Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 121

Ang Panginoon ang Aking Tagapag-ingat

121 Tumitingin ako sa mga bundok;
    saan kaya nanggagaling ang aking saklolo?
Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa Panginoon,
    na gumawa ng langit at ng lupa.

Hindi niya papayagan na ikaw ay mabuwal.
    Siyang nag-iingat sa iyo ay hindi natutulog.
Pakinggan mo ito!
    Ang nag-iingat sa mga taga-Israel ay hindi umiidlip o natutulog.
Ang Panginoon ang nag-iingat sa iyo;
    siyaʼy kasama mo upang ikaw ay patnubayan.
Hindi makakasakit sa iyo ang init ng araw o ang liwanag ng buwan kung gabi.[a]
Iingatan ka ng Panginoon sa anumang kapahamakan;
    pati ang buhay moʼy kanyang iingatan.
Ang Panginoon ang mag-iingat sa iyo nasaan ka man,
    ngayon at magpakailanman.

Micas 7:18-20

18 Wala na pong ibang Dios na tulad ninyo. Pinatawad nʼyo ang kasalanan ng mga natitirang mamamayan na pag-aari ninyo. Hindi kayo nananatiling galit magpakailanman dahil ikinagagalak nʼyong mahalin kami. 19 Muli nʼyo kaming kaawaan at alisin nʼyo po ang lahat naming mga kasalanan. Yurakan nʼyo ito at itapon sa kailaliman ng dagat. 20 Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig at katapatan sa amin na mga lahi ni Abraham at ni Jacob, gaya ng iyong ipinangako sa kanila noong unang panahon.”

Roma 3:21-31

21 Pero ngayon, inihayag na kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao. Itoʼy hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ang Kautusan na mismo at ang mga propeta ang nagpapatotoo rito. 22 Ang taoʼy itinuturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. At walang pinapaboran ang Dios. Kaya ang sinumang sumasampalataya kay Jesu-Cristo ay itinuturing niyang matuwid. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Dios. 24 Ngunit dahil sa biyaya ng Dios sa atin, itinuring niya tayong matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang tumubos sa atin. Itoʼy regalo ng Dios. 25 Isinugo si Cristo Jesus sa mundo para ialay ang kanyang buhay, nang sa ganoon mawala ang galit ng Dios sa atin, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang ating mga kasalanan kung sasampalataya tayo sa kanya. Ginawa iyon ng Dios para ipakita na matuwid siya. Noong unaʼy nagtimpi siya at pinalampas ang mga kasalanang ginawa ng mga tao, kahit na dapat sanaʼy pinarusahan na sila. 26 Isinugo niya si Cristo para ipakita sa kasalukuyang panahon na matuwid siya. Dahil sa ginawa ng Dios, pinatunayan niyang matuwid siya maging sa pagturing niyang matuwid sa mga makasalanang sumasampalataya kay Jesus. 27 Kaya wala tayong maipagmamalaki, dahil ang pagturing sa atin na matuwid ay hindi sa pamamagitan ng ating pagsunod sa Kautusan, kundi sa ating pananampalataya kay Jesus. 28 Sapagkat naniniwala tayo na itinuturing ng Dios na matuwid ang tao sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya kay Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan. 29 Ang Dios ay hindi lamang Dios ng mga Judio, kundi Dios din ng mga hindi Judio, dahil siyaʼy Dios ng lahat. 30 Iisa lamang ang Dios para sa mga Judio at hindi Judio, at ituturing silang matuwid ng Dios dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo. 31 Nangangahulugan bang binabalewala namin ang Kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Hindi! Sa halip, lalo pa nga naming tinutupad ang layunin ng Kautusan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®