Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 30:15-20

15 “Makinig kayo! Sa araw na ito, pinapapili ko kayo: buhay o kamatayan, kasaganaan o kahirapan. 16 Inuutusan ko kayo ngayon na mahalin ang Panginoon na inyong Dios, na mamuhay ayon sa kanyang pamamaraan, at sundin ang kanyang mga utos at tuntunin. Kung gagawin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal at dadami, at pagpapalain kayo ng Panginoon doon sa lupaing titirhan at aangkinin ninyo.

17 “Ngunit kung tatalikod kayo at hindi susunod sa kanya, at kung sasamba kayo at maglilingkod sa ibang mga dios; 18 ngayon pa lang, binabalaan ko na kayo na siguradong mamamatay kayo. Hindi kayo mabubuhay nang matagal sa lupaing titirhan ninyo at mamanahin doon sa kabila ng Jordan.

19 “Sa araw na ito, tinawag ko ang langit at lupa na maging saksi kung alin dito ang pipiliin ninyo: buhay o kamatayan, pagpapala o sumpa. Piliin sana ninyo ang buhay para mabuhay kayo nang matagal pati na ang inyong mga anak.[a] 20 Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios. Sundin ninyo siya at manatili kayo sa kanya, dahil siya ang inyong buhay. Kung gagawin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal doon sa lupain na ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob.”

Error: 'Ecclesiastico 15:15-20' not found for the version: Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Salmo 119:1-8

Ang Kautusan ng Dios

119 Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon.
Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.
Hindi sila gumagawa ng masama kundi sumusunod sa mga pamamaraan ng Dios.
Panginoon, ibinigay nʼyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.
Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.
At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.
Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso,
    habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.
Susundin ko ang inyong mga tuntunin,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan.

1 Corinto 3:1-9

Mga Lingkod ng Dios

Mga kapatid, hindi ko kayo makausap noon bilang mga taong ginagabayan ng Espiritu ng Dios, kundi bilang mga taong makamundo at sanggol pa sa pananampalataya kay Cristo. Ang mga ipinangaral ko sa inyoʼy mga simpleng aral lamang dahil sa hindi pa ninyo kayang unawain ang malalalim na pangaral. At kahit ngayon, hindi pa ninyo ito kayang unawain, dahil makamundo pa rin kayo. Nag-iinggitan kayo at nag-aaway-away. Hindi baʼt patunay ito na makamundo pa rin kayo at namumuhay ayon sa laman? Kapag sinasabi ninyong “Kay Pablo ako,” o “Kay Apolos ako,” hindi baʼt para kayong mga taong makamundo na nagkakampi-kampihan?

Bakit, sino ba si Apolos? At sino nga ba naman akong si Pablo? Kami ay mga lingkod lamang ng Dios na ginamit niya upang sumampalataya kayo. At ang bawat isa sa amin ay gumagawa lamang ng gawaing ibinigay sa amin ng Panginoon. Ako ang nagtanim, at si Apolos ang nagdilig. Ngunit ang Dios ang siyang nagpatubo. Hindi ang nagtanim at ang nagdilig ang mahalaga, kundi ang Dios na siyang nagpapatubo nito. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong mga lingkod lamang. Ang bawat isa sa kanilaʼy tatanggap ng gantimpala ayon sa kanilang ginawa. Kami ni Apolos ay nagtutulungan bilang mga manggagawa ng Dios, at kayoʼy katulad ng bukirin na ipinasasaka sa amin ng Dios.

Maihahalintulad din kayo sa isang gusali na kanyang itinatayo.

Mateo 5:21-37

Ang Turo tungkol sa Galit

21 Sinabi pa ni Jesus, “Narinig ninyo na sinabi noong una sa ating mga ninuno, ‘Huwag kayong papatay,[a] dahil ang sinumang pumatay ay parurusahan.’ 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang may galit sa kanyang kapatid ay parurusahan din. At ang humamak sa kanyang kapatid at magsabi sa kanya, ‘Wala kang silbi!’ ay dadalhin sa mataas na hukuman. At ang sinumang magsabi ng ‘Ulol ka!’ sa kanyang kapatid ay mapupunta sa apoy ng impyerno. 23 Kaya kung nasa altar ka at nag-aalay ng iyong handog sa Dios, at maalala mong may hinanakit sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwanan mo muna ang handog mo sa harap ng altar. Makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid at saka ka bumalik at maghandog sa Dios.”

25 “Kapag may nagdedemanda sa iyo, makipag-ayos ka kaagad sa kanya habang papunta pa lang kayo sa hukuman. Dahil kapag nasa hukuman na kayo, ibibigay kayo ng hukom sa alagad ng batas upang ipabilanggo. 26 Tinitiyak ko sa iyo, hindi ka makakalabas ng bilangguan hanggaʼt hindi mo nababayaran ang kabuuan ng utang mo.”[b]

Ang Turo tungkol sa Pangangalunya

27 “Narinig ninyo na sinabi noong una, ‘Huwag kang mangangalunya.’[c] 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang tumingin lang sa isang babae nang may masamang pagnanasa ay nagkasala na ng pangangalunya sa kanyang isip. 29 Kaya kung ang kanang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pang mawalan ka ng isang parte ng iyong katawan kaysa sa buo ang katawan mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 30 At kung ang kanang kamay mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mas mabuti pang mawalan ka ng isang parte ng katawan kaysa sa buo ang katawan mo pero itatapon ka naman sa impyerno.”

Ang Turo tungkol sa Paghihiwalay(A)

31 “Sinabi rin noong una, ‘Kung nais ng isang lalaki na hiwalayan ang kanyang asawa, kinakailangang bigyan niya ito ng kasulatan ng paghihiwalay.’[d] 32 Ngunit sinasabi ko sa inyo na kapag hiniwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan maliban sa sekswal na imoralidad, siya na rin ang nagtulak sa kanyang asawa na mangalunya kapag nag-asawa itong muli. At ang sinumang mag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.”

Ang Turo tungkol sa Panunumpa

33 “Narinig din ninyo na sinabi noong una sa ating mga ninuno, ‘Kapag ang tao ay nangako at nanumpa pa sa pangalan ng Panginoon, kailangang tuparin niya ito.’[e] 34 Ngunit sinasabi ko sa inyo na kung mangangako kayo, huwag kayong susumpa. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ dahil naroon ang trono ng Dios, 35 o ‘Saksi ko ang lupa,’ dahil ito ang tuntungan ng kanyang paa. At huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ dahil ito ang lungsod ng dakilang hari. 36 At huwag din ninyong sasabihing, ‘Kahit mamatay pa ako,’ dahil ni isang buhok mo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. 37 Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo, at ‘Hindi’ kung hindi; dahil kung manunumpa pa kayo, galing na iyan sa diyablo.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®