Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagtawag ng Dios kay Abram
12 Ngayon, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bansa, ang mga kamag-anak mo, at kahit ang sambahayan ng iyong ama, at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.
2 Gagawin kong isang tanyag na bansa ang lahi mo.
Pagpapalain kita at magiging tanyag ang iyong pangalan.
Sa pamamagitan mo, marami ang pagpapalain.
3 Pagpapalain ko ang magmamagandang loob sa iyo.
Pero isusumpa ko naman ang susumpa sa iyo.
Sa pamamagitan mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo.”
4-5 Kaya umalis si Abram sa Haran at pumunta sa Canaan, ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya. Nasa 75 taong gulang noon si Abram. Sumama sa kanya ang pamangkin niyang si Lot. Kasama rin niya ang asawa niyang si Sarai at ang lahat ng ari-arian at aliping natipon nila sa Haran.
Ang Panginoon ang Aking Tagapag-ingat
121 Tumitingin ako sa mga bundok;
saan kaya nanggagaling ang aking saklolo?
2 Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa Panginoon,
na gumawa ng langit at ng lupa.
3 Hindi niya papayagan na ikaw ay mabuwal.
Siyang nag-iingat sa iyo ay hindi natutulog.
4 Pakinggan mo ito!
Ang nag-iingat sa mga taga-Israel ay hindi umiidlip o natutulog.
5 Ang Panginoon ang nag-iingat sa iyo;
siyaʼy kasama mo upang ikaw ay patnubayan.
6 Hindi makakasakit sa iyo ang init ng araw o ang liwanag ng buwan kung gabi.[a]
7 Iingatan ka ng Panginoon sa anumang kapahamakan;
pati ang buhay moʼy kanyang iingatan.
8 Ang Panginoon ang mag-iingat sa iyo nasaan ka man,
ngayon at magpakailanman.
Ginawang Halimbawa si Abraham
4 Bilang halimbawa kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao, isipin ninyo si Abraham na Ama ng mga Judio sa laman. 2 Kung itinuring siya ng Dios na matuwid dahil sa mga nagawa niya, sanaʼy may maipagmamalaki siya. Pero wala siyang maipagmamalaki sa Dios, 3 dahil sinasabi sa Kasulatan, “Sumampalataya si Abraham sa Dios, at dahil ditoʼy itinuring siyang matuwid ng Dios.”[a] 4 Ang ibinibigay sa isang taong nagtatrabaho ay hindi kaloob kundi bayad. 5 Pero itinuring tayong matuwid ng Dios sa kabila ng ating mga kasalanan hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa pananampalataya natin sa kanya.
Natatanggap ang Pangako ng Dios sa Pamamagitan ng Pananampalataya
13 Ipinangako ng Dios kay Abraham at sa kanyang lahi na mamanahin nila ang mundo. Ang pangakong ito ay ibinigay ng Dios kay Abraham hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan, kundi dahil itinuring siya ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya. 14 Kung ang mga nasasakop lamang ng Kautusan ang magiging tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya at ganoon din naman ang pangako ng Dios. 15 Ang Kautusan ang siyang naging dahilan kung bakit may parusa mula sa Dios. Kung walang Kautusan, wala ring paglabag.
16 Kaya nakabatay ang pangako ng Dios sa pananampalataya, para itoʼy maging biyaya ng Dios at tiyak na matatanggap ng lahat ng lahi ni Abraham – hindi lamang ng mga Judio na sakop ng Kautusan, kundi maging ng mga hindi Judio na sumasampalataya ring tulad ni Abraham na ama nating lahat. 17 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.”[a] Kaya sa paningin ng Dios, si Abraham ang ating ama. At ang Dios na pinaniwalaan ni Abraham, ang siya ring Dios na bumubuhay sa mga patay at lumilikha ng mga bagay na wala pa.
Tungkol sa Muling Kapanganakan
3 May isang taong nagngangalang Nicodemus. Isa siya sa mga pinuno ng mga Judio at kabilang sa grupo ng mga Pariseo. 2 Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Guro, alam naming isa kayong tagapagturo na mula sa Dios, dahil walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo, maliban kung sumasakanya ang Dios.” 3 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios ang hindi ipinanganak na muli.”[a] 4 Nagtanong si Nicodemus, “Paanong maipapanganak muli ang isang taong matanda na? Hindi na siya pwedeng bumalik sa tiyan ng kanyang ina upang ipanganak muli.” 5 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios ang hindi ipinanganak sa pamamagitan ng tubig at Banal na Espiritu. 6 Ang ipinanganak sa pamamagitan ng tao ay may pisikal na buhay, ngunit ang ipinanganak sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay nagkakaroon ng bagong buhay na espiritwal. 7 Kaya huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo na kailangang ipanganak kayong muli. 8 Ang hangin ay umiihip kung saan nito gusto. Naririnig natin ang ihip nito, ngunit hindi natin alam kung saan nanggagaling o saan pupunta. Ganoon din ang sinumang ipanganak sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.” 9 Nagtanong si Nicodemus, “Paano pong mangyayari iyon?” 10 Sumagot si Jesus, “Isa kang tanyag na tagapagturo sa Israel, pero hindi mo ito alam? 11 Sinasabi ko sa iyo ang totoo, ipinapahayag namin ang nalalaman at nasaksihan namin, ngunit hindi ninyo tinatanggap. 12 Kung hindi kayo naniniwala sa mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa kaya kayo maniniwala sa mga sasabihin ko tungkol sa mga bagay sa langit? 13 Walang sinumang nakapunta sa langit maliban sa akin na Anak ng Tao na nagmula sa langit.”
14 Sinabi pa ni Jesus, “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas na tanso sa ilang ay ganoon din naman, ako na Anak ng Tao ay dapat ding itaas,[b] 15 upang ang sinumang sumasampalataya sa akin ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
16 “Sapagkat ganito ang pag-ibig ng Dios sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay niya ang kanyang Bugtong[c] na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Sapagkat hindi sinugo ng Dios ang kanyang Anak dito sa mundo upang hatulan ng parusa ang mga tao, kundi upang iligtas sila.
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)
17 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan sa isang mataas na bundok ng sila-sila lang. 2 At habang nakatingin sila kay Jesus, nagbago ang kanyang anyo. Nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at ang damit niyaʼy naging puting-puti na parang liwanag. 3 Bigla nilang nakita sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. 4 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabutiʼt narito kami.[a] Kung gusto nʼyo po, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” 5 Habang nagsasalita pa si Pedro, nabalot sila ng nakakasilaw na ulap. At may tinig silang narinig mula sa mga ulap na nagsasabing, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” 6 Nang marinig iyon ng mga tagasunod, nagpatirapa sila sa takot. 7 Pero nilapitan sila ni Jesus at tinapik. Sinabi niya, “Tumayo kayo. Huwag kayong matakot.” 8 Pagtingin nila, wala na silang ibang nakita kundi si Jesus na lang.
9 Nang pababa na sila sa bundok, sinabihan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang inyong nakita hanggaʼt ang Anak ng Tao ay hindi pa muling nabubuhay.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®