Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
9 Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kanyang buhay?
Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita.
10 Buong puso akong lumalapit sa inyo;
kaya tulungan nʼyo akong huwag lumihis sa inyong mga utos.
11 Ang salita nʼyo ay iningatan ko sa aking puso upang hindi ako magkasala sa inyo.
12 Purihin kayo Panginoon!
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
13 Paulit-ulit kong sinasabi ang mga kautusang ibinigay ninyo.
14 Nagagalak akong sumunod sa inyong mga katuruan,
higit pa sa kagalakang dulot ng mga kayamanan.
15 Ang inyong mga tuntunin ay aking pinagbubulay-bulayan
at iniisip kong mabuti ang inyong pamamaraan.
16 Magagalak ako sa inyong mga tuntunin,
at ang inyong mga salitaʼy hindi ko lilimutin.
Ang Kahalagahan ng Karunungan
2 Anak, tanggapin at ingatan mo sa iyong puso ang mga itinuturo at iniuutos ko sa iyo. 2 Pakinggan mo kung ano ang makapagbibigay sa iyo ng karunungan at kaalaman. 3 Pagsikapan mong magkaroon ng pang-unawa, 4 na parang naghahanap ka ng pilak o anumang nakatagong kayamanan. 5 Kung gagawin mo ito, malalaman mo kung ano ang pagkatakot sa Panginoon at mauunawaan mo ang tungkol sa kanya. 6 Sapagkat ang Panginoon ang nagbibigay ng karunungan, kaalaman, at ng pang-unawa. 7-8 Iniingatan niya ang namumuhay nang matuwid, matapat, at walang kapintasan. Binibigyan din niya sila ng katagumpayan.[a]
9 Kung makikinig ka sa akin, malalaman mo ang dapat mong gawin, ang tama, matuwid at nararapat. 10 Sapagkat lalong lalawak ang iyong karunungan at magbibigay ito sa iyo ng kaligayahan. 11 Kapag nakakaunawa ka at marunong magpasya nang tama, iingatan ka nito. 12 Ilalayo ka ng karunungan sa masamang pag-uugali at sa mga taong nagsasalita ng masama. 13 Pinili ng mga taong ito na iwanan ang magandang pag-uugali at sumunod sa pamamaraan ng mga nasa kadiliman. 14 Natutuwa sila sa paggawa ng masama at nasisiyahan sa mga kalikuan nito. 15 Masama ang pag-uugali nila at hindi matuwid ang kanilang pamumuhay.
Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay(A)
19 Pagkatapos ipangaral ni Jesus ang mga bagay na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa lalawigan ng Judea sa kabila ng Ilog ng Jordan. 2 Maraming tao ang sumunod sa kanya at pinagaling niya sila sa kanilang mga sakit.
3 May mga Pariseong pumunta sa kanya para hanapan siya ng butas. Kaya nagtanong sila, “Pinahihintulutan ba ng Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang asawa niya sa kahit anong dahilan?” 4 Sumagot si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan na sa simula pa lang, nang likhain ng Dios ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae?’[a] 5 ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa. At silang dalawa ay magiging isa.’[b] 6 Hindi na sila dalawa kundi isa na lang. Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Dios.” 7 Nagtanong uli ang mga Pariseo, “Pero bakit sinabi ni Moises na pwedeng hiwalayan ng lalaki ang asawa niya, bastaʼt bigyan niya ito ng kasulatan ng paghihiwalay?”[c] 8 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ipinahintulot ito ni Moises sa inyo dahil sa katigasan ng ulo ninyo. Ngunit hindi iyan ang layunin ng Dios mula sa simula. 9 Kaya sinasabi ko sa inyo, kung hiwalayan ng lalaki ang asawa niya sa anumang dahilan maliban sa sekswal na imoralidad, at pagkatapos ay mag-asawa ng iba, nagkasala siya ng pangangalunya. [At ang nag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.]”
10 Sinabi ng mga tagasunod ni Jesus, “Kung ganyan po pala ang panuntunan sa pag-aasawa, mabuti pang huwag na lang mag-asawa.” 11 Sumagot si Jesus, “Hindi matatanggap ng lahat ang turong ito, maliban na lang sa mga taong pinagkalooban nito. 12 May ibaʼt ibang dahilan kung bakit ang ilan ay hindi nag-aasawa. May iba na ipinanganak na sadyang baog. Ang ibaʼy hindi makakapag-asawa dahil sinadyang kapunin. At may iba naman ay ayaw mag-asawa dahil sa pagpapahalaga nila sa kaharian ng Dios. Kung kaya ng sinuman na hindi mag-asawa, huwag na siyang mag-asawa.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®