sa katigasan ng inyong ulo[b] at ginawa ninyo ang inyong gusto.
13 Kung nakinig lang sana kayo sa akin at sumunod sa aking mga pamamaraan,
14 kaagad ko sanang nilupig at pinarusahan ang inyong mga kaaway.
15 Ang mga napopoot sa akin ay yuyukod sa takot.
Ang kaparusahan nila ay walang katapusan.
16 Ngunit kayo na aking mga mamamayan,
pakakainin ko kayo ng pinakamainam na bunga ng trigo at pulot hanggang sa mabusog kayo.”
Nakarating si Jacob sa Bahay ni Laban
29 Nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay niya hanggang sa nakarating siya sa lupain ng mga taga-silangan. 2 May nakita siya roon na isang balon at sa tabi nito ay may tatlong pulutong ng tupa na nagpapahinga, dahil doon kumukuha ang mga tao ng tubig na ipinapainom sa mga tupa. Ang balon na ito ay tinatakpan ng malaking bato. 3 Iniipon muna ng mga pastol ang lahat ng tupa bago nila pagulungin ang batong nakatakip sa balon. Pagkatapos nilang painumin ang mga tupa, muli nilang tinatakpan ang balon.
4 Ngayon, nagtanong si Jacob sa mga pastol ng tupa, “Mga kaibigan, taga-saan kayo?”
Sumagot sila, “Taga-Haran.”
5 Muling nagtanong si Jacob, “Kilala ba ninyo si Laban na apo ni Nahor?”
Sumagot sila, “Oo, kilala namin.”
6 Nagpatuloy sa pagtatanong si Jacob, “Kumusta na ba siya?”
Sumagot sila, “Mabuti naman. Tingnan mo, paparating ang anak niyang si Raquel dito kasama ang kanilang mga tupa.”
7 Sinabi ni Jacob sa kanila, “Napakaaga pa at hindi pa oras para ipunin ang mga tupa, mabuti sigurong painumin ninyo sila at muling ipastol.”
8 Sumagot sila, “Hindi namin iyan magagawa kung hindi muna maiipon ang lahat ng tupa. Kung nandito na ang lahat, doon pa lamang namin pagugulungin ang takip na bato para silaʼy painumin.”
9 Nagsasalita pa si Jacob sa kanila nang dumating si Raquel na dala ang mga tupa ng kanyang ama, dahil siya ang nagbabantay sa mga ito. 10 Pagkakita ni Jacob kay Raquel na anak ng tiyuhin niyang si Laban, na kasama ang mga tupa, pumunta siya sa balon at pinagulong ang bato at pinainom ang mga tupa ng tiyuhin niyang si Laban. 11 Pagkatapos, hinagkan niya si Raquel at napaiyak siya sa tuwa. 12 Sinabi niya kay Raquel, “Anak ako ni Rebeka, kaya pamangkin ako ng iyong ama.” Patakbong umuwi si Raquel at sinabi sa kanyang ama.
13 Nang marinig ni Laban na nariyan si Jacob na pamangkin niya kay Rebeka, agad niya itong sinalubong. Hinagkan niya si Jacob at dinala sa bahay niya. At doon sinabi ni Jacob kay Laban ang lahat ng nangyari. 14 Sinabi ni Laban sa kanya, “Tunay na magkadugo tayo.”
Naglingkod si Jacob kay Laban dahil kina Raquel at Lea
Pagkalipas ng isang buwan na pananatili ni Jacob kina Laban,
Babala sa Pagsamba sa mga Dios-diosan
10 Mga kapatid, gusto kong malaman ninyo ang nangyari sa aming mga ninuno noon na kasama ni Moises. Ginabayan sila ng Dios sa pamamagitan ng isang ulap na nanguna sa kanila, at tinulungan sila sa kanilang pagtawid sa Dagat na Pula. 2 Sa pamamagitan ng ulap at ng dagat ay parang binautismuhan sila bilang mga tagasunod ni Moises. 3 Kumain silang lahat ng pagkaing mula sa Dios. 4 At uminom din silang lahat ng inuming ibinigay niya, dahil uminom sila ng tubig na pinaagos ng Dios mula sa Bato. Ang Batong iyon na sumama sa kanila ay walang iba kundi si Cristo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®